- BULGAR
- Dec 29, 2025
ni Leonida Sison @Boses | December 29, 2025

Nakakabahala ang patuloy na pag-usbong ng mga ilegal na pabrika ng paputok sa bansa, na muling nagbunga ng trahedya matapos ang pagsabog sa isang lugar na ikinasawi ng dalawang katao.
Sa halip na saya at selebrasyon, dugo at abo ang iniwan ng insidenteng ito, malinaw na paalala na ang kapabayaan at ilegal na operasyon ay may katumbas na buhay. Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang pabrika ng paputok ay walang kaukulang permit. Ibig sabihin, matagal na itong gumagana sa ilalim ng batas.
Para sa isang opisyal ng PNP, hindi na bago ang ganitong insidente. Taun-taon, may nasasaktan at namamatay dahil sa ilegal na paputok, ngunit tila paulit-ulit pa ring binabalewala ang panganib.
Kadalasan, ang mga nagtatrabaho sa ganitong pabrika ay mga kapitbahay, kamag-anak, o kakilala, mga taong napipilitang pumasok sa delikadong hanapbuhay dahil sa kakulangan ng disenteng kabuhayan. Ngunit ang kahirapan ay hindi kailanman dapat maging basehan para isugal ang buhay ng iba, lalo na ng buong komunidad.
Maganda ang naging direktiba ng PNP na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at papanagutin ang mga nasa likod ng ilegal na operasyon. Mahalaga ring paalala ang babala sa mga patuloy na gumagawa at nagbebenta ng ilegal na paputok na may kaakibat na parusa ang kanilang ginagawa.
Hindi sapat ang paalala lamang, kailangan ng tuluy-tuloy na aksyon, inspeksyon, at pagpapatupad ng batas. Gayunpaman, hindi lang ito trabaho ng pulisya. Malaki ang papel ng komunidad. Kapag may kahina-hinalang aktibidad sa paligid—amoy kemikal, kakaibang tunog, o lihim na operasyon, dapat itong iulat sa mga otoridad. Ang pananahimik ay nagiging kasabwat ng panganib.
Ang trahedyang nangyari ay hindi dapat baliwalain. Ito ay kwento ng mga pamilyang nawalan, mga kapitbahay na nalagay sa alanganin, at ng sistemang paulit-ulit na nahuhuli bago kumilos.
Kung nais nating maging ligtas ang bawat tahanan, kailangan ng matinding disiplina, malasakit, at tapang na tumindig laban sa ilegal na gawain. Ang kaligtasan ng taumbayan ay nagsisimula sa pagsunod sa batas at sa pakikialam kapag may mali ng nangyayari.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com






