top of page
Search
  • VA/MC

Pagbalik-laro ng NCAA, ikokonsulta pa sa DoH


Itutuloy na ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang mga ipinagpaliban at mga kinanselang events ng Season 95 ng liga dahil sa coronavirus (Covid-19) outbreak sa darating na Marso 16.

Ang desisyon ay inihayag ni NCAA Management Committee chairman Peter Cayco ng season host Arellano University noong Miyerkules ng hapon. Kabilang sa mga events na itutuloy sa nasabing petsa ang indoor volleyball, football, lawn tennis at soft tennis.

Mayroon pang dalawang nalalabing play dates sa elimination round ng men’s at women’s volleyball tournaments bago ito itinigil.

Ngunit, ikokonsulta pa rin ng NCAA sa Commission on Higher Education, Department of Education at Department of Health kung ligtas at maaari ng ituloy ang kanilang planong resumption sa susunod na buwan. Kapag pinahintulutan ng mga nasabing ahensiya ng pamahalaan, maging ang Track and Field event ay sisimulan din nila sa Marso 16 habang ang cheerleading competition ay gaganapin sa Marso 30. Samantala, idaraos ang Under-15 Basketball at Beach Volleyball compétition sa Abril 25 at 29 ayon sa pagkakasunod. Sa iba pang balita, sinimulan ng Barangay Ginebra ang training camp nitong Miyerkules para sa darating na 2020 PBA Philippine Cup.

Hindi kasama sa ensayo nila sa Upper Deck sa Ortigas si Greg Slaughter, na inanunsiyo ang kagustuhang magpahinga muna sa basketball. Ayon kay Ginebra center Japeth Aguilar, nirerespeto niya ang pasya ng kapwa Twin Tower. “For me mas inaalala ko na lang siya. He probably is going through something na hindi natin alam,” paliwanag ni Aguilar. “’Yun ang naging desisyon niya. Kilala ko naman si Greg kasi I’ve been friends with him for so long. Whatever he’s going through siyempre mas alam niya kung anong mas makakabuti sa kanya.”

Marami ang nagulat sa desisyong ito ni Slaughter, lalo na’t may tsansang dominahin ng 7-foot big man ang torneo dahil inaasahang di maglalaro si June Mar Fajardo dahil sa injury.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page