Search
  • BULGAR

2-million babies dahil sa COVID-19 lockdown!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 13, 2020


Tila nabalewala ang inilabas na babala ng Commission on Population and Development (PopCom) sa simula pa lamang ng enhanced community quarantine (ECQ) noong nakaraang Marso na mag-ingat sa hindi inaasahang pagbubuntis.


Ito ay matapos mag-anunsiyo ang PopCom na nasa 2 milyong lockdown babies ang inaasahan nating isisilang ngayong taon hanggang sa mga unang buwan ng susunod na taon na lahat ay nabuo sa gitna ng quarantine.


Nasa 214,000 sa may dalawang milyong ina na inaasahang magsisilang ang hindi umano handa o wala pa sa planong magbuntis na kaya lamang nangyari ay dahil sa dumami ang kanilang oras sa kanilang tahanan na pinagbawalan ng gobyernong lumabas dahil sa COVID-19.


Idinagdag pa dito ang inilabas na pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) at ng United Nations Population Fund (UNFPA) hinggil sa matinding dagok ng COVID-19 pandemic sa sobrang pananatili ng bahay ng mga pamilya.


Inihayag naman ng PopCom na nasa 10 porsiyento ng mga nagbuntis ay mula 20-anyos pababa na bukod sa mas mapusok dahil sa kanilang kabataan ay mas hindi pa masyadong nag-iisip ng kinabukasan.


Lumalabas sa pag-aaral ng PopCom na sa kabuuan ay umaabot sa 3.099 milyon hanggang 3.688 milyong kababaihan ang walang access sa family planning supplies na halos lumundag ng 19 porsiyento dahil sa mahigpit na pagbabawal lumabas ng tahanan.


At ang nakakalungkot pa, ang mga teenager na nagbubuntis na mula edad 15 hanggang 19 na hindi nabibigyan ng kanilang pangangailangan hinggil sa family planning ay tumaas na sa 163,000 hanggang 178,000.


At mga babaing gumagamit umano ng contraceptives ay bumaba ng 2.2 porsiyento at tinatayang nasa 400,000 ang bilang ng mga babaing tuluyan nang binalewala ang programa hinggil sa family planning simula nang ipatupad ang community quarantine.

Sa datos na inilalabas ng PopCom ay wala tayong masasabi dahil ayos at tantiyado nila kung gaano karami ang mga mabubuntis, ilang sanggol ang ipanganganak at kung ilan ang aabutin ng ating populasyon sa darating na panahon.


Sana ay huwag masayang ang babalang inilalabas ng PopCom, lalo pa at hindi biro ang dalawang milyong bata ang nakatakdang isilang ngayong taon kaya dapat umaksiyon dito ang Department of Health (DOH).


Alam naman natin kung gaano kaabala ngayon ang DOH dahil sa pagharap sa COVID-19 pandemic ngunit dapat na huwag din nilang kaligtaan ang pagtugon sa family planning program ng bansa.


Kung hindi makalabas ang ating mga kababayan dahil sa community quarantine dapat gumawa ng paraan ang DOH kung paano nila maaabot ang ating mga kababayan sa kani-kanilang tahanan.


Marami sa ating mga kababayan ang kulang na kulang na sa panggastos at natural na unahin nila ang kanilang kakainin kumpara sa mga contraceptives na kanilang ginagamit.


Para sa mga gumagamit ng contraceptives, dapat simulan na ng DOH ang pamamahagi sa mga bahay-bahay at sa mga hindi naman ay dapat na itaas ng DOH ang kamalayan para hindi lumobo ang ating populasyon.


Nagbabala na ang PopCom, hindi na maganda kung sa bandang huli ay magpapaliwanag na naman tayo na hindi natin ito napaghandaan dahil tiyak na malaking problema na naman ang ang sasalubong sa patuloy na pagdami ng tao sa bansa.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.