top of page
Search
  • BULGAR

Bogus raffle online, bagong modus sa gitna ng pandemya!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 10, 2020


Hindi ko alam kung likas ba talaga sa ating kultura ang pagiging sugarol o sadyang marami lang mapagsamantala at ginamit na naman ang nararanasang pagkainip ng ating mga kababayan sa gitna ng COVID-19 pandemic para kumita.


Mula noong ibaba ang enhanced community quarantine (ECQ) hanggang sa kasalukuyan ay marami na ang nakakaranas ng burnout at isa sa kanilang libangan ay ang telebisyon at gadget.


Marami sa ating mga kababayan na may telebisyon ay wala namang cable channel kaya limitado lamang ang napapanood dahilan upang mas higit na pagtuunan ang kani-kanilang cellphone.


Dahil dito ay marami sa ating kababayan ang nais tumulong na may hatid pang kasayahan kaya naisipan nilang magpa-raffle online na bukod sa nakatutulong na ay malakas pang makatanggal ng inip.


Pero malaki ang diperensiya ng mga nais na makapagbigay ng kasiyahan sa ating mga kababayan kumpara sa mga nagsasamantala dahil ang mga nais tumulong ay walang bayad.


Isinasali nila ang mga kababayan nating lumahok nang walang bayad at kapag nabunot ang kanilang number sa kanilang cellphone ay wala nang maraming kuskos balungos at agad na ibinibigay ang premyo.


May ilan naman na ginawa nang hanapbuhay ang pagpapa-raffle at ang biktima ay ang mga kababayan nating naghahanap ng kagitna kaya madalas ay isang salop ang nawawala.


May ilang mapagsamantala na inaanyayahan ang mga naiinip nating kababayan na sumali sa raffle, ngunit kailangang magbayad ng P100 gamit ang mga money transfer at nagpapakita sila ng premyo na mapapanalunan.


‘Yung mga medyo may konsensiya pa ay talagang ibinibigay nila ang premyo, ngunit higit na mas malaki ang kinita nila kumpara sa ipinamimigay na premyo na karaniwan ay appliances o gadgets.


Tuwang-tuwa ang mga nananalo, ngunit hindi na nila naisip na lubhang napakaliit ng premyo na kanilang napanalunan kumpara sa nalikom na salapi ng responsable sa raffle at maituturing itong panibagong uri ng ilegal na sugal.


Ang ipinapaliwanag ko sa inyo ay patungkol sa mga nagpapa-raffle na may konsensiya pa, eh, paano naman ‘yung mga wala talagang konsensiya at ang hangad lamang ay magkamal ng salapi?


Sila ‘yung ilegal na sugal na ang ginagawang pa-raffle ay wala pang nananalo o tumatama sa naka-display nilang premyo dahil ang idinideklara nilang nanalo ay kasabwat din nila. Tsk!


Kaya doble-doble ang kanilang kita dahil bukod sa koleksiyon na kanilang naipon ay wala silang gastos dahil sa kakutsaba nila ang ipinapakita nilang nanalo.


Tandaan na lahat ng legal na pa-raffle sa bansa ay palaging nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Trade and Industry (DTI) at kapag sila-sila lang ang nagpapa-raffle ay huwag kayong maniwala.


Ang masaklap, hindi lang sa Metro Manila usung-uso ang “bogus raffle online” dahil kahit sa mga probinsiya ay marami na ang nabiktima sa ating mga kababayan na nagbabayad ng P100 makasali lang sa naturang palaro na akala nila ay may panalo.


Marahil ay napapanahon na para muling ibalik ang lotto nang sa gayun ay mabawasan ang inip ng ating mga kababayan at totoo pang may tumatama kaysa nabibiktima sila ng mga mapagsamantala.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page