top of page
Search
  • A. Servinio

Like father, Samboy, Jamie Lim, lumaban sa buhay at sa gold


Hindi puwedeng mawala ang pagkumpara kay Jamie Lim, gold medalist sa 30th Southeast Asian Games sa Karate-Do Women’s Kumite, sa kanyang ama. Mahirap talaga sundan ang mga iniwang yapak ng isang basketball great na si Samboy Lim, ginagalang at minamahal na alamat ng Philippine Basketball Association (PBA).

Pinahanga ng 22-anyos na dalaga ang lahat sa kanyang brutal na 2-1 panalo kontra sa kampeon ng Indonesia para makuha ang ginto sa World Trade Center sa Pasay City. Ang nakatatandang Lim ay nakilala sa kanyang walang takot na estilo sa paglalaro na hindi inaalala ang pansariling kaligtasan makuha lang ang panalo.

Matapos ang matinding palitan ng suntok at sipa sa Karate-Do, magkaibigan muli ang dalawang magkalaban. Dahil sa galing ni Samboy Lim sa Basketball, hindi malayo na nabigyan siya ng maraming siko, suntok at tuhod ng depensa, subalit kahit minsan ay hindi siya gumanti o nagalit kaya nabigyan siya ng Sportsmanship Award ng liga.

Subalit ang pinaka-tumatak sa lahat ay ang kanyang ipinakita sa panayam pagkatapos ng tagumpay. Ang tapang ay pinalitan ng pagpapakumbaba at hindi napigil ang pagbuhos ng luha ng kasiyahan.

Pinalaki nang maayos at tinuruan ng mabuti si Jamie ni Samboy at ng kanyang inang si Atty. Darlene Berberabe. Ang nakakagulat, noong nakaraang Hulyo lang nagsimulang maghanda siya ng puspusan para sa SEA Games matapos magtapos ng BS Mathematics Summa Cum Laude sa University of the Philippines.

Apat na taon siyang tumigil sa Karate-Do upang tuunan ng pansin ang kurso. Bilang isang atleta, hindi nawala ang pagnanasa na bumalik at nag-kampeon siya sa isang torneo sa bansang Turkey at mula roon ay tuloy-tuloy ang pagbalik ng porma.

Ang laban ni Jamie para sa ginto ang may pinakamaraming nanood sa tatlong araw ng kompetisyon.

Ipinakita niya na may karisma siya tulad ng kanyang ama na kung makipag-usap sa mga tagahanga ay parang matagal nang kaibigan.

Kahit ang Karate-Do Kumite ay isang individual sport, hindi niya nagawa ito mag-isa. Maliban sa maraming sumigaw para sa kanya sa mga laban, mga coach at kapwa Karateka, nandiyan ang kanyang pinakamalaking kakampi, ang kanyang nanay at tatay. “Dahil kasama ko ang pamilya, hindi lang laban ko ito kundi “Laban ng Pilipinas, We Win As One!”

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page