top of page
Search
  • BULGAR

Kapabayaan sa kalikasan at kapaligiran, kapabayaan sa buhay

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | September 6, 2020



Limang taon na mula nang nanawagan si Papa Francisco sa mga Katoliko sa buong mundo na makiisa sa “Season of Creation.” Ito ang pandaigdigang pagdiriwang ng malalim na kaugnayan ng buhay ng bawat tao sa lahat ng nilikha ng Diyos.


Mula ika-1 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, ang bilyun-bilyong Kristiyano ay magkakaisang ipagdiwang ang napakahalagang kaugnayan at pananagutang ito.


Marahil, tunay na magiging kakaiba ang pagdiriwang ng “Season of Creation” sa panahon ng pandemya. Kitang-kita at damang-dama ang epekto ng labis na kapabayaan ng tao sa kalikasan at kapaligiran.


Ano ang pinakamahalagang sangkap o elemento ng buhay na hindi maaaring pabayaan dahil ang kawalan nito ay tiyak na kamatayan? Kayamanan, kapangyarihan, karunungan, kagandahan, kadakilaan, kabayanihan o kabanalan? Sa bawat sagot, malinaw na hindi pa rin mawawala o manganganib ang buhay kung mawala ang naturang elemento.


Kung mawala ang kayamanan, meron pa ring buhay. Tulad ng bilyun-bilyong mahihirap na patuloy na kumakayod at nabubuhay sa kabila ng kahirapan. Kung mawala ang kapangyarihan, hindi pa rin ito ikamamatay ninuman. Tulad ng bilyun-bilyong maliliit na tao o walang kapangyarihan. Gayundin, sa mga kulang sa kaalaman at karunungan, sa mga hindi papasa sa mga pamantayan ng kagandahan, mabubuhay pa rin sila.


Ngunit kung mawala ang kalikasan, mawawala ang buhay. Matatapos ang kasaysayan dahil mawawala ang buhay, anumang kahalagahan o pagpapahalaga rito at ang pag-unlad at direksiyon nito.


Tama ang mga simbahang nagsimula ang Season of Creation mula kay Ecumenical Patriarch Dimitrios, na nanawagan na sa mga kasapi ng simbahan na gawing pandaigdigang araw ng panalangin ang ika-1 ng Setyembre noon pang 1989, ganun din ang mga kapatid nating protestante ng World Council of Churches at si Papa Francisco rin.


Ito ang idinulot na problema ng kasaysayang nakasentro at umiikot lamang sa tao at hindi kasama ang kalikasan. Ito ang problema nang magsimula ang tinatawag na Industrial Revolution o ang rebolusyon ng makina na patuloy nang iniwanan ang mga pamamaraang mabagal at sumusunod sa naturang ritmo ng kalikasan.


Dahil sa makina, unti-unting naging makapangyarihan ang agham at teknolohiya at unti-unting hanggang sa tuluyan nang humina ang mga pag-aaral na bumubuo sa naturang humanities, tulad ng sining, musika, literature, wika, sikolohiya, kasaysayan at relihiyon.


Mapanganib balewalain ang iba’t ibang aspeto ng ating pagkatao ganun din ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng mundo. Sa ating pagdiriwang ng Season of Creation o Panahon ng Paglikha, taon ng Pandemya, malinaw din na hindi maaaring ihiwalay ang kalikasan sa kalusugan maging sa kapayapaan.


Dahil sa pandemya, malinaw ang kahalagahan ng kalusugan. Huwag din kalimutan ang dangal ng tao na kailangang igalang at itaguyod kung nais din nating magkaroon ng tunay at malalim na kapayapaan sa bawat bansa maging sa buong daigdig.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page