top of page
Search
  • ATD/A. Servinio

Makasabog-bagang Ronda Pilipinas, magsisimula na


Sorsogon - Limang dating kampeon ang papadyak sa LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary Race na magsisimula na sa makasabog-bagang pedal bukas, Linggo sa harap ng Provincial Capitol dito.

Kaya naman paniguradong mahigpit ang magiging laban ngayong edition na may 10 Stages na pakakawalan. Inaasahang babantayan ang Standard Insurance Navy dahil may ipinagmamalaki silang malulupit na siklista na sina two-time champion Jan Paul Morales, (2016-17) at Ronald Oranza na nagkampeon noong 2018.

Para kay Morales, tiwala pa rin itong makukuha niya ang pangatlong titulo. “I always aim to win in all the race I join and I’m confident of my chances this year,” ani 34-year-old Morales.

Ang mga kampeon na babanat ay sina Santy Barnachea ng Scratch It, Mark Galedo ng 7Eleven Cliqq-Air21 at Reimon Lapaza ng Celeste Cycles PH-Devel Project Pro Team. “We’re expecting an exciting race because most practically all the country’s top cyclists including most of our past LBC Ronda Pilipinas champions are joining,” saad ni LBC Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani.

Nanaig si Barnachea noong 2011 at 2015, habang sina Galedo at Lapaza ay kuminang noong 2012 at 2014. Tiyak na magiging kapana-panabik ang palitan ng padyak ng 88 kalahok na siklista mula sa 11 koponan para sa isang milyong pisong naghihintay para sa kampeon. Nariyan din sina Reimon Lapaza (2014) ng Celeste Cycles PH-Devel Project Pro Team. Makakasama nila sina El Joshua Cariño, George Oconer, Ronald Lomotos at John Mark Camingao na lahat ay gumagawa ng pangalan sa mga nakaraang Ronda.

Ang pambungad na yugto ay may layong 137-km, susundan ito ng 163-km mula Sorsogon papuntang Legazpi City sa Peb. 24. Ang ikatlo hanggang 5th leg ay Legazpi-Naga (126.9 km), ang pinakamahaba na Daet-Lucena City (212.5-km) at Lucena-Antipolo (155.4-km) bago magpahinga ang karera sa Peb. 28.

Balik-aksyon sa Peb. 29 sa bayan ng Lingayen, Pangasinan para sa balikang 128.9-km. Mula roon ay tutuloy sila sa Nueva Ecija (171.9-km) at ang kritikal na 177.1-km Nueva Ecija paakyat ng Baguio City sa Marso 2 at doon malalaman ang magiging kampeon. Bababa sa Pugo, La Union ang pulutong para sa 176.4-km na ika-siyam na yugto na magtatapos sa Vigan. Ang huling araw ng Ronda ay isang Criterium Race na iikot sa loob ng Vigan sa Marso 4.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page