top of page
Search
  • Sonny Angara

Solusyon sa teen-age pregnancy, agarin

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Araw-araw, humigit-kumulang 530 kababaihan ang nagbubuntis. Nakakagulat, ano po?

Talagang nakaaalarma dahil ang tinutukoy ng mga eksperto sa 530 na ito ay kabataan — batang babae at hindi adult women.

Sa pag-aaral noong 2011, lumalabas na kada araw ay 530 teenage women ang nabubuntis. At ang nakapanlulumo, 30 to 50 percent ng kabuuang bilang na ‘yan ay mga batang babae na may edad na 10.

Ang inyong lingkod, isa ring magulang. Mayroon din tayong anak na babae na ngayon ay nasa kanya nang teenage years. Marami siyang pangarap, masipag siyang mag-aral at tulad ng ibang teenager, mahilig ding kumanta, sumayaw at paborito rin ang K-Pop. Kaya nalulungkot tayong marami pala sa mga kababayan natin ang may mga anak na maagang nasusuong sa mabigat na responsibilidad.

Noong 2014, ayon sa report ng Philippine Statistics Authority, 24 na sanggol ang isinisilang ng teenage mothers kada oras. Tama ang inyong nabasa, kada oras. Nakaaalarma, ‘di ba?

Kasama ng ating kapwa senador na si Sen. Win Gatchalian, hiling natin ang agarang imbestigasyon sa paglobo ng bilang ng teenage pregnancies.

Dapat itong masolusyunan sa lalong madaling panahon dahil kinabukasan, kalusugan, edukasyon at pangarap ang nawawala sa mga batang ito. Sa kanilang edad, dapat, abala pa sila sa pag-aaral, sa paglalaro at may malusog na pangangatawan.

◘◘◘

Tayo ay nananawagan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sana, magpadala tayo ng mga karagdagang social welfare attaches abroad para mabigyan ng kaukulang ayuda ang mga kababayan nating dumaranas ng iba’t ibang problema.

Limang posisyon pa ang bakante para sa social welfare attaches natin sa Jordan, Lebanon, South Korea, Italy at United Arab Emirates (UAE).

Kamakailan, seven active posts ang napunan sa mga bansang Malaysia, Brunei, Jeddah, Riyadh, Kuwait, Hong Kong, Qatar at Dubai. Sa sobrang dami ng OFWs, malinaw na hindi kakayanin ng pitong SWA na agarang tugunan ang kani-kanilang problema.

Alam natin na kadalasan ay nahaharap sa kapahamakan ang mga kababayan nating OFWs sa mga bansang pinupuntahan nila. At walang ibang makatutulong sa kanila kundi tayo ring mga nasa gobyerno.

Tandaan, malaking tulong ang naibibigay ng ating mga OFW sa paglusog ng ating ekonomiya dahil bilyun-bilyong dolyar ang pumapasok sa kanilang remittances. At bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanila, ibigay din natin sa kanila ang suporta, tulong at pagkalinga sa mga panahong humaharap sila sa kapahamakan.

Maaaring paglaanan ng pondo ng Senado ang walong iba pang SWA sa 2020 kung mapupunan ang limang bakanteng posisyon. Ang totoo niyan, inatasan natin ang ating office staff na pag-aralan kung maaari pang itaas sa 30 ang bilang ng mga authorized post para mapunan ang napakalaking kakulangan natin sa social welfare attaches sa iba’t ibang bansa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page