Search
  • BULGAR

Wakasan ang child labor sa bansa!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 2, 2020


Katulad ng maagang pagbubuntis, isang suliranin na rin sa bansa ang child labor bago pa nagkaroon ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.


Habang milyun-milyong kabataan at kanilang pamilya ang nanganganib na lumubog sa kahirapan dahil sa pandemya ng COVID-19, hinihimok ng inyong lingkod, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, ang National Council Against Child Labor o NCLC na paigtingin ang pagsugpo nito sa child labor.


Ayon sa 2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor ng United States Department of Labor, mahigit tatlong milyong kabataan ang dumaranas ng child labor at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa gitna ng mga mapanganib na kalagayan.


Base pa sa naturang ulat, ilan sa mga delikadong gawain na kinasasangkutan ng kabataan ay sa mga sektor ng agrikultura at pagmimina. Nasasangkot din ang ibang kabataan sa mga armadong tunggalian at sa tinatawag na commercial sexual exploitation.


Bumaba ang bilang ng kabataang dumaranas ng child labor nitong nakaraang dalawang dekada. Ngunit base sa United Nation’s Children’s Fund o UNICEF at International Labour Organization o ILO, nanganganib na baka umakyat naman ang bilang na ito, lalo na’t may pandemya.


Dahil dito, dapat tiyakin ng NCLC ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.” Inamyendahan ang batas na ito ng Republic Act No. 9231 upang lalong mapigilan ang mga itinuturing na “worst forms of child labor” at paigtingin ang proteksiyon ng ating kabataan.


Hindi talaga natin maiwasang mangamba dahil maraming nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya o higit pitong milyong Pinoy ang walang trabaho noong Abril. Ibig sabihin, maraming kabataan ang nanganganib na huminto sa pag-aaral at mapilitang maghanap ng trabaho upang may maipangtustos para sa pamilya.


Halimbawa nito ang mga bansang Brazil, Guatemala, India, Mexico at Tanzania, kung saan maraming kabataan ang napilitang maghanapbuhay sa panahon ng krisis sa ekonomiya.


Naniniwala tayo na ang ating kabataang Pilipino ay dapat nag-aaral at hindi mapuwersang maghanapbuhay para malagpasan ang krisis na ating kinahaharap ngayon. Kung hindi natin mapipigilan ang pagdami ng mga batang napipilitang maghanapbuhay, mas nanganganib silang makaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.


Kaya naman mahalaga ang patuloy na pagbibigay ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng krisis. Makakatulong ang ilang probisyon sa Bayanihan to Recover as One Act (Senate Bill No. 1564) o Bayanihan 2.0 kung saan nakasaad ang pagbibigay ng ayuda sa mga mag-aaral na hindi kasalukuyang bahagi ng mga government educational subsidies at voucher programs.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.