top of page
Search
  • Dr. Shane Ludovice, M.D.

Sobrang pagpapawis, sanhi ng problema sa kalusugan


Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Grabe ako kung pagpawisan kaya naliligo ulit ako bago ako matulog. Gumagamit din ako ng antiperspirant, pero parang walang epekto. Ano ang dahilan nito at mainam na gawin para rito? — Alt

Sagot

Ang hyperhidrosis ay kondisyon kung saan ang tao ay nagpapawis nang sobra. Ang regular na pagpapawis ay nakatutulong upang makontrol ang temperatura at tubig sa katawan. Madalas tayong pinagpapawisan ngunit, mas kapansin-pansin ito tuwing mainit ang panahon o kapag nag-eehersisyo o nakararanas ng pisikal o sikolohikal na pagkapagod.

Tayo ay may dalawa hanggang apat na milyong sweat glands sa katawan, lalo sa noo, mukha, kilikili, mga kamay at paa. Ang mga ito ay naglalabas ng pawis na dumaraan sa skin pores upang maiwasang mag-overheat ang katawan. Kapag ang pawis ay nag-evaporate, pinalalamig nito ang ating balat.

Mayroong dalawang uri ng hyperhidrosis: Ang primary hyperhidrosis o hindi gaanong malalang pagpapawis habang ang isa naman ay ang secondary hyperhidrosis na epekto ng medications o problema sa kalusugan.

Karamihan sa mga taong may hyperhidrosis ay nagpapawis nang apat na beses na mas marami kaysa sa normal.

Hindi pa matukoy ang dahilan ng hyperhidrosis, pero ito ay maaaring may problema sa daanan mula sa sweat glands hanggang sa utak. Lumalabas na sensitibo ang glands ng mga taong may hyperhidrosis.

Ang problemang ito ay maaaring namamana na nagsisimula sa teenage years. Ang pagpapa­wis ay madalas na symmetric, ibig sabihin, ang parehong sides ng katawan ay apektado.

Sa pag-diagnose ng hyperhidrosis, hindi ito sa rami ng pawis kundi kung gaano kalaki ang epekto nito sa buhay ng tao.

Maaaring pawisan ang tao nang dalawa hanggang walong beses kaysa sa normal na amount ngunit, ito ay matatawag pa ring hyperhidrosis.

Maraming lunas ang maaaring pagpilian ng mga taong may hyperhidrosis. Una, ang paggamit ng antiperspirants, pero kapag hindi ito tumalab, maaaring subukan ang iontophoresis, ang paggamot na may kasamang low-level electrical currents o botulinum toxin (botox) injections na humaharang sa signal na nagbubukas sa sweat glands.

Ang mga panlunas na ito ay uulitin kapag ang pagpapawis ay bumalik. Ang pag-inom ng gamot ay maaaring gawin kung hindi pa rin umepekto ang mga nabanggit, pero dapat magpakonsulta muna sa mga eksperto dahil maaari itong magkaroon ng masamang epekto kapag nagkamali sa paggamit.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page