@Editorial | May 3, 2024
Bigong makapasok ang mga unibersidad sa Pilipinas sa Top 100 ng 2024 The Asia University Rankings.
Ang dating ika-84 na puwesto ng Ateneo de Manila ay bumagsak sa 401-500 na bracket.
Parehas namang nasa 501-600 bracket ang University of the Philippines at De La Salle University.
Pumasok naman ang Mapua University sa ika-601 bracket.
Samantala, sa unang pagkakataon ay nakapasok sa ranking ang University of Santo Tomas kung saan napabilang ito sa 601 bracket.
Noong nakaraang taon ay nakapasok ang UST sa reporter status na ipinagkakaloob sa mga pamantasang nagbigay ng impormasyon sa Times Higher Education ngunit hindi pumasa sa criteria para pumasok sa rankings.
Ngayong taon, nakatanggap din ng reporter status ang siyam pang unibersidad sa bansa gaya ng Cebu Technological University, Tarlac Agricultural University, at Visayas State University.
Samantala, nagdulot ng iba’t ibang reaksyon ang inilabas na ulat na karamihan ay medyo hindi positibo.
May mga nagsasabi na tila napabayaan na ang edukasyon sa bansa. Marahil dahil sa rami ng nangyayari at pinagkakaabalahan. Mabilis ang usad ng teknolohiya at maraming oportunidad ang nagsulputan partikular sa industriya ng social media.
Umaasa tayo na magsilbi itong panggising sa lahat, sa ating mga guro, estudyante, paaralan at sa gobyerno para pagbutihan pa ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Walang masama na sumabay sa mga pagbabago dahil hindi ito maiiwasan pero, huwag pa rin nating kalimutan na ang edukasyon ang isa sa nagpapatibay sa pundasyon ng magandang kinabukasan.
Comments