top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 26, 2025



Fr. Robert Reyes


NITONG nakaraang Linggo, Nobyembre 23, 2025 ang ika-100 taong anibersaryo ng Pista ng Kristong Hari. 


Itinalaga ang Pista ng Kristong Hari noong 1925 ni Papa Pio XI. 

Katatapos lang noon ng Unang Pandaigdigang Digmaan (First World War). Natapos din ang apat na pangunahing monarkiya (hari at reyna atbp galing sa isang pamilya) at nag-umpisa nang lumaganap ang ateyismo at sekularismo sa Europa. 


Wala pang 20 taon, nagsimula na naman ang Pangalawang Pandaigdigang Digmaan (World War II) sa taong 1943. Nangyari ang madugo at malagim na trahedya sa loob ng tatlong taon. Kasama na rito ang Holocaust ni Adolph Hitler at ang kamatayan ng mahigit na anim na milyong Hudyo sa iba’t ibang Concentration Camp sa Europa.


Sa sumunod pang 20 taon naganap naman ang giyera sa Vietnam noong dekada 60. Sa dekada 70, nagsimula ang ating kalbaryo sa mahabang panahon ng Batas Militar sa ilalim ng diktador. Tumagal ng 21 taon ang pamumuno ng diktador hanggang nawakasan ito sa pamamagitan ng People Power Revolution noong Pebrero 1986.

Pebrero 1986 ang simula ng panahon ng bagong pag-asa.


Marami ang nagalak, maalab ang pag-asa, masigla at malawak ang pagdiriwang ng katapusan ng madilim na panahon ng pagsupil sa kalayaan, pilit na pananahimik sa mga mamamahayag at sa mga mulat na mamamayan. 


Dumaan ang halos apat na dekada at unti-unting nanlamig na naman ang kapaligiran at dumilim ang himpapawid. Nagsibalikan ang mga lumikas noong mapayapang rebolusyon ng 1986. 


Sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Fidel Valdez Ramos, unti-unting bumalik ang Pamilya Marcos. Hindi nagtagal nakabalik na silang lahat sa pulitika mula lokal hanggang nasyonal. Matagal na naging gobernador ang magkapatid na Imee Marcos at Bongbong Marcos hanggang sa naging mga senador ang dalawa. 


Noong halalan ng 2022, nangyari ang kagulat-gulat na pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang. 


Sa nakaraang siyam na taon mula 2016 hanggang ngayon, mabilis na nagsalitan ang liwanag at dilim, nagkaroon ng karahasan sa nagdaang administrasyon, at sa kasalukuyan ay bangayan ng dating magkakampi, ang UniTeam, na tila sumisira at

humahati sa buong bansa.


Anong nangyari? Tanong pa ng marami: “Paano matatapos, malulutas ang ating mga problema.” 


Panalangin, ang payo natin sa lahat. Gawin natin ang dapat nating gawin. Mag-aaral, magsusuri, magsasaliksik, mag-uusap, mag-oorganisa, kikilos, magcha-chant ng “Ikulong na ‘yan mga kurakot,” magpapa-presscon, magra-rally at titigil. Sa pagtigil, mananalangin upang muling makinig sa Diyos at tumanggap ng kanyang pagpapalang lakas at liwanag. 


Ito ang kahalagahan na magtipun-tipon sa Pista ng Kristong Haring Lingkod, isang linggo bago maganap ang higit pang malaking pagtitipon ng mga galit ngunit mahinahon, pagod ngunit puno ng pag-asa, iba-iba ang pananaw ngunit nagkakaisa sa damdamin at pangarap, tumatanda ngunit pawang mga musmos at batang puno ng galak at tigib ng samo’t saring pangarap para sa kinabukasan. 


Biyaya ang buhay at biyaya rin ang pag-asang nagpapainit at nag-uudyok na kumilos at lumikha para sa kabutihan at kapakanan ng lahat.


Ngunit hindi Siya Hari lamang kundi Haring Lingkod. Hindi Siya dumating sa mundo upang paglingkuran kundi para maglingkod. Hindi siya naghangad maging makapangyarihan at magkaroon ng kayamanan at ari-arian. 


Pinili niyang maging dukha at ipinanganak sa mga magulang na payak, ang ina Niya’y isang karaniwang babaeng Hudyo at ang kanyang ama ay isang karaniwang karpintero. 

Tapat siya sa kanyang Ama na inutusan Siyang mangaral tungkol sa kakaibang kaharian. Kaharian ng mga aba, ng mga naghihirap at pinahihirapan dahil sa kanilang pamamahayag sa kakaibang kaharian.


Ano ang kahariang ito, ang Kaharian ng Haring Lingkod? Kabaliktaran ng kaharian ng tao ang Kanyang kaharian. Wala siyang palasyo, walang magarang damit at gintong trono. Walang salaping pilak o ginto. Walang hukbong sandatahan. Walang hukbong pandagat o panghimpapawid. Walang “pork barrel” o “especial insertions,” walang partido, walang mga kaalyado at mga die hard supporter, walang mga trolls at Troll Farms. 


Siya’y nasa itaas na ngunit bumaba, kaisa ng mga pulubi’t dukha, ng mga nasa gilid ng mga kalye, sa ibabaw ng estero o ilalim ng tulay. 


May-ari ng lahat ngunit naging walang-wala. Bihira siyang magsalita kundi sa pangangaral, pagpapalayas ng masasamang espiritu at sa pamamahayag ng paghahari ng Diyos. Tinig Niya’y nasa hangin, sa bundok, sa puno’t mga ibon, sa kaparangan at kagubatan, sa mababangis at maamong hayop, sa tubig, sa maliit at dambuhalang lumalangoy na hayop at isda, sa hangin, laruan ng lahat ng lumilipad. 


Araw-araw, sa pagsapit ng dilim, lalayo sa tahimik na lugar upang ang Ama’y makapiling. Itataas ang kasalanan at kahinaan ng lahat. Hihilingin ang liwanag at lakas upang lumaya sa kabulagan at kasakiman ang lahat. Handog Niya’y kalayaan, bagong buhay, buhay na ligtas. Sa simula’t hulihan sa Kanya ang yaman at lakas, katotohanan at kaligtasan.


Siya’y kakaibang hari. Nais Niyang tayo’y magising, at totoong unti-unti na ngang gumigising, nagagalit, nagtatanong, naghahanap ng sagot. Nayayamot sa mga taong ganid, mga pamilyang masisiba, sa mga pinunong kurakot at lustay. 

Panahon nang magbago, bumalik sa Kanya at sa Kanyang kaharian, kay Kristo, Haring Lingkod!

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 26, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Palagi akong may nakikitang nagsusunog ng basura sa sariling lote, at nais ko sanang maliwanagan kung labag pa rin ba ito sa batas. Maraming salamat. -- Lowell



Dear Lowell,


Noong taong 2000 ay bumuo ang ating pamahalaan ng mga patakaran sa wastong pagtrato at pagtatapon ng ating basura. Layunin nito na matiyak na ang mga Pilipino ay magkakaroon ng kapaligirang ligtas at walang banta sa kalusugan. 


Ang Republic Act No. 9003 (R.A. No. 9003), o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act, ay nagtatakda ng mga pamamaraan sa pagreresiklo ng mga gamit upang mabawasan ang ating mga basura, pati na rin sa mga angkop na paraan ng pagtatapon nito. Kabilang din dito ang pagbabawal sa ilang gawain para sa kalusugan ng mga mamamayang Pilipino. Batay sa Talata 3, Seksyon 48 ng nasabing batas:


SECTION 48. Prohibited Acts. — The following acts are prohibited:

(1)  Littering, throwing, dumping of waste matters in public places, such as roads, sidewalks, canals, esteros or parks, and establishment, or causing or permitting the same;

(2)  Undertaking activities or operating, collecting or transporting equipment in violation of sanitation operation and other requirements or permits set forth in or established pursuant to this Act;

(3)   The open burning of solid waste;

(4)  Causing or permitting the collection of non-segregated or unsorted waste;

(5)   Squatting in open dumps and landfills;

(6)  Open dumping, burying of biodegradable or non-biodegradable materials in flood-prone areas;

(7) Unauthorized removal of recyclable material intended for collection by authorized persons;

(8)  The mixing of source-separated recyclable material with other solid waste in any vehicle, box, container or receptacle used in solid waste collection or disposal;

(9) Establishment or operation of open dumps as enjoined in this Act, or closure of said dumps in violation of Sec. 37;

(10)  The manufacture, distribution or use of non-environmentally acceptable packaging materials;

(11)  Importation of consumer products packaged in non-environmentally acceptable materials;

(12) Importation of toxic wastes misrepresented as “recyclable” or “with recyclable content”;

(13) Transport and dumping in bulk of collected domestic, industrial, commercial and institutional wastes in areas other than centers or facilities prescribed under this Act;

(14) Site preparation, construction, expansion or operation of waste management facilities without an Environmental Compliance Certificate required pursuant to Presidential Decree No. 1586 and this Act and not conforming with the land use plan of the LGU;

(15) The construction of any establishment within two hundred (200) meters from open dumps or controlled dumps, or sanitary landfills; and

(16) The construction or operation of landfills or any waste disposal facility on any aquifer, groundwater reservoir or watershed area and or any portions thereof.”


Upang sagutin ang iyong katanungan, maaaring mapatawan ng parusa ang sinumang mapatutunayang nagsagawa ng open burning o hayagang pagsusunog ng solid waste o basura. Hindi nagbibigay ng pagkakaiba ang batas kung ang pagsusunog ay ginawa sa loob o labas ng pag-aari ng isang tao sapagkat ang pinarurusahan ay ang gawain ng pagsusunog ng basura at walang kinalaman sa kung saan ito ginawa. 


Dagdag pa rito, ayon sa Seksyon 49(b) ng parehong batas, ang sinumang tao na hayagang nagsusunog ng basura ay maaaring patawan ng multa at/o pagkakakulong kapag napatunayang nagkasala. Ayon dito:


“SECTION 49. Fines and Penalties.


b)  Any person who violates Sec. 48, pars. (2) and (3), shall, upon conviction, be punished with a fine of not less than Three hundred pesos (P300.00) but not more than One thousand pesos (P1,000.00) or imprisonment of not less than one (1) day to not more than fifteen (15) days, or both;”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 26, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Upang matiyak na aabot sa 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ang pondong ilalaan para sa sektor ng edukasyon, titiyakin ng inyong lingkod na madagdagan ng P55 bilyon ang kasalukuyang pondo na nakalaan sa National Expenditure Program (NEP).


Kailangan nating maipaliwanag kung bakit natin isinusulong na umabot sa 4% ng GDP ang pondo para sa edukasyon. Ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa ilalim ng Education 2030 Incheon Declaration. Itinuturing itong international benchmark upang matiyak na may sapat na puhunan ang bawat bansa para sa maayos na edukasyon, lalo na’t layon ng Sustainable Development Goal 4 na magbigay ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon sa lahat.


Inanunsyo kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) na sa kauna-unahang pagkakataon, umabot sa 4% ng GDP ang pondong inilaan sa sektor ng edukasyon para sa taong 2026 o P1.224 trilyon sa ilalim ng NEP. Kasama sa halagang ito ang P46.045 bilyong kontribusyon ng mga empleyado ng sektor para sa pondo ng pensyon.


Ngunit kung pagbabatayan natin ang mga pamantayan ng UNESCO, hindi dapat itinuturing na bahagi ng pondo ng sektor ng edukasyon ang kontribusyon ng mga empleyado para sa pensyon, lalo na’t hindi naman ito maituturing na paggasta sa bahagi ng gobyerno. Tila isinama ng DBM ang kontribusyon ng mga empleyado sa pagkuwenta ng pondo kaya umabot sa 4% ng GDP ang figures na inilaan para sa edukasyon.


Sa madaling salita, lumalabas na P1.178 trilyon lamang ang pondong nakalaan sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 3.8% ng inaasahang GDP para sa 2026.

Kung ang target natin ay umabot sa 4% ng GDP o higit pa ang pondo para sa edukasyon, kinakailangan nating magdagdag ng P55 bilyon sa P1.178 trilyong inilaan ng NEP sa sektor.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, muling naninindigan ang inyong lingkod na tututukan ng 2026 national budget ang edukasyon. Ilan sa mga nais nating bigyan ng prayoridad ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act upang tiyaking magpapatuloy ang mga libreng tutorial para sa mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong.


Pagsisikapan din nating matugunan ang mga kakulangan sa classroom at madagdagan ang mga teacher aide na magiging katuwang ng ating mga guro. Mahalaga ang pagdagdag ng mga teacher aide upang matutukan ng mga guro ang aktuwal na pagtuturo.


Muli, hinihikayat ko ang ating mga kababayan na aktibong makilahok sa pagsusuri ng national budget. Sama-sama nating tiyakin na ang buwis na ating ibinabayad ay napupunta sa tama, lalo na para sa magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page