top of page
Search
  • BULGAR

Walang ‘easy money’ sa pandemya, diskarte lang talaga

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-Takbo | September 1, 2020



Nakausap natin kamakailan ang isang kongresista tungkol sa problema sa paggamit ng ilang mamamayan sa natanggap nilang Social Amelioration Program Assistance (SAP).


Marami ang nag-iisip kung paano gagamitin ang hindi kalakihang halaga para umigi ang kanilang. May mga nag-isip na magsimula ng maliit na kabuhayan kaysa gastusin at ubusin lang ang tinanggap na ayuda.


Sa totoo lang, marami ngayon ang nag-aaral maging “small time businessman o woman.”


Okay na okay ang ganitong paggamit ng SAP,” ani ng kongresista.“Pero merong hindi tamang paggamit ng SAP, tulad ng mga nagto-tong-its at nagsa-sabong o nagtutupada,” dismayadong pahabol nito.


Hindi natin pinatulan ang puna ng kongresista tungkol sa mga nag-aksaya ng ayuda. Malinaw namang mali na isugal ang salapi—kinita man o ayuda. Subalit, kailangan ding makita nating lahat ang kapaligirang kinikiluasan ng lahat—mayaman man o mahirap.


Hindi ba, “suwerte” ang dahilan kung bakit popular ang mga noontime show na may milyones na panalo? Marami ang naghahangad na makasali at manalo sa mga ganitong programa dahil sa pag-asang ito ang makatutulong sa kanila upang guminhawa sa buhay. At para naman sa mayayaman, mayroon ‘casino’ kung saan maaaring tumaya ng daang piso hanggang milyun-milyon.


Subalit, iba ang hamon ng COVID-19. Wala nang “easy money” o “biglang-yaman.” Wala na rin ang malalaking tindahan, tulad ng mall o restoran at iba pa.


Kailangang tularan ang maliliit na mamamayang hindi basta ginamit at inubos ang natanggap na ayuda, kundi ito ay maingat at marahang pinag-isipan kung paano magiging puhunan sa kalakal na magtatagumpay.


Maraming nagtitiyaga, nagsisipag at nagsasariling-sikap upang mabuhay. Karamihan sa mga ito ang ngayon pa lamang natutong maghanap-buhay sa pamamagitan ng pagbabenta ng kung anu-ano.


Marami tayong nakitang motorsiklo—magkakaiba ang hugis ng mga motorsiklo, tingnan natin ang ilang eksenang nakatutuwa’t nakatatakot din.


Una, merong lumitaw ng motorsiklo na ang dala ay batalya, manubela, mga gulong ng inihiwa-hiwalay na bisikleta. Pahalang ang ayos ng bisikleta, merong isang metro ang habang nakalawit sa kaliwa at kanan ng nagpapatakbo. Lubhang nakakatakot ang hitsura ng nagpapatakbo ng motor at ng kanyang motor na may bitbit na tila naghahamong tamaan sana.


At ganu’n nga ang nangyari. Hindi pa nakalalayo sa amin ang motorsiklong may sakay na bisikletang pahalang, nang sumabit sa bakal ang bahagi ng bisikletang nakausli sa kanan. Napatigil ang drayber at nagpasalamat na hindi siya sumemplang.


Meron ding motorsiklong may dalang mahahabang paang collapsible na hinayaang nakausli ang mahigit na isa’t kalahating metro sa likod. Kung tinamaan ang mga paang collapsible, baka dumiretso ito sa balakang ng nagmamaneho at mabali ang likod nito.

Napakaraming motorsiklo na may abala sa iba’t ibang dahilan. Subalit, iisa lamang ang malinaw—halos lahat ng nasa labas, naglalako man o hindi ay nagsisikap kumita ng pera, nagsisikap na mabuhay at mapaglabanan ang COVID-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page