top of page
Search
  • Gerard Arce

Porma ng PHL Olympians hindi sana magbago sa susunod na taon


Tila hindi lahat ng atleta ay maganda ang naging impresyon o reaksyon sa ginawang hakbang ng International Olympic Committee (IOC) sa pagpapaliban ng 2020 Tokyo Olympics ngayong taon dahil sa lumalalang sitwasyon ng coronavirus (COVID-19) sa buong mundo.

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ng mga atletang Filipinong nakapasok na sa Summer Games at mga nag-aasam na makakuha pa ng ticket para sa pinakamalaking multi-sport event sa pandaigdigang pampalakasan.

“Lost!,” sambit ni Pole Vaulter Ernest “EJ” Obiena sa reaksyon niya sa pagsususpinde ng Olympics ngayong taon sa panayam ng BULGAR sa social media. “I’m in the middle of the whole thing and to be honest, I don’t know how I would feel about it,” dagdag ng 23-anyos na kasalukuyang nagsasanay nang mabuti sa Formia, Italy.

Nasa kasagsagan ng matinding paghahanda ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist na nakapagtala ito ng panibagong marka sa biennial meet na 5.45m, kay Italian coach Vitaly Petrov nang ianunsyo ng IOC ang balitang nagpakabog at nagpabago sa training ng mga atleta sa buong mundo.

“[The postponement] will make some changes for sure,” ika ng dating UST engineering student na nagawang makuha ang kanyang ticket sa quadrennial meet sa pamamagitan ng pagtalon nito ng 5.81m na qualifying mark sa Salto Con L’Asta Piazza Chiari meeting 2019 sa Italya noong isang taon. “I can’t really say if I've already achieved my goals. Usually competition make you see if what you have been working on actually sticked but at the moment I do believe I am improving and getting stronger.”

Halos ganito rin ang nararamdaman ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz na umaasa sanang makalahok pa ng isang international tournament para tuluyan nang makadiretso sa Tokyo Games na nakatakda sana sa Hulyo 24-Agosto 9 sa Japan.

“Hindi ko po made-deny na nasaktan at na-disappoint ako sa pagka-postponed ng Tokyo 2020, kasi we prepare for the Olympics,” saad ni Diaz sa panayam pa rin sa social media. “Sine-set aside ko lahat para makapag-focus sa training and for Olympics together with TeamHD, pero again wala tayong magagawa dahil Covid-19 ang kalaban natin dito. Hindi natin kontrolado,” dagdag ng sergeant ng Philippine Air Force.

“Sana lang may competition in between. Mahirap po mag-training ng walang goal at competition na nilo-look forward,” saad ng 29-anyos na si Diaz na kasalukuyang nagsasanay sa bansang Malaysia sapol pa noong Pebrero 20. “Sayang isang tournament na lang po iyong kailangan,” dagdag nito.

Inspirasyon ni Diaz ang mga doktor, nurses at espesyalista na nakaharap at nakatutok sa mga pasyente ng Covid-19 na pawang nagbibigay ng buong buhay para tumulong sa mga kapwa Filipino.

“Iyong mga paghihirap at sakripisyo ko sa training at preparation sa Olympics, wala ito sa ginawang sakripisyo ng mga frontliners natin para isalba ang mga Filipino na apektado ng Covid-19."

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page