top of page
Search
  • BULGAR

‘Di raw sindikato kundi maraming grupo na may kani-kanyang teritoryo ang sangkot...

sa anomalya sa PhilHealth

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 11, 2020


Pinagpapahinga ng kani-kanilang doktor sina PhilHealth President Ricardo Morales at Executive Vice-President Arnel de Jesus.


Ito ang kanilang dahilan para hindi na muna dumalo sa sunod na pagdinig sa Senado ngayong Martes kaugnay sa mga kontrobersiya at katiwaliang nagaganap umano sa ahensiya.


Ayon sa ulat, si Morales umano ay may lymphoma habang si De Jesus naman ay may sakit sa puso. Mapapataas na lang talaga ang kilay mo na kung matagal na silang may sakit, bakit ngayon lang sila nagpapaospital kung kailan may mga alegasyon ng katiwalian sa kanilang ahensiya?


Pero hindi na rin tayo nagtataka sa ganyang balita kapag nag-iimbestiga na ang Senado.

Gayunman, nangako naman si Morales na magpapatuloy ang kanyang kooperasyon sa imbestigasyon sa pamamagitan ng teleconferencing.


Kaugnay nito ay nagbitiw sa puwesto si PhilHealth Senior Vice-President for Operations retired Brig. Gen. Augustus de Villa, pero nangako ito ng kooperasyon sa imbestigasyon. May rekomendasyon na rin ang Presidential Anti-Corruption Council (PACC) na kasuhang kriminal ang 13 opisyal ng PhilHealth na hindi na muna pinangalanan.


Ayon sa PACC, baka marami pa ang madaragdag sa kanilang listahan habang nauungkat nang husto ang katiwaliang nagaganap sa ahensiya. Wala umanong sindikato kundi maraming grupo na may kani-kanyang teritoryo na hawak pagdating sa paglabas ng bayad sa mga ospital at doktor. Gayundin, may imbestigasyon na ang Department of Justice (DOJ) na tutulungan ng Civil Service Commission (CSC), COA at Ombudsman.

Sa dami ng mga nag-iimbestiga sa anomalyang nagaganap sa ahensiya, imposibleng walang makuhang ebidensiya para patunayan ang mga alegasyon. At kung may mga ebidensiya nang hawak, sana naman ay sibakin na ang akusadong opisyal at kasuhan agad.


Naghihitay ang mamamayan ng mga kasugatan. Ang mamamayan ang nagbibigay ng pondo sa ahensiya kaya tama lamang na sila ang dapat masabihan ng katotohanan. Hindi puwedeng sabihing kailangang dagdagan ang kontribusyon ng mga miyembro kung ganyan ang kanilang pamamalakad. Siguradong inaantabayanan ng lahat kung ano ang bagong masisiwalat ngayon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page