top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 3, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa tuwing dumarating ang ganitong mga panahon, karamihan sa atin ay naging abala sa paghahanda — mga kandila, bulaklak, at dasal para sa mga yumaong mahal sa buhay. Pero sa gitna ng tradisyon, madalas nakakaligtaan ang pinakamahalagang aral ng paggunita at pagdiriwang, ang panawagan sa kabanalan. Ito mismo ang mensaheng binigyang-diin ni Rev. Fr. Jackson Doung Thuen Chi sa misa nitong nakaraan sa Baclaran Church para sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal.  


Sa kanyang sermon, ipinaalala ni Fr. Thuen Chi na ang Araw ng mga Santo ay hindi lamang para sa mga opisyal na kinikilalang santo ng Simbahan. Bagkus, ito rin ay pagkilala sa mga ordinaryong tao — mga magulang, guro, manggagawa, o kahit sinong simpleng nilalang na nagpakita ng hindi matitinag na pananampalataya sa Diyos sa gitna ng mga hamon ng buhay. 


Ayon sa paring Franciscano, ang kabanalan ay hindi pribilehiyo ng iilan kundi biyayang abot-kamay ng lahat. Hindi kailangang may korona o rebulto bago ituring na banal; sapat na ang pusong marunong magmahal, magpatawad, at handang lumaban sa mga masasamang gawain. 


Ang mga santo, aniya, ay hindi ipinanganak na perpekto, kundi mga taong tapat ang pananampalataya, piniling tumindig para sa tama kahit mahirap. Inilarawan din ni Fr. Jackson ang mga katangiang dapat tularan mula sa mga santo — ang tapang na manindigan laban sa karahasan, ang pagmamalasakit sa mahihirap at mahihina, ang pagsasabuhay ng kabutihan kahit walang nakakakita.   


Paliwanag pa niya, ang kabanalan ay maaaring makamtan ng sinuman, basta’t isinasabuhay ang mga aral ng Diyos.


Sa panahong laganap ang kasinungalingan at kasakiman, kailangan nating tandaan na ang tunay na kabanalan ay makikita sa mga gawaing may puso, hindi sa mga salitang magaganda lamang pakinggan. 


Kung tutuusin, araw-araw tayong binibigyan ng pagkakataong maging santo sa ating sariling paraan, sa pagtulong sa kapwa, sa pag-unawa sa mga nagkakamali, at sa pagsasabuhay ng kabutihan para sa iba kahit walang kapalit. 


Gayundin, ang ganitong araw ay paalala na hindi kailangang mamatay bago maging inspirasyon. Sa bawat mabubuting gawa, may pag-asang nabubuhay, sa bawat pag-ibig na ibinabahagi, may kabanalang naipapasa. 


Kaya habang patuloy tayong nag-aalay ng mga dasal para sa mga santo at sa yumao nating mga mahal sa buhay, sana’y isama rin natin sa ating panalangin na tayo mismo’y maging buhay na patotoo ng kabanalan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 2, 2025



Fr. Robert Reyes


Nag-aral sa Manuel L. Quezon University o MLQU ang aking nanay na si Naty Reyes. Master’s in Education ang kanyang kinuhang kurso noong dekada 60. 


Maliliit pa kami noon, naaalala namin ang mga umagang inihahanda kaming magkakapatid ng aming ina sa pagpasok sa paaralan habang siya rin ay naghahandang pumasok bilang guro. Tuwing Sabado, siya naman ang nag-aaral sa MLQU para sa kanyang Master’s in Education. Nagkataon ding merong kalye ML Quezon sa baryong tinitirhan namin. Dahil dito, naging bahagi ng paglaki namin ang pangalang Manuel L. Quezon na alam naming pangalan ng presidente noong panahon ng Commonwealth mula 1935 hanggang 1946. 


Hindi natapos ni Quezon ang kanyang termino dahil namatay ito kaya ipinagpatuloy ni Sergio Osmeña ang pamumuno mula 1944 hanggang 1946. Nasa ilalim tayo noon ng Estados Unidos bilang “unincorporated territory” habang naghahanda tayong maging lubos na independiente (sa Estados Unidos).


Noong nakaraang Huwebes, nagkaroon tayo ng pagkakataong panoorin ang pelikulang “Quezon” kasama ang staff ng parokya. Ilang kaibigan na ang nagbalita sa atin na napanood na nila ang pelikula. Kuwento nila, “Maganda at makapangyarihan ang pelikula.” Nang pinanood namin ang pelikula bumulagta sa amin ang ilang mahahalaga bagkus kontrobersyal na pangyayari sa kapanahunan ni Pangulong Quezon, presidente ng Komonwelt ng Pilipinas (1935-1944).


Lumabas ang ilang mahahalagang personalidad sa buhay ni Pres. Quezon tulad nina Joven Hernando, Pedro Janolino, Ana Ricardo, Aurora Aragon, Leonard Wood, Emilio Aguinaldo at Sergio Osmeña. 


Isang manunulat si Joven Hernando na sinundan ang buong panahon ni Quezon bilang presidente. May mga pagkakataong hindi nagugustuhan ni Quezon ang isinusulat ni Hernando. Sa galit ni Quezon ipinasara nito ang Alerta, ang pahayagang pinatatakbo ni Hernando. 


Ngunit, walang Alerta sa kasaysayan, bahagi lang ito ng pelikula. Sa movie, pinalabas na nagkuwento si Pedro Janolino kay Hernando na inutusan siya ni Emilio Aguinaldo na patayin si Heneral Antonio Luna. Hindi ganito ang pangyayari. Totoong si Janolino ang pumatay kay Heneral Luna ngunit iba ang nagsabi kay Quezon na pinapatay ni Aguinaldo si Luna. Si Pantaleon Garcia, isang heneral ng rebolusyon ang nagsabi kay Quezon nito. Hindi maaaring si Janolino ang nagsabi kay Quezon dahil dalawang taon nang patay ito bago pa naging presidente si Quezon noong 1935.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11058 na may pamagat na “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof,” pinagtitibay ng Estado ang paggawa bilang pangunahing puwersang panlipunan at pang-ekonomiya. Kinikilala rin nito na ang pagkakaroon ng ligtas at malusog na manggagawa ay isang mahalagang aspeto sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman dapat tiyakin ng Estado ang isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho para sa lahat ng nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ganap na proteksyon laban sa lahat ng mga panganib sa kanilang kapaligiran sa trabaho. 


Ang probisyon ng batas na nabanggit ay nailalapat sa lahat ng establisimyento, proyekto, lugar, kabilang ang mga nasa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at lahat ng iba pang lugar kung saan ginagawa ang trabaho sa lahat ng sangay ng aktibidad sa ekonomiya, maliban sa pampublikong sektor.


May karapatan ang isang empleyado na mabigyan ng proteksyon laban sa pinsala, pagkakasakit o kamatayan sa pamamagitan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kondisyon sa pagtatrabaho sa gayo’y tinitiyak ang konserbasyon ng mahahalagang mapagkukunan ng lakas-tao at pag-iwas sa pagkawala o pinsala sa mga buhay at ari-arian na naaayon sa mga layunin ng pambansang pag-unlad, at sa pangako ng Estado sa kabuuang pag-unlad ng bawat manggagawa bilang isang kumpletong tao. 


Kaakibat sa polisiya ng Estado na mabigyan ng proteksyon ang bawat manggagawa ay ang tungkulin ng Estado na magsulong ng mahigpit ngunit malawak, inklusibo, at sensitibo sa kasarian na mga hakbang sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran at programa na may kaugnayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.


Ang karapatan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho ay ginagarantiyahan ng batas. Ang employer o amo ay may obligasyong ipaalam sa manggagawa ang tungkol sa lahat ng uri ng mga panganib sa lugar ng trabaho. Kasama rito ang magbigay ng pagsasanay at edukasyon sa kaligtasan ng kemikal, kaligtasan sa elektrikal, maging sa mekanikal na kaligtasan, at kaligtasang ergomiya. Ang ergomiya ay tumutukoy sa agham ng pagdidisenyo ng kapaligiran ng pook na panghanapbuhay upang maging akma sa gagamit nito. Kailangan ang angkop na disenyong ergonomiko upang maiwasan ang paulit-ulit na mga pinsala dahil sa pagkabinat ng katawan o pananakit ng kalamnan, na maaaring umiiral sa loob ng matagal na panahon at maaaring humantong sa kapansanang pangmatagalan. Marapat na ang mga disenyo ng kasangkapan na ginagamit sa pagtatrabaho ay angkop sa mga manggagawang gumagamit nito.


Ang manggagawa ay may karapatang tumanggi na magtrabaho nang walang pagbabanta o paghihiganti mula sa employer kung, ayon sa itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang napipintong sitwasyon ng panganib ay umiiral sa lugar ng trabaho na maaaring magresulta sa pagkakasakit, pinsala o kamatayan, at mga aksyong pagwawasto upang maalis ang panganib ay hindi pa naisasagawa ng employer.


Ang mga manggagawa at kanilang mga kinatawan ay may karapatan na mag-ulat ng mga aksidente, mapanganib na pangyayari, at mga panganib sa employer, sa DOLE at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno na nagsasagawa ng hurisdiksyon bilang karampatang awtoridad sa partikular na industriya o aktibidad sa ekonomiya.


May karapatan din ang mga manggagawa na mabigyan ng personal protective equipment (PPE) kung kinakailangan. Kaya naman ang batas ay inoobliga ang bawat employer, kontratista o subcontractor, kung mayroon man, na magbigay sa kanyang mga manggagawa, nang walang bayad, ng mga kagamitang pangproteksyon para sa kanilang mga mata, mukha, kamay at paa, safety belt o harness, gas o dust respirator o mask, mga proteksyon na kalasag kung kinakailangan, dahil sa mapanganib na proseso ng trabaho o kapaligiran, sa pamamagitan ng pisikal na kontak o paglanghap sa kemikal, radiological, mekanikal at iba pang mga nakakairita o nagdudulot ng pinsala sa paggana ng katawan.


Ang tagapag-empleyo, may-ari ng proyekto, pangkalahatang kontratista, kontratista o subkontraktor, kung mayroon man, at sinumang tao na namamahala, kumokontrol o nangangasiwa sa gawaing isinasagawa ay magkakasamang mananagot para sa pagsunod sa batas na ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page