top of page
Search
BULGAR

Libreng sakay sa mga apektado ng 2-araw na transport strike

ni Ryan Sison @Boses | April 15, 2024



Para sa mga komyuter na maaapektuhan ng dalawang araw na nationwide transport strike na simula ngayong Lunes, April 15, handa ang Metro Manila Council (MMC) na magbigay sa kanila ng transportasyon.


Ayon kay MMC President at San Juan Mayor Francis Zamora, mayroon na silang mga naka-standby na government vehicles sakali mang magkaroon ng problema.


Aniya, ready ang Metro Manila mayors, pero kadalasan hindi naman nila kinakailangang gamitin ang mga sasakyan. Sakali lang na talagang magkaroon ito ng epekto sa transportasyon ay saka lang nila ito ginagamit. 


Nakipag-ugnayan na rin si Zamora sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para magbigay ng karagdagang police personnel sa 2-araw na welga upang matiyak ang kaligtasan ng mga operator na hindi sasama sa transport strike.


Sinabi niya na nakipag-usap na siya kay NCRPO Chief General Jose Nartatez upang masiguro ang safety ng bawat isa dahil nagkakaroon minsan ng mga pangyayari, kung saan mayroong mga hina-harass na hindi sumasama sa tigil-pasada.


Kaugnay nito, may ilang mga jeepney driver na sasama sa transport strike ay nagsabi na kailangan nilang doblehin ang kanilang pagsisikap na kumayod nang higit pa sa kanilang pang-araw-araw na kita para mapunuan ang 2-araw na hindi sila mamamasada.


May ilang driver naman na hindi sasama sa strike ay nagpahayag na ramdam nila ang mga hinaing ng kapwa nila tsuper, pero, ang pagkakaiba lang nila ay nasa coop talaga sila noon pa, at ang pamamasada ay ramdam nila kung gaano kahirap ang pamamalakad sa ngayon.


Kumpiyansa naman ang PISTON na mapaparalisa ng tigil-pasada ang transportasyon sa Metro Manila dahil maraming transport member ang nagpahayag umano ng kanilang intensyong sumali rito. Ayon kay PISTON President Mody Floranda, kung sa member ng PISTON at MANIBELA ay 100 porsyentong lalahok, habang maraming nagkooperatiba na at nagkorporasyon na nagpaabot na handa silang lumahok ngayong April 15 sa strike, at hindi lang jeep, pati mga UV, multicab at ilang mga motorcycle taxi ay magiging matagumpay ang kanila umanong transport strike.


Sinabi pa ni Floranda na bukod sa Metro Manila, sasama rin sa strike ang transport group sa mga rehiyon, kung saan nagpahiwatig ng pakikiisa ay mula sa Bicol Region, Iloilo, Cebu, Davao, General Santos, Bacolod at Baguio City. 


Patuloy din ang panawagan sa gobyerno ng PISTON at MANIBELA na ibasura ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). 


Subalit, nakatakdang tapusin ang consolidation ng mga public utility jeepney operator ngayong April.


Ipinahayag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na inatasan na niya ang kanyang mga tauhan para sa deployment ng mga asset at mga sasakyan mula sa mga LGUs at barangay bilang bahagi ng contingency measures sa panahon ng strike.


Ayon kay Artes, ang mga libreng sakay ay naka-standby din at nakahandang i-dispatch ang mga behikulo para maisakay ang mga maaapektuhang komyuter.

Hindi pa rin matapus-tapos ang problema sa ating transportasyon partikular na sa mga jeepney dahil sa PUVMP.


Pati ang grupo ng mga driver at operator ay nagkakahati-hati na rin sa kanilang mga desisyon, kung makikiisa sa consolidation o hindi, habang patuloy naman ang isinasagawang transport strike, na ang laging tinatamaan at apektado nang husto ay mga komyuter.


Sana, totoong matuldukan na ang naturang usapin sa pagitan ng gobyerno at transport group para naman wala nang napeperhuwisyo habang lahat tayo ay makapamuhay na rin ng maayos.

 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page