Search
  • BULGAR

Pananaw na “bawal maging choosy sa bakuna”, nakadidismaya!

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | January 17, 2021



“Kung ano’ng meron, ‘yun na.” Hindi mahalaga kung anumang bakuna ang pinag-uusapan dito. Ang malungkot sa ganitong pananaw ay hindi mahalaga ang damdamin ng mamamayan.


Kung ano ang ibigay sa inyo, tanggapin ninyo at magpasalamat dahil binibigyan kayo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi tayo dapat maging pihikan dahil marami ang nangangailangan ng bakuna.


Pero ayon sa mga eksperto mali ang ganitong pananaw dahil hindi nito binibigyang-halaga ang paghahanap sa tama at epektibong bakuna. Hindi puwedeng kahit ano na lang. Kaya ito ang maaaring maging kahulugan ng “hindi dapat pihikan” — hindi kailangang mag-ingat sa pagpapabakuna.


Hind taumbayan ang dapat magtiis dahil ang ibibigay sa kanila ay ang anumang pinili o binili ng pamahalaan para sa kanila. Wala na pala tayong karapatang igiit hindi lang kung ano ang gusto natin kundi kung ano ang tama at epektibo.


Ito ay malungkot na epekto ng pandemya at ng sari-saring pagbabawal ng IATF. Halos nawalan ng tinig o karapatan ang mamamayan na magpahayag na kung ano ang tama at epektibo.


Salamat at merong nagbabantay at nagsasalita upang makita ng mamamayan ang tunay na larawan ng nangyayari.


Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit mahigit kalahati ng populasyon ay ayaw magpabakuna?


Kailangang ipadama ng pamahalaan ang tunay at malalim na pagmamalasakit at pagkalinga ng pamahalaan sa kanila.


Sa pagharap ng taumbayan sa sari-saring panganib at paghihirap, nakukuha pang itulak pamahalaan ang sari-saring panukalang hindi nakatutulong ngayon at sa mga darating pang panahon. Nagsimula na namang umugong ang “cha-cha”. Mabuti na lang at nagsalita na ang Pangulo ng Senado na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi magkakaroon ng “Cha-Cha.” Ngunit, talaga bang hindi na nila itutulak ito o pansamantalang iisangtabi muna ito habang naghahanap ng ibang isyu na pagbabalingan?


Sa mga nagdaang unang buwan ng pandemya, sana’t sinikap ng pamahalaan na palakasin ang pagtitiwala ng lahat sa kanilang mga sinasabi at ginagawa. Wala na kayang magagawang mabuti at tama sa mga darating na panahon? Huli na ba ang lahat?


Hindi ba, higit na makatutulong kung sa halip ng maghanap-buhay (kumita kung sinu-sino sa pamahalaan at sa pribadong sektor na malakas ang koneksiyon) at sa halip na mamulitika (maghanda sa nalalapit nang eleksiyon) ay tunay na tingnan at tugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan?


Hindi manhid ang mamamayan. Nakikita at nararamdaman nila kung merong ibang dahilan ang pamahalaan sa mga sinasabi at ginagawa nito. Buhay ang nakataya sa usapin ng bakuna.


Sa puntong ito, dapat lang ipaalala sa pamahalaan na balikan ang dahilan ng paglilingkod at kung sino ang kanilang pinaglilingkuran.


Sa huli, meron pang mas mahalagang tanong sa mga nanunungkulan kaysa sa pagbabakuna sa mamamayan. Ano nga ba ang paglilingkod? Sino ba talaga ang inyong pinaglilingkuran? At, bakit kayo naglilingkod?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.