top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 11, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong mga nakaraang araw ay nakaranas ang ating mga kababayan ng sunud-sunod na mga sakuna. Kamakailan ay nanalasa ang Bagyong Tino, kung saan mahigit 3,400 na mga silid-aralan ang nasira. Patuloy din nating hinaharap ang mga pinsalang dulot ng Super Typhoon Uwan na tumama sa malaking bahagi ng bansa. 


Sa tuwing binabayo tayo ng mga sakuna, mahalagang tiyakin natin ang kaligtasan ng mga kabataan, lalo na’t sila ang lubos na naaapektuhan at nalalagay sa panganib. Kaya naman patuloy nating hinihimok ang ating mga local government units (LGUs) na makipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan kagaya ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng ating mga kabataan sa panahon ng kalamidad.


Kabilang sa mga dapat nating tiyakin ang pagkakaroon ng ligtas na espasyo para sa mga kabataan, lalo na tuwing sila ay lilikas. Mahalaga ring matiyak na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan pagdating sa kanilang kalusugan at nutrisyon. Kabilang din sa mga nais nating bigyan ng prayoridad ang pagbibigay sa kanila ng psychosocial support, pati na rin ang ligtas na pagpapatuloy ng kanilang edukasyon sa gitna ng mga sakuna. 


Ngunit meron tayong isang gawi na nagiging sagabal sa ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon at pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral: ang paggamit sa mga silid-aralan bilang mga evacuation center. 


Noong nanalasa ang Bagyong Tino, 2,564 na mga silid-aralan sa mga 424 paaralan ang ginamit bilang mga evacuation center. Kung matagal na ginagamit ang mga classroom bilang mga evacuation center, naaantala ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, bagay na nagiging sagabal sa pagpapatuloy ng edukasyon.


Isinulong ng inyong lingkod ang Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076) — na naisabatas na noong nakaraang taon — upang mapigilan na ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation centers. 


Sa ilalim ng naturang batas, isa nang mandato ang pagkakaroon ng evacuation center sa bawat munisipalidad at lungsod. Nakasaad din sa naturang batas na kailangang kayanin ng mga evacuation center ang hanging hindi bababa ang lakas sa 300 kilometro kada oras. Dapat manatiling matatag ang mga ito sakaling magkaroon ng lindol na hindi bababa sa 8.0 magnitude. Nakasaad din sa naturang batas na dapat ligtas ang mga evacuation center para sa mga bata at kababaihan.


Bagama’t hindi pa natin agarang maipapatayo ang lahat ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad, mahalagang masiguro natin na maipapatupad talaga ang batas hanggang sa tuluyan nating makamit ang layunin nito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 11, 2025



Boses by Ryan Sison


Mahirap talagang bumangon gayundin ang kumilos kapag walang makita o nangangapa tayo sa dilim. Kaya dapat ay maibalik na ang liwanag sa bawat tahanan at mapabilis pa nang husto ang pagtugon ng gobyerno sa mga sakuna. 


Habang humihina na ang Super Typhoon Uwan na nasa West Philippine Sea, patuloy namang binubuhay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga linya ng kuryente sa Luzon na binulabog ng malalakas na hangin at ulan. Ayon sa ulat nitong Lunes ng umaga, siyam na transmission lines ang naibalik na ang operasyon, ngunit halos 50 ang nananatiling bagsak at nangangailangan ng agarang pagkilos. 


Kabilang sa mga naibalik ang mga linya sa Batangas, La Trinidad, at Santiago — mga lugar na unti-unting nagkaroon muli ng liwanag matapos na walang kuryente. Ilan sa mga ito ay ang Batangas-Bauan at Batangas-Taysan 69kV Lines na konektado sa MERALCO at BATELEC II, gayundin ang La Trinidad-Lamut at Sablan Lines ng BENECO. 


Ngunit sa likod ng mga naibalik na linya ng kuryente, blackout pa rin ang malaking bahagi ng Luzon — mula Quezon hanggang Albay, Nueva Ecija, Pangasinan, Benguet, at Sorsogon. 


Apektado rin maging ang ilang bahagi ng Visayas tulad ng Samar at Northern Samar, kung saan patuloy ang pagkumpuni ng Paranas-Quinapondan at Palanas Cara-Catarman-Allen-Lao-ang 69kV Lines. 


Sa kabuuan, nananatiling hindi gumagana ang 2 linya sa 138kV, 8 sa 230kV, 2 sa 350kV, at 1 sa 500kV transmission level.


Bagaman abala ang NGCP sa pagde-deploy ng mga line crew at simultaneous restoration activities, hindi maikakaila na sa bawat patay na poste ay may kabahayang umaasang muling sisindi ang ilaw bago sumapit ang gabi. 


Kung tutuusin, ang mabilis na aksyon ng NGCP ay patunay ng dedikasyon ng mga lineman at iba pang kahalintulad nitong mga manggagawa. 


Gayunman, ipinapakita ng sitwasyong ito kung gaano kahina ang ating power infrastructure sa pagharap dito at matapos ang kalamidad. 


Paulit-ulit na lang na kada bagyo, nagiging paralisado ang mga komunidad — madilim, walang signal, at walang kasiguruhan kung kailan muling babalik sa normal ang lahat. 

Sa panahon ng krisis, maituturing na kuryente ang buhay ng bayan. Kaya’t nararapat lang na magtuluy-tuloy ang pamahalaan sa pagpapatibay ng power grid, transmission lines at paglalaan ng sapat na pondo sa preventive maintenance, hindi lang sa emergency response. 


Ang tunay na sukatan ng katatagan ay hindi kung gaano kabilis bumalik sa ayos at normal, kundi kung gaano kahanda ang sistema bago pa man tumama ang sakuna. 


Kung nais nating maiwasan ang paulit-ulit na blackout, panahon na para seryosohin ng gobyerno at pribadong sektor ang modernisasyon ng energy infrastructure, mula sa mas matibay na transmission lines hanggang sa renewable energy backup systems. Dahil dito, hindi lang linya ng kuryente ang magpapailaw sa mga tahanan, pati ang pag-asa ng sambayanang Pinoy.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 10, 2025



Fr. Robert Reyes


Hindi tayo makapaniwala sa kuwento ng nakababatang paring nakilala natin ilang taon bago tinamaan ng COVID 19 ang buong Pilipinas. 


Dati siya umanong adik at kabisado niya ang lahat ng uri ng alak at droga na pinagtitripan ng mga kabataan noong panahon niya. Sa gitna ng kanyang pagpapalayaw, naakit siyang magmisyonerong layko na kasapi sa Philippine Lay Mission.


Pinadala siya sa East Timor at naranasan niya ang mga panganib sampu ng mga tagumpay sa pakikiisa at paglilingkod sa mga mamamayan ng bansang dumaraan sa giyera.


Nang matapos ang giyera sa East Timor at nakabalik na rin siya sa Pilipinas, tila nagsimula na ang kanyang pagtatanong kung tinatawag din siya sa ibang uri ng buhay. Doon niyang nasubukang tingnan kung ano ang nasa kabilang bakod ng buhay. 

Pasaway ba, lagalag?


Ano ang kanyang hinahanap? Barkada, gimik, tao, mundo, Diyos, dukha? Anuman talaga ang kanyang hinahanap, sinubukan niya ang iba’t ibang daan at paraan. Barkadahan, gimikan, inuman at iba pa.


Baka misyon ang sagot, Bikol, East Timor. Naisip na subukan ang seminary, Society of the Divine Word, SVD, Tagaytay. Kasusubok, sa wakas natumbok ang kanyang bokasyon. Naging paring misyonero, paring SVD si Fr. Flaviano Villanueva na noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 7 ay tumanggap ng Ramon Magsaysay Award 2025.


Nakilala natin si Fr. Flavie bago pa mag-pandemic noong panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Tatlo kaming magkakaibigang pari na nagkakaisa sa bokasyon at aspirasyon para sa simbahan at bayan. Matibay at malalim ang aming pananaw sa dangal at karapatan ng tao. May pagka-aktibista ang tingin sa amin ng marami. Tama naman sila ngunit higit doon, tapat lang kaming tatlong pari at magkakaiba sa likas na hamon ng aming pananampalataya at bokasyon. Sinusundan namin si Hesu Kristo na sa aming binyag ay binahaginan kami ng kanyang tatlong karisma bilang hari, pari at propeta!


Ganoon kaming magkakaibigang pari, Fr. Bert Alejo Sj., Fr. Flavie at ako, ang paring “kalbong” mananakbo. Lalo pang umigting ang aming bokasyon bilang pari at ang aming pasyon bilang mga Pilipino, anak ng mahal na Inang Bayan sa panahon ni Pangulong Digong. 


Simula pa lamang ng kanyang termino, malinaw na malinaw na ang tila panganib sa lahat. War on drugs ang kanyang binandera. Ayon sa kanya, droga ang pangunahing kalaban. Mga drug addict, pusher at drug lords ang mga salarin na nagdudulot ng gulo at kahirapan, aniya. Kapag nasugpo ang salot ng droga, nalipol ang mga gumagamit at nagtutulak, titino, uunlad, gaganda ang mahal nating bansa.


Ito ang ginawa niyang plataporma, puno’t dulo, dahilan ng kanyang pagiging pangulo. Tama ba? Totoo bang droga ang problema at tama ba na ang solusyon ay lipulin, ubusin at burahin ang mga gumagamit, nagtutulak at gumagawa ng droga? Alam din ng marami na hindi droga ang pangunahing problema ng Pilipinas. Alam din ng marami na hindi ang paglipol, ‘pagpatay’ ang solusyon. Ngunit, kaakit-akit ang mga simple at madaliang solusyon. 


Iyon ang ginawa ni Hitler sa Alemanya. Naghihirap ang Alemanya, ang mga Hudyo raw ang dahilan. Lipulin ang mga Hudyo ang mainam. Kaya’t anim na milyong Hudyo ang ikinulong, ginutom, pinahirapan, pinatay at sinunog sa mga Konzentrationslager, concentration camp sa Polonya at Alemanya. 


Ganoon ang sinabi rin ni ex-Pres. Digong sa simula ng kanyang anim na taon. Noong Setyembre 30, 2016, sabi niya, “Hitler massacred three million Jews, there are three million drug addicts in the Philippines. I will be happy to slaughter them. If Germany had Hitler, the Philippines… my victims, you know, I would like the criminals, I would like to finish the problem of my country and save the next generation.” 


At nagsimula na ang pakikipaglaban naming tatlong pari sa kalagiman ng ‘pagpatay’ sa mga mahihina, mahihirap at maraming inosenteng mamamayan. Tumutulong na noon si Fr. Flavie sa maraming mahihirap na nakatira sa kalye sa Tayuman, Manila. Kain, maligo nang maayos, pagkalinga sa kanila. Nagtayo siya ng mga banyo at kasilyas para sa mga nakatira sa kalye. Pinakain, binihisan, binigyan ng edukasyon, paghuhubog tungo sa pagbabalik-dangal bilang mga anak ng Diyos. Nang nagsimula na ang ‘pagpatay’, sinimulan namin ni Fr. Flavie ang “paghilom.” Inalagaan, inalalayan, tinulungan, prinotektahan ang mga kaanak ng mga biktima ng “kill, kill, kill” ng war on drugs ng nakaraang pangulo.


Congrats Fr. Flavie. Salamat sa iyong pagkalinga at paghilom sa mga maliliit at mga biktima ng madilim, marahas at nakakamatay na inhustisya. Sabi ni Fr. Bert, “Saludo kapatid!”, at maraming, maraming salamat, kapatid.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page