top of page
Search
  • BULGAR

P700-M ilalaan para sa internet access ng 7,000 na pampublikong paaralan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 6, 2020


Isang panukalang isinusulong ng inyong lingkod ay ang Senate Bill No. 1565 o ang Education in the Better Normal Act, kung saan ang isang layunin nito ay palakasin ang programa ng Department of Education (DepEd) na Public Education Network (PEN).


Layon nitong ikonekta ang lahat ng mga pampublikong paaralan at mga DepEd offices sa buong bansa upang maabot ng teknolohiya ang mga eskuwelang nasa malalayo at liblib na lugar.


Kung ating babalikan, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA 2020 ang pangakong maipatutupad ang PEN bago siya bumaba ng puwesto sa 2022.


Nakakatuwang malaman na prayoridad ng ating pamahalaan ang mga paaralang tinatawag na Last Mile Schools dahil sila ang talagang walang access sa modernong teknolohiya dahil kadalasan ay wala silang kuryente.


Ayon sa ika-14 na ulat ng Pangulo sa implementasyon ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act, P700 milyon ang inilaan para sa internet access ng 7,000 na pampublikong paaralan.


Base pa sa datos mula sa DepEd, 48 porsiyento lamang o 22,645 sa kabuuang bilang na 47,013 na paaralan sa Pilipinas ang may internet connection.


Isa sa mga pangunahing probisyon ng ating panukalang-batas ay ang mandato sa DepEd na paigtingin ang kapasidad ng information and communications technology (ICT) upang maiayos ang koneksiyon at serbisyo sa ating mga mag-aaral.


Sa ilalim ng naturang panukalang-batas, mapapaigting ang implementasyon ng Republic Act No. 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act para makapagbigay ng libreng koneksiyon at masuportahan ang distance learning sa lahat ng mga pampublikong paaralan, lalo na kapag sarado ang mga ito sanhi ng anumang uri ng emergency o hindi inaasahang mga pangyayari tulad ng CoViD-19 pandemic.


Sa pamamagitan ng dekalidad na ICT, mas mapapabuti at mapapabilis ang pag-enroll, pagbabayad, pagpasa ng mga grades at iba pang mga transaksiyon na magpapanatili ng zero-contact policy.


Para maisakatuparan ang tinatawag nating “digital transformation” sa sektor ng edukasyon, makikipagtulungan ang DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Department of Science and Technology (DOST).


Kapag naisabatas na ito, dapat ay mas maging maayos at maaasahan na ang teknolohiya o internet connectivity na pakikinabangan ng milyung-milyong estudyante para sa kanilang pag-aaral.


Bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado, nakikiisa tayo sa adhikain ng Pangulong mabuo ang PEN upang gawing mas moderno at matatag ang ating sistema ng edukasyon. Sa pamamagitan ng ating panukalang-batas, mabibigyan natin ng mas matatag na pundasyon ang programang pang-edukasyon upang iangat ang kalidad ng mga estudyante sa ilalim ng better normal.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page