top of page
Search
  • BULGAR

Tubig o pera

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 24, 2024


Lumaki ako sa tubig. Tuwing tag-ulan, naliligo kami ng aking mga kapatid sa ulan. Mabuti na lang at ang nakuhang lote ng aming ama ay hindi lang bahay kundi may malawak na lugar para paglaruan ng mga bata. Doon sa palibot ng aming bahay, tuwing umuulan ay naghahabulan kaming magkakapatid habang nilalasap ang malamig at malinis na tubig ulan.


Ipinanganak din ako ng Pebrero at ang aking zodiac sign ay Pisces o isda. Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit giliw na giliw ako sa tubig.


Hindi kalayuan sa aming bahay ang mga palaisdaan sa Letre, ang halos dalawang kilometrong kalye mula Sangandaan hanggang simbahan ng San Bartolome. Tuwing umaga, dumarating bandang ika-6 ng umaga ang aming sundong dyip para ihatid kaming magkakapatid at ilang mga kapitbahay na kaeskwela namin sa St. James Academy. Hindi nakababagot ang aming arawang biyahe patungong paaralan dahil habang binabagtas ng aming sundo ang Letre, tanaw namin sa kaliwa at kanan ang malalawak na palaisdaan. Napakagandang tanawin na lalo pang pinaganda ng mga tagak na lumilipad patawid ng mga palaisdaan.


Ito ang bayan ng Malabon na karatig ang bayan ng Navotas at ‘di kalayuan ang bayan ng Ubando, Bulacan na kilala rin sa mga palaisdaan at talabahan, lalo na sa isla ng Binuangan. Kaysaya at kayganda ng aming bayang napapaligiran ng tubig.


Nagbago ang lahat ng ito noong 1976 nang ilunsad ni Gng. Imelda Marcos ang Dagat-Dagatan project. Hindi namin namalayan na napag-usapan na pala at nabili na rin ang mga lupa ng mga palaisdaan sa magkabilang panig ng Letre para gawing “relocation site” ng mahigit na 13,000 katao na kailangang ilipat mula Tondo dahil sa mga naturang “development projects” ng pamahalaan.


Mabilis ang pagbabago. Tinambakan ang mga palaisdaan at nawala ang maganda at maaliwalas na tanawin ng tubig, tagak at mga mangingisda. Agad na napalitan ito ng mga siksikang kabahayan at lahat ng problemang kasabay at kasunod nito.


Hindi masama ang programang pabahay, ngunit napakahalagang pag-aralan din kung paano maiiwasang isakripisyo ang mga mahahalagang imbakan, daluyan at tahanan ng tubig. Nagising na lang isang araw ang mga taga-Malabon na wala na ang mga palaisdaan, wala na ang tubig at napalitan ang lahat ng ito ng ibang-ibang kapaligiran.


Nagrereklamo na ang mga kababayan na paunti nang paunti ang ating tubig. Madalas nang mawalan ng tubig. Ngunit, kasalanan ba ng taumbayan ang kawalan ng supply ng tubig?


Binabaha na ngayon ang Malabon dahil wala nang mga palaisdaang puntahan ng tubig baha.


Sino ang mananagot at hindi inayos ang daanan ng labis na tubig kapag tag-ulan?


May isyu ngayon ng itinayong resort sa paanan ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.


Iniimbestigahan kung mayroong permit na gamitin ang “underground water” para suplayan ang mga swimming pool at iba pang pangangailangang tubig ng malaking resort na natukoy.


Salamat sa vlogger na nagkalat na video at nagbunyag ang mga pinaggagawa ng naturang resort na hindi nakakatulong sa kalikasan, at pumalag ang Senado sa pamamagitan ng opisina ng Senate Environment Committee. Dahil dito, inilathala ang Senate Resolution 976 na nag-uutos na siyasatin ang ilang mga protected areas na nasisira ng naturang commercial activities tulad ng pagkasira ng isang bahagi ng Chocolate Hills.


Mahalaga ang itinutulak ng Senate Resolution 976, kaya lang hindi sapat na tingnan ang mga protected areas, kundi tingnan din ang ibang lugar tulad ng mga palayan, maisan, tubuhan at ang iba’t ibang lupang sakahan na nanganganib na rin dahil sa mga nagkalat na mga ‘subdivision’, industrial parks, theme parks na pag-aari ng mga malalaking korporasyon o mga makapangyarihang pamilya na kadalasan ay malapit o miyembro ng pamilyang pulitikal na nakapuwesto sa iba’t ibang bayan, siyudad at lalawigan.


Dahil sa komersyo, sa iba’t ibang big business ay nanganganib ang mga buhay at malusog pang bahagi ng ating natural na kapaligiran na pinagmumulan ng pagkain at higit sa lahat ng tubig.


Seryoso ang problema ng pagtutunggalian ng big business, at ng marupok at mahina nang kapaligiran.


Lalong seryoso ito dahil marami sa mga mambabatas na sa totoo lang, hindi naman nasa panig ng kapaligiran o kalikasan kundi sa big business. Eh, ano kung maubos ang mga lupang sakahan?


Eh, ano kung maubos ang tubig sa mga bundok, batis at ilalim ng lupa. Hindi ba’t ang pinakamahalaga ay buhay at matatag ang aming korporasyon? ‘Yan ang kadalasan nilang katwiran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page