top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 30, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May magkasintahang lumapit sa aming pari para magpakasal. Ikinasal sila ni Father kahit alam niyang wala silang marriage license. Maaari bang magkaroon ng pananagutan ang pari?  — Clarence



Dear Clarence,


Kinikilala ng ating Saligang Batas ang kasal bilang isang banal na institusyong panlipunan, at nakabatay ang ating family law sa patakaran na ang kasal ay hindi lamang isang kontrata, ngunit isang institusyong panlipunan na lubos na pinoprotektahan ng ating Estado. Ang ating Estado ay may pinakamahalagang interes sa pagpapatupad ng mga patakaran nito sa konstitusyon at pangangalaga sa kabanalan ng kasal. Sa pagsulong sa layuning ito, nasa loob ng kapangyarihan ng ating Estado na magpatibay ng mga batas at regulasyon, tulad ng Article 352 ng Revised Penal Code (RPC), na nagpaparusa sa mga kilos na nagreresulta sa pagkakawatak-watak at panunuya ng kasal.


Kung kaya, sa kasong Rene Ronulo vs. People of the Philippines, G.R. No. 182438, 02 Hulyo 2014, sa panulat ni Associate Justice Arturo D. Brion, tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema ang mga elemento ng isang iligal na seremonya ng kasal na may parusa sa ilalim ng Article 352 ng RPC:


“Article 352 of the RPC, as amended, penalizes an authorized solemnizing officer who shall perform or authorize any illegal marriage ceremony. The elements of this crime are as follows:

(1) authority of the solemnizing officer; and 

(2) his performance of an illegal marriage ceremony. 

We come now to the issue of whether the solemnization by the petitioner of this marriage ceremony was illegal.

Under Article 3

(3) of the Family Code, one of the essential requisites of marriage is the presence of a valid marriage certificate. In the present case, the petitioner admitted that he knew that the couple had no marriage license, yet he conducted the “blessing” of their relationship.

Undoubtedly, the petitioner conducted the marriage ceremony despite knowledge that the essential and formal requirements of marriage set by law were lacking. The marriage ceremony, therefore, was illegal. The petitioner’s knowledge of the absence of these requirements negates his defense of good faith.”


Alinsunod sa nabanggit na kaso, kung mapatutunayan na ang pari na iyong tinutukoy ay awtorisadong opisyal na magkasal at magsagawa ng seremonya ng kasal sa kabila ng kaalaman na ang magkasintahan ay walang marriage license, ang nasabing pari ay maaaring mapanagot sa ilalim ng Article 352 ng RPC.


Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 30, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ratipikado na ng parehong Senado at Kamara ang bicameral conference committee report sa panukalang 2026 national budget. Matapos magpulong ng mga kinatawan ng parehong Senado at Kamara pare iresolba ang magkaibang bersyon nila ng national budget, ngayon ay malapit na itong maging batas. 


Ang 2026 budget ay produkto ng isang reporma, kung saan naging mas transparent ang pagtalakay natin sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang programa at ahensya ng ating pamahalaan. 


Sa kauna-unahang pagkakataon, lahat ng mga dokumento sa iba’t ibang yugto sa paglikha ng national budget ay makikita na sa isang website, ang Senate Budget Transparency Portal. Sa website na ito matatagpuan ang National Expenditure Program, ang General Appropriations Bill na inaprubahan ng Kamara, ang bersyon ng Senado ng national budget, at ang bicameral conference committee report. Makikita rin dito ang General Appropriations Act oras na nilagdaan na ng Pangulo, pati na rin ang mga detalye ng mga proyekto sa imprastraktura, at iba pa. 


Unang beses din nating isinapubliko ang bicameral conference, isang mahalagang hakbang upang gawing mas transparent ang pagtalakay sa national budget. Sa ganitong paraan, nasubaybayan natin ang mga talakayan kung bakit kailangan nating magdagdag o magbawas ng pondo sa iba’t ibang mga programa at ahensya ng pamahalaan. 


Kaunlarang pantao ang tinutukan natin sa 2026 budget. Isang karangalan para sa akin na iulat na natupad natin ang pangako nating bibigyan ng malaking prayoridad ang edukasyon sa 2026 national budget. Sa kauna-unahang pagkakataon, masusunod natin ang rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng 4 hanggang 6% ng Gross Domestic Product  (GDP) sa edukasyon. Makasaysayan ito para sa ating bansa dahil ang P1.35 trilyong ilalaan natin sa edukasyon ay katumbas ng 4.4% ng GDP.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Pinag-iispan ngayon ng maraming Pinoy ang bawat galaw nila online, lalo na tuwing sasapit ang holiday season. 


Dahil ngayong uso na ang pagpo-post ng travel photos at countdown sa bakasyon, nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) na ang simpleng paglalagay ng plano sa social media ay maaaring maging bukas na imbitasyon sa mga kriminal.


Ayon sa isang opisyal ng PNP, ang pagpo-post ng detalye ng bakasyon ay malinaw na palatandaan na walang tao sa bahay. 


Sa mata ng masasamang loob, ito ay pagkakataon para sila ay makapangloob. Kaya’t kahit pa sinisikap ng PNP na protektahan ang mamamayan, hindi raw magiging ganap ang seguridad kung walang kooperasyon mula sa taumbayan.


Ang paalala ay simple ngunit ito ay para sa kaligtasan ng lahat. Hindi kailangang ipaalam sa buong mundo kung kailan aalis, gaano katagal mawawala, at kung saan pupunta. Ang social media ay hindi lang platform para magpasikat, kundi minsan ay nagiging hakbang din ng krimen. 


Sa panahong mas mahalaga ang seguridad ng pamilya kaysa sa likes at shares, nararapat lamang na maghinay-hinay sa pagbabahagi.


Dagdag pa ni Nartatez, mas pinaigting ang ugnayan ng PNP sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa antas ng barangay, upang mapigilan ang mga krimeng puwedeng maiwasan. 


Ipinangako rin ng PNP ang heightened alertness at tuluy-tuloy na anti-crime operations sa buong bansa upang masiguro ang mapayapa at ligtas na bakasyon.


Kaugnay nito, inanunsiyo rin ang suspensiyon ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno simula kahapon, Disyembre 29 hanggang Enero 2, 2026. Itinakda naman bilang non-working holidays ang Disyembre 30, 31 at Enero 1. 


Sa mga petsang ito, inaasahang mas maraming bahay ang maiiwang walang tao, kaya’t mas mahalaga ang pagbabantay at disiplina.


Bilang dagdag na hakbang, mahigit 100,000 pulis ang ide-deploy ng PNP sa buong bansa ngayong holiday season—malaking pagtaas mula sa 60,000 noong nakaraang taon. Ipinapakita nito ang seryosong paghahanda ng kapulisan, ngunit malinaw rin na hindi sapat ang presensiya ng pulis kung pabaya ang mamamayan.


Ang kaligtasan ay hindi lamang responsibilidad ng estado kundi ng bawat indibidwal.

Ang pagiging maingat sa social media ay maliit na sakripisyo kapalit ng katahimikan ng isip at kaligtasan ng pamilya. Ang tunay na diwa ng bakasyon ay hindi ang pagyayabang ng travel goals, kundi ang pagbabalik sa tahanang ligtas at buo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page