ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 26, 2021
Ang daming pasabog kahapon ni Claudine Barretto sa ipinatawag na presscon ng kanyang lawyer-friend na si Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng upcoming produced movie nitong Mamasapano na pagbibidahan ni Edu Manzano kasama sina JC de Vera, Aljur Abrenica at Gerald Santos.
Actually, cameo role lang si Claudine sa Mamasapano movie pero isinabay na rin sa presscon kahapon ang contract signing niya sa bago niyang endorsement, ang Cathy Valencia skin clinic, kaya present din sa presscon ang owner na si Ms. Cathy Valencia at ang manager ni Claudine na si Arnold Vegafria.
'Kaaliw ang unang rebelasyon ni Claudine na kahit daw nu'ng na kay Dra. Vicki Belo pa siya ay pumupunta na rin siya kay Cathy Valencia.
Nu'ng nagkatawanan sa kataklesahan ni Claudine, paliwanag niya ay nagpapaalam naman siya kay Dra. Belo at alam daw 'yun ng doktora.
Eh, di…. okay! Hehe!
Natanong naman ng writer-radio host na si Gorgy Rula si Claudine kung totoo bang tumawag sa kanya si Jodi Santamaria para magpasintabi sa pagkakaroon nito ng relasyon sa estranged husband niyang si Raymart Santiago.
Diretsong sabi ni Claudine, "Hindi, hindi totoong tinawagan niya ako."
Pag-amin pa niya, "I was very close kay Jodi (nu'ng nasa Star Magic pa siya sa ABS-CBN) kaya I felt bad."
At dahil ni hindi nga raw nagpasintabi o bumusina man lang sa kanya si Jodi, kinuha na niya ang number ng aktres kay Raymart at siya na raw ang tumawag dito para magkausap sila.
Obyus ang konting sama ng loob ni Claudine nang sabihin niyang "Hindi niya naibigay 'yung respeto na 'yun sa akin," na patungkol sa hindi nga agad pagsasabi ni Jodi tungkol sa namamagitan ngayon sa kanila ni Raymart.
Hindi na idinetalye ni Claudine kung paano niya napapayag si Raymart na ibigay sa kanya ang number ni Jodi at kung ano ang pinag-usapan nila ng bagong karelasyon ng kanyang nakahiwalay na mister. Basta ang nilinaw niya, okay na sila ngayon ni Jodi.
"Happiness" din daw ang wish niya para sa dalawa at wala namang problema sa kanya ang relasyon ng mga ito as long as nagagawa raw ni Raymart ang obligasyon sa anak at nakakapagbigay ng sustento.
Ang problema lang, ayon kay Claudine ay ayaw akuin ni Raymart ang pagbibigay ng sustento at tumatanggi raw ito sa kanyang mga demands kaya mukhang malabo na raw na magkaayos pa sila at bahala na lang ang korte na mag-decide para sa isinampa niyang kaso laban sa mister.
Samantala, balik-showbiz na nga ngayon si Claudine at excited nang simulan ang locked-in shooting niya para sa pagbibidahang movie under the production company ni Atty. Ferdie Topacio kung saan gaganap silang magkapatid ng baguhang talent na si Kara Madrid.
Sabi ni Claudine sa presscon, baka ngayong balik-shooting na siya ay ipapahiram ng kanyang Ate Gretchen Barretto ang bus nito na ginagamit sa shooting.
"Or baka dahil ayaw na niyang mag-showbiz, ibigay na lang niya sa akin ang bus," sabi pa ni Claudine.
Sobrang busy at ine-enjoy daw kasi ngayon ni Gretchen ang kanyang pagiging businesswoman kung saan pumapasok daw ito sa opisina mula 1 PM to 8 PM.
"Busy siya sa mga negosyo niya, bukod du'n sa Okada, may online gambling din siya at marami pang iba," walang malisyang sabi ni Claudine, pero nagkatawanan kaming ilang press people dahil sa dinami-dami nga naman ng negosyo ni Greta, ang 'online gambling' pa ang nabanggit niya. Nyahahaha!
But in fairness to Claudine, parang wala lang sa kanya 'yung mga sinasabi niya at basta sagot lang siya nang sagot sa lahat ng tanong.
Baka ganu'n lang talaga siya ka-honest at prangka like her Ate Gretchen, 'di ba?