top of page
Search
  • BULGAR

Pagsisikap at sakripisyo vs. COVID-19, ‘di sapat hangga’t may pasaway

ni Ryan Sison - @Boses | July 9, 2020



Mass gathering, party o pagtitipun-tipon, anuman ang tawag, tiyak na ito ay ipinagbabawal, alinsunod sa health protocols sa umiiral na community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.


Pero tulad ng inaasahan, hindi lahat ay tatalima at ‘pag gustong sumuway, walang batas-batas, sige pa rin sa gustong gawin.


Kaugnay nito, isang pamilyang nagpositibo sa COVID-19 ang kinasuhan ng Navotas police matapos mag-party kahit may umiiral na community quarantine.


Ayon sa alkalde ng lungsod, isinilalim sa lockdown ang H. Monroy St. mula June 11 hanggang 24 matapos magpositibo sa sakit ang 14 sa mga residente rito.


Base sa ulat, 14 residente ng H. Monroy St., Bgy. Navotas West ang nakasuhan dahil sa pagdalo sa party at pagsuway sa pagbabawal ng mass gathering. Sa 14 katao, anim dito ang dumalo sa birthday ng isang miyembro ng pamilya na nakumpirmang positibo sa COVID-19.


Sa pagbalewala ng pamilya sa umiiral na safety regulations, inilagay nila sa panganib ang kanilang buhay, gayundin ang kanilang mga kalugar.


Nabalewala rin ang pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at pagsisiguro na ligtas ang mamamayan.


Sana ay magsilbi itong aral at babala sa mga sumusuway na hindi biro ang sitwasyon natin ngayon.


Ang mga pagtitipon at party ay nakapaghihintay, pero ang kalusugan at buhay natin, hindi na maibabalik ‘pag nagpumilit tayong gawin ngayon ang mga ipinagbawal.

Tulad nitong pamilyang nag-party, positibo na sa sakit, may kaso pang haharapin.


Pakiusap sa kinauukulan, magsilbi rin kayong ehemplo sa inyong nasasakupan. Manguna sa pagsunod sa mga umiiral na protocol, parusahan ang lumabag at patunayang may ngipin ang batas.


Kung kayo ang mangunguna sa pagsunod ng ipinatutupad ninyo, malamang, gagayahin din kayo ng publiko.


Tayo namang mamamayan, plis lang, ‘wag nating sayangin ang pagsisikap at sakripisyo ng ating mga kababayan. ‘Pag sinabing bawal, bawal. ‘Wag nang pasaway!


Maraming nagtiis na ipagpaliban ang mahahalagang lakad o okasyon para sa kapakanan ng nakararami, kaya sana, kayo rin.


Lahat ng sakripisyo natin ngayon, tiyak na mapakikinabangan natin pagdating ng panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page