top of page
Search
  • VA

Lady Tamaraws, bumanat ng rubbermatch vs. UST


Nakahirit ng do-or-die game ang Far Eastern University kontra University of Santo Tomas nang burahin nila ang twice-to-beat advantage ng Tigresses sa pamamagitan ng 48-46 na panalo kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball stepladder semifinals sa Mall of Asia Arena.

Umiskor ang graduating guard na si Fatima Quiapo ng kanyang career-best na 18 puntos, 13 rebounds at 4 na steals para mapanatiling buhay ang tsansa ng Lady Tamaraws na umabot ng Finals. Nakabalikat niya ang mga kapwa beteranong sina Valerie Mamaril na nag-ambag ng 9 na puntos at 5 rebounds, Clare Castro na may 8 puntos, 15 boards at 2 blocks, at Choy Bahuyan na mayroon ding 8 puntos, 5 rebounds at 2 assists. “Sinabi ko na huwag tayo mag-iiyakan. Walo ‘yung ga-graduate sa atin at hindi puwedeng mag-iyakan tayo dahil may Game Two pa,” ani coach Bert Flores.

Lamang pa ang UST sa iskor na 43-39, mahigit 7 minuto ang natitirang oras sa laban, naglatag ang Lady Tams ng 8-0 blast para agawin ang bentahe, 47-43, may natitira na lang 1:59 sa 4th canto. Natapyas pa ni Ruby Portillo ang lamang sa isa, 46-47 sa ibinato nitong 3 point shot ngunit hanggang doon na lang ang kanilang inabot hanggang selyuhan ni Mamaril ang kanilang panalo ng split nito sa freethrow. “Sabi ko sa kanila, magpa-practice pa ba tayo? Sabi nila, oo!,” wika pa ni Flores. “Si Clare sabi rin, ‘May Sabado pa tayo!’” Namuno si Portillo para sa UST sa itinala nitong 12 puntos, 5 rebounds, 5 assists at 3 steals.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page