top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 26, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakagagaan sa loob isipin na sa kabila ng mga unos na dumarating sa ating bansa, may ahensyang handang tumindig para sa ikabubuti ng edukasyon. Sa bawat kalamidad na ating kinakaharap taun-taon, kailangan na ring mag-adapt tayo sa pagbabago ng klima at panahon. 


Kaya naman sa tulong ng Department of Education (DepEd) ang paglaan ng P1.35 bilyong pondo upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral kahit may bagyo, baha, o lindol ay isang magandang hakbangin. Ito ay pumapailalim din sa direktiba ng Pangulo na unahin ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral habang pinananatili ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa. 


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang pondong ito ay gagamitin para sa pag-imprenta, pamamahagi, at pagsasanay ng mga guro kaugnay sa Learning Packets at Dynamic Learning Program (DLP) materials. Mula sa kabuuang alokasyon, P950 milyon ang ilalaan para sa Learning Packets na ipapamahagi sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12, habang P399 milyon naman ang inilaan sa DLP materials para sa Junior High School learners. 


Ang Learning Packets ay naglalaman ng 25 hanggang 50 self-paced activities na nakatuon sa literacy, numeracy, at problem-solving skills, kasama pa ang mga aralin para sa advanced learning at life skills. Ang DLP naman ay isang structured, activity-based learning approach na nagbibigay-daan sa mga estudyanteng makapag-aral kahit walang kuryente, gadget, o internet — gamit lamang ang papel at notebook. Hindi lamang materyales ang binibigyang-diin ng DepEd, kundi pati ang disaster preparedness ng mga paaralan. 


Ipinag-utos na ni Angara sa mga regional director na tutukan ang produksyon at distribusyon ng mga naturang materials at magsumite ng buwanang ulat ng progreso. Sa tulong ng Bureau of Learning Resources (BLR), Bureau of Learning Delivery (BLD), at National Educators Academy of the Philippines (NEAP), bibigyan din ng technical assistance at training ang mga guro upang maging handa sa anumang sitwasyon. 


Sa panahon ng sakuna o kalamidad, madaling tumigil ang ating mundo, pero ayon kay Angara, ang edukasyon ay dapat ang huling huminto at ang unang makabangon. Isang paniniwalang nagpapaigting ng pag-asa sa gitna ng bawat unos. 


Sa tulong din at pakikipag-ugnayan sa mga LGU, sinisiguro ng DepEd na may alternative learning modes para sa mga lugar na madalas makaranas ng class suspension. 

Hindi maitatangging malaki ang epekto ng kalamidad sa ating edukasyon, subalit mas malaki ang naidudulot na kabutihan ng paghahanda, malasakit at suporta na makarekober mula rito. 


Sa panahong pabago-bago ang klima at panahon, kailangang sabayan ng gobyerno ng aksyon sa pamamagitan ng makabagong solusyon at matatag na sistema. 


Ang inisyatibong ito ay hindi lamang tungkol sa modules at learning materials, ito ay tungkol sa pagbibigay ng pag-asa at direksyon sa mga mag-aaral. Sa bawat batang patuloy na nag-aaral sa kabila ng limitadong kuryente, sa gurong nagtuturo kahit baha, at sa bawat lider na kumikilos para sa kinabukasan, doon nabubuo ang tunay na katatagan ng edukasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 25, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May ginawang special power of attorney (SPA) ang kapatid ko para ibenta ang kanyang lupa sa aming probinsya. Sa hindi inaasahang pangyayari, namatay ang kapatid ko. Maaari pa bang maituloy ang pagbebenta ayon sa SPA ng kapatid ko? -- Eunika



Dear Eunika,


Sa pamamagitan ng kontrata ng ahensya o contract of agency, maaaring katawanin ang isang tao (principal) ng ibang tao (agent) na awtorisadong magbigkis at gumawa ng mga legal na aksyon, tulad ng pagbebenta ng lupa, para at sa ngalan ng nauna. Nakapaloob ang ganitong kasunduan sa isang dokumento na karaniwang tinutukoy nating special power of attorney o SPA. Sa partikular, nakasaad sa ating New Civil Code of the Philippines na:


Article 1868. By the contract of agency a person binds himself to render some service or to do something in representation or on behalf of another, with the consent or authority of the latter. 

x x x


Article 1878. Special powers of attorney are necessary in the following cases: x x x 


(5) To enter into any contract by which the ownership of an immovable is transmitted or acquired either gratuitously or for a valuable consideration; x x x        


Article 1930. The agency shall remain in full force and effect even after the death of the principal, if it has been constituted in the common interest of the latter and of the agent, or in the interest of a third person who has accepted the stipulation in his favor.


Article 1931. Anything done by the agent, without knowledge of the death of the principal or of any other cause which extinguishes the agency, is valid and shall be fully effective with respect to third persons who may have contracted with him in good faith.”


Kaugnay nito, sa kamakailang kaso ng San Miguel Foods, Inc. vs. Felicidad D. Alova and Decelyn Alova Pution, G.R. No. 260071, 07 Mayo 2025, tinalakay ng ating Korte Suprema, sa pamamagitan ni Hon. Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, na nagmumula ang awtoridad ng agent sa mga kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng principal; kung kaya, ang aksyon ng agent ay maituturing lamang na gawa ng principal kung ginawa ito sa loob ng saklaw ng kanyang awtoridad:


Agency is basically personal, representative, and derivative in nature. The authority of the agent to act emanates from the powers granted to him by his or her principal. The agent’s act is the act of the principal if done within the scope of the authority.


Owing to its nature, agency is extinguished by the death of either the principal or the agent. Thus, any act by the agent subsequent to the principal’s death is void ab initio, unless the act fell under the exceptions established under Articles 1930 and 1931 of the Civil Code.


Samakatuwid, nawawala ang bisa ng agency sa pagkamatay ng alinman sa principal o agent. Kaya, walang bisa ang anumang kilos ng agent kasunod ng pagkamatay ng principal, maliban (1) kung ang agency ay para sa karaniwang interes ng mga partido, o (2) kapag ang agent, na walang kaalaman sa pagkamatay ng principal o pagtatapos ng agency, ay nakipagkontrata nang may mabuting-loob.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


‘DI LANG PALA SALN NG GOV’T. OFFICIALS PINAKATAGO-TAGO NI EX-OMBUDSMAN MARTIRES, PATAGO RIN SIYANG NAG-AABSUWELTO SA KASO NG AKUSADO -- Hihilingin na sana ni Ombudsman Boying Remulla kay Senate President Tito Sotto na ipatupad na ang desisyon noong November 2016 ni dating Ombudsman Conchita Castro-Morales na nagtatanggal kay Sen. Joel Villanueva bilang senador ng bansa dahil sa pagkakasangkot nito sa pork barrel scam ni Janet Napoles, pero na-shock siya (Ombudsman Remulla) nang i-post ni Sen. Villanueva sa social media kamakalawa na hindi na siya puwedeng tanggalin sa pagka-senador dahil noong Sept. 2019 pa ay inabsuwelto na siya ng noo’y Ombudsman Samuel Martires.


Ang ikina-shock ni Ombudsman Remulla, ng mga mamamahayag at maging ng taumbayan ay inabsuwelto ni Martires si Sen. Villanueva nang hindi man lang ito isinapubliko, na dapat daw ay inanunsyo ito ng dating Ombudsman para kung mayroong tututol dito ay makapagsampa ng petisyon sa Supreme Court (SC).

Hay naku, hindi lang pala mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga public officials ang pinakatago-tago noon ni Martires sa Ombudsman, kundi patago o sikreto rin pala siyang nag-aabsuwelto sa kaso ng akusado na tulad ng ginawa niyang pag-acquit kay Sen. Villanueva, pwe!


XXX


KUNG BABAGAL-BAGAL ANG AKSYON NG ICI LABAN KAY ZALDO CO, IISIPIN NG PUBLIKO NA PINUPROTEKSYUNAN NG MARCOS ADMIN ANG ‘SCAMMER’ NA DATING KONGRESISTA -- Dapat bilisan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para makapaglabas na agad ng warrant of arrest at hulihin ito ng Interpol kung saang bansa man siya nagtatago upang maibalik sa Pilipinas at maikulong sa Quezon City jail.


Kapag nagpatuloy ang babagal-bagal na aksyon ng ICI laban kay Zaldy Co ay iisipin talaga ng publiko na pinuproteksyunan ng Marcos administration ang scammer na kongresistang ito, boom!


XXX


KUNG LAGING WALANG HEARING ANG ICI DAHIL MAY ABSENT NA COMMISSIONER, ASAHAN NANG AABUTIN NG SIYAM-SIYAM BAGO MAPANAGOT ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sabi ni ICI spokesman Brian Hosaka na wala raw hearing ang ICI next week dahil isang linggong absent daw si ICI Commissioner Rogelio Singson.


Ang panawagan ng publiko ay bilisan ng ICI ang imbestigasyon para agad-agad mapanagot na ang lahat ng mga sangkot sa flood control projects scam, pero kung ganyan ang sistema ng ICI na kapag may isang komisyoner na a-absent ay wala munang hearing, asahan nang aabutin ng siyam-siyam bago maparusahan o mapanagot ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, buset!


XXX


NAKIKINI-KINITA NA NG PUBLIKO NA MALAPIT NANG MAKALAYA ANG PORK BARREL QUEEN -- Inabsuwelto ng Sandiganbayan sa 15-counts ng kasong graft na may kaugnayan sa P172 million pork barrel scam sina Presidential Legal Counsel, former Sen. Juan Ponce Enrile, Gigi Reyes na dating chief of staff ni Enrile, pork barrel queen Janet Napoles at dalawang anak niyang sina Jo at James Napoles.


Sa pamamagitan ng piyansa ay matagal nang nasa laya sina Enrile, Reyes at dalawang anak ni Janet Napoles, at tanging siya (Janet Napoles) na lang ang nakakulong, at dahil sa desisyon na iyan ng Sandiganbayan na pumabor sa kanila ay nakikini-kinita na ng publiko na malapit nang makalaya ang tinaguriang pork barrel queen, pwe!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page