top of page
Search
  • Gerard Arce

5th gold kay boxer Gabuco; Palicte, namayani sa ginto


Nakamit ni dating World Champion Josie Gabuco ang kanyang pambihirang ika-limang gold medal sa Southeast Asian Games kagabi sa Philippine International Convention Center Forum sa Pasay City. Inuukit ng 32-anyos na si Gabuco ang ika-5th sunod na gintong medalya matapos makuha ang unanimous decision victory laban kay Endang Endang ng Indonesia via 5-0 sa women’s under-49kgs light-flyweight division.

Pinaboran lahat ng limang hurado ang 2012 Qinhuangdao world champion sa 30-27 iskor para maidagdag nito ang mga ginto simula 2009 Vientiane (pinweight), 2011 Jakarta (pinweight), 2013 Naypyidaw (light-flyweight) at 2015 Singapore Games (light-flyweight).

Lumaban si Gabuco na masama ang pakiramdam. Pinayuhan na ito ni Association of Boxing Alliance of the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas na huwag ng tumuloy sa laban, ngunit iginiit ng 5-time SEAG champion na ipagpapatuloy niya ang kanyang laban. “Hindi ako puwedeng sumuko sa laban. Dapat tapusin ko kung anumang sinimulan ko,” pahayag ni Gabuco na kasalukuyang may iniinda pang sakit. “Ang mindset ko lang sa laban eh dapat laban lang at maging matatag. Nandito na ako eh, kalimutan na muna natin iyong nararamdaman. Nasa harap tayo ng ating mga kababayan kaya laban lang,” eksplika ni Gabuco.

Gintong medalya rin ang naiuwi ni James Palicte sa men’s under-64kgs light-welterweight division para makuha ang unanimous decision victory laban kay Van Hai Nguyen ng Vietnam, 5-0. Malaking katuparan para kay Palicte ang makuha ang gintong medalya dahil sa naibigay nito ang hiling ng ama na magkampeon ito sa SEAG. “Grabe ang saya ko ngayon kasi pinapangarap ko lang ito dati, ngayon nandito na ako,” wika ni Palicte, na tila inover-power nito ang kalabang Vietnamese.

Nabigo si Irish Magno na makuha ang inaasam na gintong medalya sa women’s under-51kgs flyweight category ng yumuko ito kay Nguyen Thi Tham ng Vietnam, 1-4 mula sa iskor na 29-28, 27-30, 28-29, 27-30, 27-30 ng mga judges.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page