ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 20, 2024
Dear Chief Acosta,
Bumili ako ng charging cable sa isang stall sa Greenhills. Pag-uwi ko ay ginamit ko ito upang i-charge ang aking cellphone. Sa kasamaang palad, hindi nadadagdagan ang baterya ng aking cellphone. Kinabukasan ay bumalik ako sa pinagbilhan ko upang ipapalit ang depektibong charging cable na aking nabili ngunit sinabihan ako ng nagbebenta sa stall na mayroon silang “no return, no exchange” policy at walang warranty. Ito diumano ay nakalagay sa kanilang resibo. Sinabi rin niya na wala naman diumanong depekto ang produktong aking nabili dahil sealed diumano ito noong kinuha ko. Nang dahil dito, hindi nila tinanggap ang depektibong charging cable. Tama ba ang ibinigay sa aking impormasyon ng nagbebenta? -- Luis
Dear Luis,
Hindi tama ang sinabi sa iyo na hindi mo maaaring ipapalit ang depektibong charging cable na iyong nabili. Sa pagbebenta ng produkto ay may napapaloob na implied warranty na ang ibig sabihin ay ginagarantiya ng taong nagbenta ng produkto na walang nakatagong sira o depekto ang produkto na kanyang ibinenta. (Article 1547, New Civil Code of the Philippines) Kung may nakatagong sira o depekto sa produkto ay may pananagutan ang nagbenta ng produkto sa taong kanyang pinagbentahan. (Article 1566, Ibid.)
Ayon din sa Rules and Regulations Implementing Republic Act (R.A.) No. 7394, kung walang kasunduan sa haba ng warranty, ang implied warranty sa isang bagong produkto na ibinebenta ay hindi maaaring bumaba ng animnapung araw (60 days). (Sec. 2, Rule III, Chapter III) Nakasaad din dito ang pananagutan ng taong nagbenta ng isang depektibong produkto:
“Chapter III
Consumer Product and Service Warranties
xxx
Rule III. Minimum Standards of Warranties
Section 1. Minimum Standards for Warranties – For the warrantor of a consumer product to meet the minimum standards for warranty, he shall:
1.1 Remedy such consumer product within a reasonable time and without charge in case of a defect, malfunction or failure to conform to such written warranty;
1.2 Permit the consumer to elect whether to ask for a refund or replacement without charge of such of such product or part, as the case may be, where after reasonable number of attempts to remedy the defect or malfunction, the product continues to have the defect or malfunction.”
Sinasabi sa panuntunang nabanggit na ang nagbenta ng isang produkto na may nakatagong sira o depekto ay may pananagutan na ayusin ito, o papiliin ang nakabili kung gusto niyang makakuha ng refund o replacement ng kanyang nabili. Samakatuwid, hindi tama ang sinabi ng nagbenta sa iyo ng charging cable na walang warranty ang depektibong charging cable.
Nakasaad din dito na kinakailangan lamang ipresenta ng mamimili ang warranty card o ‘di kaya ay ang resibo kasama ang depektibong produkto upang hilingin na isauli ang kanyang bayad o ‘di kaya ay palitan ang depektibong produkto. (Chapter III, Rule V, Section 1 of the Rules and Regulations Implementing Republic Act (R.A.) No. 7394)
Bukod dito, iyo ring nabanggit na mayroon nakalagay na “no return, no exchange” sa resibo na ibinigay sa ‘yo. Nakasaad sa Chapter 1, Rule 2, Section 7 ng Rules and Regulations Implementing Republic Act (R.A.) No. 7394, na:
“Section 7. Prohibition on the Use of the Words “No Return, No Exchange” – The words “No return, no exchange,” or words to such effect shall not be written into the contract of sale, receipt in sales transaction, in any document evidencing such sale or anywhere in a store or business establishment.”
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga katagang “no return, no exchange” sa mga resibo. Hindi rin ito maaaring ipaskil sa tindahan o establisimyento na nagbebenta ng mga bagong produkto.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comentarios