top of page
Search
  • BULGAR

'Wag daw gobyerno ang sisihin…

ROBIN SA MGA TODO-DAKDAK SA SOCMED: KUMILOS KAYO PARA MAGKAROON NG SILBI!

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | August 4, 2020




Hindi napigilan ni Robin Padilla na hindi magbigay ng saloobin sa muling paghihigpit sa Metro Manila at sa karatig bayan nito na isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ simula bukas, Martes (Agosto 4) para pagbigyan ang kahilingan ng ating mga frontliners na ibalik sa Enhanced Community Quarantine o ECQ para magkaroon sila ng dalawang linggong break dahil hindi na sila makahinga sa dami ng Covid-19 patients na dinadala sa mga ospital araw-araw.


Marami na naman ang umalma rito dahil hindi pa nga nakakabangon ang mga negosyong maliliit simula nu’ng nag-lockdown noong Marso, ilang araw pa lang pinayagang makabiyahe ang ilang pampasaherong jeep, at ang mga traysikel at bus ay wala pang isang buwang bumibiyahe ay heto at muli na naman silang pinahihinto sa loob ng dalawang linggo dahil sa MECQ.


Nitong Lunes ng umaga ay ipinost ni Robin na imbes na batikusin ang gobyerno ay kumilos na lang para sa sarili at pamilya na ibig niyang sabihin ay gumawa ng mapagkakakitaan.


Aniya, “We are at war my dearest Countrymen.

“Napakarami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa rin natatanggap ang katotohanan na ang Inangbayan Pilipinas ay nasa Gitna ng Digmaan Pandaigdig laban sa Covid-19 habang hindi pa tayo nakakaangat sa laban sa kahirapan dulot ng mga mapagsamantalang mga negosyante at mga korup sa gobyerno laban sa mga mananakop ng ating mga isla at ngayon laban sa mga maiingay sa lipunan na kapapanganak lang sa usapin ng pagkarebolusyunaryo ay naghahamon na ng kaguluhan.


“Hindi ko na talaga batid kung saan hindi magkaintindihan ang mga Pilipino. Ramdam na natin lahat sa ating mga tahanan ang unti-unting pagkalimas ng ating mga savings at hindi ito problema lang natin, buong mundo ang suliranin na ito kaya't imbes na mabuhay at magising ka araw-araw sa pagrereklamo at kababatikos, ABA'Y kumilos ka para makatulong at mapakinabangan una ng sarili mo, mga pamilya mo at ng Inangbayan.


“Hindi ito ang oras ng pamumulitika! Ito ang oras ng pagtulong sa gobyerno maging ano man ang kulay mo. Isaksak n'yo sa baga n'yo at puso n'yo na ang pinag-uusapan ngayon at ang nakataya ngayon ay ang SURVIVAL ng ating LAHI at INANGBAYAN PILIPINAS.


“Join the Reservist. Ask not what your country can do for you – ask what you can do for your country.”

Marami naman ang sumang-ayon sa pahayag na ito ng aktor dahil imbes daw na sumunod ay kinokontra pa ng ilan, tapos ay aasa ng tulong sa gobyerno sa bandang huli.


Komento ni @elds_bantilan, “Kami nga sa Mindanao, 'pag sinabi ni Pres. Duterte na Martial law, sumusunod kami kasi alam namin para ‘yun sa ikabubuti namin. Walang rally ang nangyari, ikinatuwa pa namin. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit panay banat sa president natin. Nakakalungkot isipin lang talaga.”


Ang puna naman ni @deearlan, “Mga artista, wala pang ginawa kundi maghamon ng kaguluhan dahil sa mga pansariling kagustuhan lang, haist! Idinadamay pa mga tao para manghimok ng kaguluhan, haist..”


Gusto naming iklaro na hindi lahat ng artista ay walang ginagawa. Mas marami nga silang ginagawang tulong sa pamamahagi ng mga kailangan ng mga frontliners at health workers, bukod pa sa mga pangangailangan ng ilang ordinaryong taong nawalan ng trabaho ngayon dahil sa pandemic sa pangunguna ni Angel Locsin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page