top of page
Search
  • PhilHealth Official

Konsulta para sa bawat Filipino

Laganap sa panahon natin ngayon ang tinatawag na lifestyle diseases o mga sakit na nakukuha dahil sa maling uri ng pamumuhay gaya ng sakit sa puso, cancer, mataas na presyon at diabetes. Kadalasan ang mga ito ay bunsod ng mga maling nakagawian ng marami gaya ng paninigarilyo; pagkain ng sobrang mamantika, matataba, maaalat at matatamis na pagkain; kawalan ng ehersisyo; pag-inom ng alak; at marami pang iba. Ayon sa World Health Organization (WHO), halos 300,000 Filipino ang namamatay taon-taon dahil sa mga sakit na ito.

Nakalulungkot na balita ito mga katropa. Subalit ang kagandahan nito ay maaaring maiwasan ang mga sakit na ito na nagpapahirap sa marami nating kababayan sa pamamagitan ng pagtatama sa mga mali nating nakagawian.

Ika nga, hindi pa huli ang lahat para makaiwas sa mga ito, at kung kasalukuyan nang pinahihirapan ng mga ito ay may malaking tsansa na epektibong ma-manage para mapabuti ang quality of life natin.

Alam ba ninyo na ito ngayon ang pinagkakaabalahan ng inyong PhilHealth?

Alinsunod sa Universal Health Care law, nakatakda nang ilunsad ang bago nitong programa na tinawag na Konsulta na ang ibig sabihin ay konsultasyong sulit at tama kung saan ang bawat isa ay dapat na maalagaan ng duktor na kung tawagin ay primary care provider. Napakagandang panimula ito sa unang bahagi ng taon dahil sa paglabas ng polisiyang ito na nakapaloob sa PhilHealth Circular No. 0002-2020.

Kabilang sa Konsulta package ay siyempre… pauna at regular na konsultasyon sa duktor, health risk screening at assessment, halimbawa ay kung lalaki ay may digital rectal examination (para maagapan ang prostate cancer) at kung babae ay pagsusuri ng suso (para naman sa breast cancer).

Bukod diyan Ay may kasama ring diagnostic examinations gaya ng CBC with platelet count, pagsusuri ng ihi, pagsusuri ng dumi, pagsusuri ng plema, fecal occult blood, pap smear, pagsukat ng kolesterol sa dugo, pagsukat ng asukal sa dugo, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, chest X-ray at creatinine. Ang mga ito ay libreng makakamtan batay siyempre sa ipapasya ng duktor para mas masuri ka.

Hindi lang iyan, alam ba ninyo na may kasama pa itong 21 mga gamot para sa mga karaniwang kondisyon na maaaring maagapan ang paglala kabilang ang anti-microbial drugs( amoxicillin, co-amoxiclav, etc), fluid at electrolytes(oral rehydration salts), anti-asthma (salbutamol, prednisone, etc), anti-pyretics(paracetamol), anti-dyslipidemia(simvastatin), anti-diabetic(metformin, prednisone, etc) at anti-hypertensive( losartan, amlodipine).

Sa Konsulta, ang bawat Filipino ay dapat na makunan ng comprehensive health profile at kabilang sa mga isasagawa ay regular na pagkuha ng presyon ng dugo, pagkuha ng taas, timbang at sukat ng baywang, risk profiling para sa hypertension at diabetes

Ang kagandahan ng Konsulta ay magagamit natin ito kahit hindi maospital dahil sa pagkakasakit. Layunin mismo ng Konsulta na mailayo tayo sa karamdaman. Ang maganda pa rito ay makakmtan natin ang mga serbisyong ito sa Konsulta provider na pipiliin mismo natin!

Pero siyempre, kailangan munang mag-accredit ang PhilHealth ng maraming Konsulta providers gaya ng rural health units, infirmaries, primary care facilities, private clinics, at outpatient clinics.

Kaya ang aming panawagan sa mga maaaring maging Konsulta providers… magpa-accredit na! Malaki ang maitutulong ninyo para maisakatuparan na ang napakagandang benepisyong ito para sa kalusgan ng Filipino!

Hindi ito kakayanin ng PhilHealth mag-isa, kung kaya’t patuloy po kaming humihingi ng suporta mula sa mga pampubliko at pribadong pasilidad na may kakayahang makapagbigay ng mga nabanggit na serbisyong dala ng

Konsulta para sa ating mga kababayan.

Lagi nating tatandaan na sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!

----------

Para sa karagdagang tanong hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming 24/7 PhilHealth Action Center sa (02) 8441-7442; mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

 

Para sa mga katanungan:

Tel: (02) 8441-7442

Mail: actioncenter@philhealth.gov.ph

Fb: fb.com/PhilHealthofficial

Twitter: teamphilhealth

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page