top of page
Search
  • A. Servinio

National Sports High School itatatag sa New Clark City


“Gusto n’yo ba gawing national priority ang palakasan?” Iyan ang tanong ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairman Speaker Alan Peter S. Cayetano sa pormal na pagsasara ng 30th Southeast Asian Games Miyerkules ng gabi sa New Clark City Stadium.

“Nakikinig si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nakikinig ang Senado at Kongresso para sa mas maraming pondo,” wika ni Speaker Cayetano. “Gagawa tayo ng mas maraming sports facilities dito sa Pampanga at Tarlac.”

Maaga ang Pasko para sa mundo ng palakasang Filipino dahil sa 149 gintong medalyang naipanalo.

Tiyak na may matatanggap ang lahat ng nanalo ng karagdagang gantimpala na ayon sa Batas Republika 10699 at sa mga pribadong sponsor.

“Ito lang ang simula, naglaaan na tayo ng P100-milyon para sa mga atleta natin na lalaban sa 2020 Tokyo Olympics,” dagdag ng Speaker.

“Dito sa bansa natin gaganapin ang 2020 Asian Swimming Championship, 2023 FIBA World Cup at kung papalarin ang 2030 Asian Games kaya mayroon tayong 10 taon para maghanda at magtayo ng mga pasilidad sa Luzon, Visayas at Mindanao.”

Nakakasa na ang pagtatatag ng National Sports High School sa New Clark City.

Sasamahan din ito ng isang masinsinang programang grassroots na may sapat na pondo.

“At para sa mga nagsasabing hindi tayo magtatagumpay, hindi matatapos ang stadium, nagkakalat ng fake news, itaga n’yo sa bato ang sasabihin ko – peace be with you,” dagdag ni Speaker bilang pagwakas ng kanyang talumpati.

Pinarangalan din ang mga manlalangoy na sina Zheng Wen ng Singapore at Nguyen Thi Anh Vien ng Vietnam bilang mga Mega Athlete na parehong nag-uwi ng anim na ginto at dalawang pilak.

Napunta kay surfer Roger Casugay ng Pilipinas ang Fair Play Award dahil sa pagligtas niya ng kalaro mula sa pagkalunod noong kalagitnaan ng kanilang karera.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page