top of page
Search
  • Win Gatchalian

Mabuting kalusugan, susi sa karunungan ng mga mag-aaral


LAYUNING palaganapin ng ating gobyerno ang temang “All for Health towards Health for All” o “Lahat Para sa Kalusugan! Tungo sa Kalusugan Para sa Lahat.” Mula 2016 hanggang 2022, hangad ng Department of Health (DOH) na magkaroon ang mamamayang Pilipino ng pagpapahalaga sa kalusugan sa lahat ng pagkakataon, lalung-lalo na sa kabataan.

Ang kalusugan at kaligtasan ng mga batang mag-aaral ay isa sa pangunahin nating adhikain mula pa noon. Base sa karanasan natin noon bilang mayor ng Lungsod ng Valenzuela, maraming bata ang kulang sa nutrisyon dahil hindi sila nakakakain ng masusustansiyang pagkain kung saan mahigit 7,000 sa kanila ay kulang sa timbang o underweight.

Ang mas malala pa nito, mara­ming bata ang hindi makapag­pokus sa kanilang klase at nakakukuha ng mababang grado o bumabag­sak sa kanilang mga pagsusulit dahil hindi sila nakakakain ng agahan.

Mahalagang hakbangin para sa atin ang magtanong at magsa­liksik ng iba’t ibang mga pag-aaral upang makabuo tayo ng mga programang pangkalusugan na mapakikinabangan ng mga mag-aaral tulad ng Kinder to Grade 6 In-School Feeding Program o tinaguriang central kitchen na nagsimula noong 2012. Dito inihahanda, niluluto at binabalot ang mga lutong pagkain sa tulong ng food suppliers, kitchen volunteers, feeding coordinators at iba pa.

Sa unang taon ng programa, katuwang ang Ateneo Center for Educational Development (ACED), mahigit 2,000 batang nasa kinder at elementarya at mahigit 8,000 bata sa daycare centers ang nakinabang sa feeding program.

Mayroon din tayong proyekto na tinatawag na Barangay-Based Feeding Program (BBFP) na naglalayong sugpuin ang malnutrisyon ng mga sang­gol mula 6 na buwan hang­gang 5 taong gulang. 3,538 mga bata at kanilang pamil­ya na kapos sa sustansiya at lakas ng katawan ay nirarasyunan ng pakete ng mga ready-to-cook na masusustansi­yang pagkain tuwing dalawang linggo.

Base sa pagsusuri na isinaga­wa ng ACED sa performance ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral, umangat ang kanilang marka sa pag-aaral ng 6,964 benepisaryo mula sa 39 public ele­mentary schools noong School Year 2014-2015.

Nais nating mapalawak sa buong bansa ang inisyatibong ito kaya inihain natin sa Senado ang panukalang-batas na Nutri-Skuwela Act of 2016. Hangad nitong magkaroon ng isang meal kada araw ang lahat ng mag-aaral sa mga daycare, kindergarten at elementarya.

Ngayon, pagkatapos ng mabusising pakikipaglaban at pakikipagtulungan sa mga kapwa natin mambabatas ay lubos tayong masaya at nagpapasala­mat na naisabatas na ito sa pamamagitan ng Republic Act 11037 o Masustansiyang Pagka­in para sa Batang Pilipino Act.

Ating tandaan na ang nakuku­hang nutrisyon ng mga bata nga­yon ay makaaapekto sa kanilang pag-unlad sa hinaharap. Kaya naman, alang-alang sa mas mata­linong pag-aaral at masiglang pakikipaglaro sa mga kamag-aral, pagtulungan nating lahat na mapabuti ang kalusugan at kinabukasan ng mga batang ito sa pamamagitan ng tamang impormasyon, pagdidisiplina at pagbibigay ng wastong nutrisyon!

Sa ating bagong batas, tiyak na maipagpapatuloy sa buong bansa ang ating naumpisahan sa isang lugar. Sana ay patuloy na maging matagumpay ang pagpapalaganap nito upang makamit natin ang tema ng pamahalaan tungo sa malusog na pangangatawan ng lahat.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page