top of page
Search
  • BULGAR

‘Pag ‘di nahubog ang mulat na kamalayan...

mananatili tayong biktima ng mga taong may personal na interes

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | August 30, 2020



Sayang at papaalis na tayo ng bansa nang simulan ni Archbishop Oscar ‘Oca’ Cruz ang pagpapalaganap ng panalangin ng ‘silent majority’ noong panahon ni ex-P-Gloria Macapagal Arroyo.


Wala na tayong sipi ng naturang panalangin, ngunit ang diwa nito ay ang paghingi ng kaliwanagan at karunungan upang mamulat ang lahat sa mga nangyayaring katiwalian sa pamahalaan, sa lipunan at sa buong bansa.


Bagama’t maraming hindi masaya at tutol sa mga nangyayari sa ilalim ng pamumuno noon ni ex-P-GMA, hindi pa rin ganu’n kalakas ang tinig ng pagtatanong at pagtutol. Madalas nating makausap sa mga panahong iyon si Bishop Oca na dismayado rin sa mga nangyayari.


Malakas pa si Bishop Oca noong mga panahong iyon. Paborito siyang kausapin at hingan ng pananaw ng mga taga-media. Hindi siya maramot sa kanyang mga puna kahit na pagkondena. Anuman ang isyu ay handang magbigay ng kuro-kuro ang butihing Obispo.


Naging maingay ang Obispo laban sa paglaganap ng jueteng at madalas marinig ang kanyang tinig na nagpapaabot sa mga nakaupo mula Malakanyang hanggang Pamahalaang Lokal na gawin ang nararapat upang patigilin ang jueteng na sumisira sa maraming indibidwal kasama ng mga pamilya at pamayanan.


Dahil taga-Pampanga si Bishop Oca, kilala niya ang mga malalaking operator ng hueteng sa kanyang lalawigan. Nauunawaan din niya kung sino at paanong napoprotektahan ang naturang ilegal na sugal. Hindi nilulubayan ni Bishop Oca ang pagbatikos at pagkondena sa hueteng.


Nang mamamatay si Jaime Cardinal Sin, nawala ang isang matapang at maaasahang tinig ng konsensiya sa lipunan.


Mabuti na lang at handang magsalita at mamahayag si Bishop Cruz. Lubhang mahalaga ang mga tinig na nagpapaliwanag, nagtatanong, pumupuna, nagtutuwid at kung kinakailangan, kumukondena.


Ganito ang tinig ng konsensiya na sa iba’t ibang panahon at sitwasyon ay kailangang naririnig. Mapanganib tumahimik, humina at tuluyang mawala ang tinig ng konsensiya. Ang tao ay kapwa banal at makasalanan. Kailangang palaging merong maririnig at masasandigang tinig na magpapalakas at magbibigay ng direksiyon sa gitna ng magulo, masalimuot at mapanganib na panahon.


At ganito rin ang nais mangyari ni Bishop Oca noong mga panahong malakas pa siya—na sana mismong taumbayan ang mamulat at magsimulang magsalita at kumilos para sa tama at mabuti. Ang naturang edukasyon ng mamamayan sa pulitika at moralidad ay napakahalaga. Kapag hindi nahubog ang mulat na kamalayan ng mamamayan, mananatili silang biktima ng maruming manipulasyon ng mga pulitikong pinakikilos lamang ng kanilang personal na interes.


Kung babalikan natin ang nakaraang 50 taon, pagkaraan ng pitong pangulo at kanilang administrasyon, maaaring itanong kung merong malinaw na pagmumulat at paghuhubog ng kamalayan at pagkatao ng mamamayan tungo sa pag-gawa ng mabuti at tama.


Maliban noong panahon ni ex-P-FVR nang inilunsad niya ang Moral Recovery Program, halos walang nabuo at naisagawang programa ng paghuhubog ng kamalayan, konsensiya at mabungang pakikisangkot ng mamamayan.


Sa kasalukuyang panahon ng kadiliman at pag-uusig, itinataas ng Panginoon ang mga tinig ng konsensiya na malinaw, mahinahon at walang takot magpahayag ng katotohanan. Sana’y higit pa silang magsalita, gumabay at magbigay direksiyon at lakas sa nahihirapan at naguguluhang mamamayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page