top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Mercy Lejarde @Talkies | August 16, 2026



TALKIES - ZOREN, GUSTONG MAGING HOLLYWOOD STAR_IG _zoren_legaspi

Photo: IG _zoren_legaspi



Hindi itinago ng aktor na si Zoren Legaspi ang matagal na niyang pangarap na makapagtrabaho sa Hollywood.


Sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), ikinuwento ni Zoren kung paano nagsimula ang kanyang planong pasukin ang showbiz at kung paano niya naisip na gawing stepping stone ang ‘Pinas para makapunta sa Hollywood.


Nang tanungin siya ni Boy Abunda kung hinikayat ba siya ng kanyang yumaong amang aktor na si Lito Legaspi na pasukin ang mundo ng showbiz, sinabi ni Zoren na hindi naman siya direktang itinulak ng kanyang ama na maging artista.


Aniya, noong nasa Chicago siya, naramdaman niyang napupunta na siya sa maling direksiyon.


“Naramdaman ko nu’ng nasa Chicago ako, papunta na ‘ko sa bad boy, ‘yung parang nagiging gangster mentality na ‘ko. Sabi ko, ‘Walang mangyayari rito.’ Wala na akong interes mag-aral,” ani Zoren.


Dahil dito, naisip niyang umuwi at gamitin ang apelyidong Legaspi upang makapasok sa showbiz.


“Uwi na lang ako, gamitin ko na lang ‘yung pangalan ng erpat (papa) kong Legaspi, pupunta ako kay Kuya Germs, mag-a-apply ako sa That’s Entertainment,” aniya.

Ngunit paglilinaw ni Zoren, hindi lamang pagpasok sa local showbiz ang kanyang tunay na plano.


“But that was the plan, but the main plan was to go to Hollywood na ‘di nangyari. Gagawin ko sanang stepping stone ‘to, then go to Hollywood,” saad niya.


At least, kahit hindi natuloy ang Hollywood dream ni Zoren, naging matagumpay naman ang kanyang showbiz career at nakapag-asawa pa ng kasingganda ng isang Hollywood star, ang kanyang misis na si Carmina Villarroel. 

Pak, ganern!





Jackpot daw sa mister… 

SHAIRA, PINAKAMALIGAYA SA PILING NI EA



UNANG wedding anniversary nina Shaira Diaz at Edgar Allan ‘EA’ Guzman kaya nag-post ang aktres sa kanyang social media ng throwback photos nila.


Saad ni Shaira, “One year married to this amazing man, and I still can’t believe how fast time has flown. I feel so blessed that God gave me a partner who is so supportive, caring, loving, patient, and understanding.


“Bonus dahil pogi pa! Hay, wala na talaga akong mahihiling pa. Sabi nila, ang suwerte mo raw sa ‘kin, pero ang totoo, ako ang suwerte sa ‘yo, Baba. 


“You always bring out the best in me. I’m at my happiest when I’m with you. You’re my safe place, my best friend, and my home. Thank you for loving me unconditionally.


“Here’s to more years of choosing each other, growing together, and making beautiful memories side by side.


“Kahit isang taon na, araw-araw pa rin akong excited matulog at gumising sa tabi mo. Ang saya-saya ko dahil ikaw ang kasama ko sa buhay. I love doing life with you. Mahal na mahal na mahal kita! @ea_guzman. Happy 1st anniversary to us!”


Sa comment section ng post ni Shaira, nagpasalamat naman ang kanyang mister.

Sagot ni EA, “Napakasarap naman basahin nito. Maraming salamat, asawa. ‘Di ako mapapagod na pasayahin at mahalin ka. HABAMBUHAY! Mahal na mahal na mahal kita.”


Samantala, nagbahagi rin ang aktor ng isang bukas na liham para sa kanyang misis. Puno ito ng pagmamahal at pasasalamat sa kanilang unang taon bilang mag-asawa.


Ani EA, “Mrs. Guzman, happy 1st wedding anniversary to us.

“One year as husband and wife, and I’m still so grateful that I get to do life with you. Sa isang taon na lumipas at sa marami pang taon na darating, ikaw at ikaw pa rin.


“Ikaw ang kasamang bubuo ng mga pangarap. Ikaw ang yayakapin tuwing masaya o malungkot ang paligid ko. Ikaw ang uunahin ko sa lahat.


“Salamat sa pagmamahal na ‘di nauubos at sa pag-aalaga na walang hinihinging kapalit.


“Ikaw ang TAHANAN, PAHINGA, at HABAMBUHAY ko.”

Anyway, happy anniversary, Shaira and EA!


‘Yun lang, and I thank you.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 16, 2026



SHEET - GGV NI VICE, SA KAPUSO NA MAPAPANOOD_IG _praybeytbenjamin

Photo: IG _praybeytbenjamin



Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang anunsiyo si Vice Ganda kung saan eere ang pagbabalik ng programa niyang Gandang Gabi Vice (GGV). Pero may mga haka-hakang sa GMA-7 ito eere dahil sa kanyang collaboration sa Kapuso Network.

May nakatsikahan kami at inamin kung saan ipapalabas ang GGV at siyempre, sa Kapamilya channels at hindi kasama ang TV5.


“Wala akong idea kung ano ‘yung deal ni Ate Vice sa Kapatid Network, GMA lang meron ako dahil nasa calendar na namin,” kaswal na sagot ng aming kausap sa tanong namin.


Kamakailan kasi ay nagkaroon ng pirmahan ng collab ang MediaQuest for a show with Vice at wala namang binanggit kung anu-ano ang mga ito at kung kailan mangyayari.

At nabanggit nga sa amin na sa GMA-7 ang GGV at inaayos na ang mga detalye, kaya lang, hindi pa rin kami binigyan kung ano’ng araw ito eere.


Ang daming naka-miss sa GGV show ni Vice dahil naging habit itong panoorin ng lahat hanggang sa ibang bansa tuwing Linggo ng gabi bago sila matulog at kinabukasan ay ito ang tsikahan sa bawat miyembro ng pamilya at ng mga nasa opisina. Kaya naman ‘yung iba ay pinapanood ang show sa YouTube (YT).


Nawala sa ere ang programa nu’ng pandemic dahil sa panahong iyon ay huminto lahat ng uri ng entertainment.





Magtapat na ang mga sikat na Kapamilya artists mula sa Star Magic at Thai BL (boys’ love) actors mula sa GMMTV Thailand para sa inaabangang Star Magic All-Star Games 2026, na mapapanood din nang live online sa Agosto 23 (Linggo) nang 1 PM.


Puwedeng maki-cheer saan ka man sa mundo para sa kauna-unahang SEAbling (Southeast Asia Siblings) Showdown dahil mapapanood ang laro sa pamamagitan ng dalawang livestream options – sa pag-join sa ABS-CBN Entertainment YouTube (YT) membership o pag-book sa iWant Tickets website. 


May kasama rin itong exclusive All-Star Fancam access para mas matutukan ng mga fans ang kanilang paboritong mga Star Magic artists.


Tatlong bigating laro at tapatan ang naghihintay sa mga fans, tampok ang inaabangang main basketball match ng Team Star Magic Shooting Stars laban sa Team GMMTV Thailand; volleyball face-off ng Lady Spikers kontra Lady Warriors; at junior basketball clash ng Team Blue laban sa Team Red.


Samantala, maaari ring iboto ng mga fans ang kanilang paboritong Star Magic artists sa pamamagitan ng ABS-CBN YT Super Chat sa tatlong kategorya: Fancam Fave, kung saan maaaring iboto ang sinumang players sa Team Star Magic Shooting Stars, junior basketball, at women’s volleyball; Fave Duo, kung saan nominado ang FranSeth (Francine Diaz & Seth Fedelin), JMFyang (JM Ibarra at Fyang Smith), LelQuin (Carmella Ford & Joaquin Antonio Arce), at ArJas (Argel Saycon & Jas Dudley-Scales); at Fave Muse, na nominado sina Jane De Leon, Francine Diaz, at Eliza Borromeo.


Pangungunahan nina Gerald Anderson at Ronnie Alonte ang Team Star Magic kasama ang reigning Rookie of the Year na si JM Ibarra, pati na sina Emilio Daez, River Joseph, Jeremiah Lisbo, Ashton Salvador, Argel Saycon, Elyson De Dios, JV Kapunan, at Tristan Ramirez. 


Kasama naman sa Team GMMTV Thailand sina AJ, JJ, Neo, Joss, Gawin, Ryu, Aston, Marc, Ping, at Teshow.


Tampok naman sa Team Blue sina Diego Gutierrez, Iñigo Jose, Dylan Yturralde, Josh Worsley, Rave Victoria, Dustine Mayores, Jan Silva, Binsoy Namoca, Rocky Labayen, Marc Nanninga, at Wakin. Kabilang naman sa Team Red sina Seth Fedelin, Robbie Jaworski, BGYO Mikki Claver, Joaquin Arce, Fred Moser, Marc Santiago, Andrez Del Rosario, Lance Lucido, Ice Almeria, Russu Laurente, at JP Cabrera.


Pangungunahan naman ni Captain Ball Reign Parani ang Lady Warriors Blue Team kasama sina Rans Rifol, Gillian Vicencio, Jas Dudley-Scales, Rain Celmar, Kolette Madelo, at Leona Andalio. 


Habang tampok naman sa Lady Spikers Red Team ang 5-time MVP (Most Valuable Player) na si Analain Salvador, Lella Ford, at Fyang Smith, kasama sina Vivoree, Magui Ford, Janah Zaplan, Ai Dela Cruz, Isabel Laohoo, at Sophie Reyes.


Makisaya sa pangmalakasang showdown at i-stream ang SEAbling Showdown: Star Magic All-Star Games 2026 live sa ABS-CBN Entertainment YT membership at iWant Tickets ngayong Agosto 23, at 1 PM.

 
 

ni Rohn Romulo @Run Wild | August 16, 2026



RUN WILD - WILBERT, KONTRABIDA SA KOREAN MOVIE_IG _wilbertross

Photo: IG _wilbertross



Maituturing na isang malaking karangalan at tagumpay para sa mga Filipino actors ang kolaborasyon sa mga Korean stars sa action-thriller na The Guardian (TG) na ipinalabas na sa South Korea last June.


Ang pelikulang ito na mula sa direksiyon ni Jeong Jang Hwan (kilala sa Steel Rain at Save the Green Planet!) ay pinagbibidahan ng K-Pop idol at vocalist ng grupong Infinite na si Nam Woo-hyun, kasama si Park Eun-hye, isang sikat na Hallyu star mula sa epic drama series na Jewel in the Palace. Makakasama nila sina Wilbert Ross, Eric Ejercito at Yassi Pressman.


Inamin nina Wilbert at Eric na nag-audition talaga sila para sa roles at hindi in-offer sa kanila.


Kuwento ni Wilbert, “Nag-send ako ng video, s’ya naman (Eric), nag-send ng short film. Nag-audition din kami nang live.


“Tapos, ang role na in-audition ko, ‘yung role ni Eric, tapos s’ya agad ang nakuha.

“Parang last minute ako, kasi ‘di puwede ‘yung first na nakuha nila.


“Kaya nabigla ako dahil first action movie ko ‘to, pinaghandaan ko talaga. Nag-training ako nang nag-training para pagdating ko sa set, para ‘di ako magmukhang tanga.


“Wala kasi akong masyadong training or experience sa kahit na anong martial arts. At sa tingin ko naman, naitawid ko nang maayos dahil sinipagan ko naman.”


First time na gaganap ni Wilbert na kontrabida at sa international movie pa.

“Bago sa akin ang role na magiging kalaban ng bida,” sambit ni Wilbert na nagdiriwang ng kanyang ika-10 taon bilang singer-actor.


Sey niya, “Tat*nga-t*nga kasi ang mga naibibigay sa akin, kaya sobrang ibang-iba na Wilbert ang mapapanood dito.”


Kuwento naman ng anak ni E.R. Ejercito na si Eric, “Nag-switch kami ng challenges, kasi usually he (Wilbert) does comedy, and I do action. So the challenge was accepted.”


Si Eric ang naging representative ng mga Filipino stars sa premiere night ng TG last June sa South Korea, kung saan um-attend ang Korean cast. Kabilang din sa pelikulang ito sina Ashtine Olviga, Billy Villeta, Jacq Yu, Fatima, Yumi, Heart Ryan, Joko Diaz, Katya Santos at Jeric Raval.


Mapapanood na ito sa mga sinehan simula sa Setyembre 2, 2026, na hatid ng Viva Films. Magkakaroon din ito ng worldwide release na ikinagulat nina Wilbert at Eric nang i-announce ito sa naganap na mediacon.





PERFORMANCE NG BINI SA SUMMER SONIC MUSIC FESTIVAL, NAG-TRENDING WORLDWIDE



NAG-TRENDING worldwide ang Nation’s Girl Group na BINI dahil sa kahanga-hangang performance sa Summer Sonic Music Festival sa Osaka, Japan. 


Pinag-usapan ang kanilang pagtatanghal sa online world, na naging top trending topic sa X (dating Twitter) worldwide, kabilang ang Pilipinas.


Naghanda ang BINI ng siyam na awitin na kinabibilangan ng Cherry on Top, Zero Pressure, Out of My Head, Blush, Step Back at Sugar Rush.


Nag-record din sila ng Japanese version ng Born to Win para itanghal sa Japan.

At hindi lang iyon, dahil ang ilang lines sa hit song nilang Salamin, Salamin ay tinranslate sa Japanese. 


Nagtapos ang kanilang performance sa sikat ding awitin na Pantropiko.

After Osaka, ngayong Linggo, Agosto 16, sa Tokyo naman magpe-perform ang BINI para sa ikalawang bahagi ng kanilang Summer Sonic debut.


Samantala, nasa Japan din ang SB19 para sa naturang music festival, kung saan trending din ang kanilang performances.


At sa ‘Bini-log’ ng BINI, ibinahagi ang pagkikita nila ng SB19 sa backstage ng Rohnert Park sa California noong August 8, para sa kani-kanilang U.S. (United States) tour, bago sila pumunta sa Japan.


Nagkaroon sila ng collab kung saan makikitang sumasayaw sila sa Step Back ng BINI. Makikita rin ang photos ng dalawang grupo na parehong official Philippine Tourism Ambassadors.


Kaya naman tuwang-tuwa ang mga A’tin at Blooms sa pagsasama ng Kings and Queens of P-pop. 


Sabi pa ng mga fans nila, “Let’s go, SBINI19 (SB19 at BINI)!”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page