top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports News | August 14, 2025



Photo: Chezka Centeno - IG



Impresibong porma ang muling nasaksihan mula kay Chezka Centeno nang daigin nito si 3-time world 9-ball champion Liu Sasha noong semifinals ng 12th World Games sa palaruan ng Tianfu Campus Gymnasium sa Chengdu, China.


Dominanteng 7-4 na panalo ang inirehistro ni "The Flash" Centeno kay Sasha na naging daan naman ng pagkuha ng una ng kanyang upuan sa pangkampeonatong duwelo sa larangan ng women's 10-ball. 


Dahil dito, nakakasigurado na si Centeno ng isang medalya sa World Games arena sa pagsagupa niya kagabi sa finals.  Matatandaang noong 2017 World Games ay nakakuha ng ginto si Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Carlo Biado.


Mainit ang naging arangkada ni Centeno kontra sa kalabang Intsik, 2-0. Bagamat nasaksihan ang isang 3-3 na pagbalikwas ni Sasha, pamatay na pagtatapos (4-1) naman ang nagtulak sa alas ng Zamboanga papunta sa gold medal match.


Pinag-aagawan nina Centeno at Chinese lady cue star Han Yu ang titulo habang binabalangkas ang artikulong ito.


Umusad naman si Yu sa finals matapos talunin si Ina Kaplan (7-3, Germany) sa kabilang hati ng semis. Sa bakbakan para sa tansong medalya, naungusan ni Sasha si Kaplan sa gitgitang pamamaraan, 7-6.


Nauna rito, inilampaso ni World 8-Ball Championships runner-up Centeno si Maria Teresa Ropero Garcia (Spain) sa iskor na 7-2 upang makandaduhan ang kanyang puwesto sa round-of-4 at lalong mapalapit sa trono.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 28, 2025



Photo : Gilas Pilipinas vs Macau Bears - Samahang Basketbol ng Pilipinas - SBP


Nagising ang Gilas Pilipinas sa tamang panahon upang talunin ang bisitang Macau Black Bears, 103-98, sa kanilang exhibition game noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.


Nagsilbing nararapat na despedida ang tagumpay bago sumabak ang pambansang koponan sa 2025 FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.


Bumira ng sunod-sunod na tres sa huling quarter si Justin Brownlee simula sa unang nagpatikim ng lamang sa mga Pinoy, 84-83. Tumira pa siya ng apat pang three-points at isang three-point play para lumayo ang Gilas, 101-94, at 1:41 ang nalalabi.


Lamang ang Black Bears sa halftime, 63-46, subalit inilatag ng kombinasyon nina Dwight Ramos, Cjay Perez at AJ Edu ang pundasyon ng paghabol ng mga Pinoy.


Tinuldukan ng three-points ni Scottie Thompson ang pangatlong quarter pero lamang para maging dalawa na lang ang lamang ng Macau, 81-79. Ayon kay Coach Tim Cone, napakahalaga na makapaglaro sila sa harap ng mga kababayan dahil mas madalas silang nasa ibayong-dagat.


Inimbitahan niya ang mga Filipino sa Saudi Arabia na panoorin ang kanilang mga laro. Nagtapos si Brownlee na may 32 puntos buhat sa limang tres at humakot ng 15 rebound sa 35 minuto.


Sumunod si Ramos na may 19 at anim na assist at Edu na may 15. Nanguna sa Macau sina Will Douglas na may 23 at Amorie Archibald na may 22 bilang reserba. Nag-ambag ng 17 si Jenning Leung. Maglalaro ng isa pang exhibition ang Gilas kontra Jordan pagdating nila sa Saudi. Ang FIBA Asia Cup ay tatakbo mula Agosto 5 hanggang 17.

 
 

ng BRT @Sports News | July 20, 2025



Mark Magsayo at Eumir Marcial - PBC

Photo: Mark Magsayo at Eumir Marcial - PBC


Hindi nagpatalo ang dalawa pang Pilipinong boksingero na sina Mark Magsayo at Eumir Marcial sa undercard ng laban nina Manny Pacquiao at Mario Barrios ngayong Linggo, Hulyo 20 (Manila time).


Nagwagi si Marcial kontra American boxer na si Bernard Joseph sa third round ng middleweight division habang pinatumba naman ni Magsayo si Jorge Mata Cuellar sa unanimous decision matapos ang 10-round super featherweight bout.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page