top of page
Search
BULGAR

Online sabong gambling lords, walang takot kay PBBM

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Abril 12, 2024



KUNG TOTOONG HINDI TATAKBO SA PAGKA-PRESIDENTE SINA VP SARA AT SEN. TULFO, BAKA ANG MANGYARI, ROBREDO VS. MARCOS NA NAMAN SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Ang rank number 1 sa presidential survey na si Sen. Raffy Tulfo, at ang rank number 2 na si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay kapwa nakiusap sa mga survey firms na huwag isama ang kanilang mga pangalan sa survey para sa pagka-presidente ng bansa, kasi wala raw silang planong sumabak sa 2028 presidential election.


Kung totoo ngang hindi sila kakandidato sa pagka-presidente, aba’y malamang Robredo vs. Marcos na naman ‘yan kasi si former VP Leni Robredo ang rank number 3 at si Sen. Imee Marcos naman ang rank number 4.


Ibig sabihin, kung hindi tatakbo ang rank number 1 at rank number 2, malamang ang maglalaban ay ang rank number 3 at ang rank number 4 sa 2028 presidential election, period!


◘◘◘


KAHIT GINAYA LANG NI PBBM ANG ANTI-WANGWANG NI PNOY NOON, OK LANG PARA MATIGIL NA ANG MGA HAMBOG AT ABUSADO SA KALSADA --Ipinagbabawal ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa mga opisyal ng gobyerno ang paggamit ng sirena o “wangwang” at blinkers sa kanilang mga sasakyan.


Bagama’t ginaya lang ni PBBM kay yumaong former Pres. Noynoy Aquino ang direktibang ito kasi si PNoy ang original na nagbabawal sa mga motorista sa paggamit ng “wangwang” at blinkers, ay okey na rin ang ganyang direktiba ng Presidente para matigil na ang feeling hari at reyna sa kalsada ng mga hambog at abusadong gov’t officials, boom!


◘◘◘


MAY UTOS NA SI PBBM VS. ONLINE SABONG, PERO ANG MGA ONLINE SABONG GAMBLING LORDS, TULOY PA RIN ANG RAKET -- Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang mga raket na online sabong ng mga gambling lords sa social media.


Mantakin n’yo, may utos na si PBBM na pagbabawal sa bansa ng online sabong, pero dinededma lang ito ng mga gambling lord.


Isa lang ang ibig sabihin n’yan, hindi takot kay PBBM ang mga gambling lords kaya ang raket nilang online sabong ay tuloy pa rin sa socmed, period!


◘◘◘


KUNG MAY DELICADEZA SINA LTO CHAIRMAN MENDOZA AT LTFRB CHAIRMAN GUADIZ, DAPAT MAG-RESIGN SILA SA PUWESTO -- Iniutos ni PBBM kina Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rommel Marbil na paigtingin ang crackdown laban sa mga colorum public transport sa bansa, lalo na sa Metro Manila.


Kulang na lang sabihin ni PBBM na kapwa inutil ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagtupad sa kanilang tungkulin na sugpuin ang kolorum sa bansa kaya’t DILG at PNP na ang inutusan niyang magsagawa ng crackdown sa mga behikulong kolorum.


Kaya kung may natitira pang delicadeza sa kanilang mga sarili sina LTO Chairman Vigor Mendoza at LTFRB Chairman Teofilo Guadiz ay dapat mag-resign na sila sa puwesto, boom!


◘◘◘


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page