ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 4, 2026

SEN. ESCUDERO, TILA MAMALASIN NGAYONG YEAR 2026 KASI BUKOD SA HINDI PA PALA SIYA LUSOT SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE, POSIBLE PA SIYANG MAKASUHAN SA PAGKAKASANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Pinag-usapan ng Supreme Court (SC) ang Comelec kaugnay ng hirit ni high school teacher Barry Tayam na baligtarin ang desisyon ng komisyon na nag-absuwelto kay Senador at dating Senate President Chiz Escudero sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code. Ito ay may kinalaman sa pagtanggap ng senador ng campaign funds mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.
Tila mamalasin si Senador Escudero ngayong 2026. Kung hindi magustuhan ng Korte Suprema ang paliwanag o rason ng Comelec at binaligtad nito ang desisyon ng komisyon, awtomatikong matatanggal siya sa pagiging senador at maaari ring makulong ng hanggang anim na taon dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code. Bukod dito, posibleng isampa ng Ombudsman ang mga kasong malversation of public funds, bribery, at graft na may kinalaman sa umano’y scam sa flood control projects na kinasangkutan niya. Boom!
XXX
GABRIELA PARTYLIST GUMAGAWA NG AKSYON PARA MAKATULONG SA KABABAIHAN, PERO IBANG PARTYLIST BUSY DAW MANG-SCAM SA KABAN NG BAYAN – Ang kumakatawan sa sektor ng mga kababaihan sa Kamara ay si Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago. Dahil maraming nanay ang nahihirapang pagkasyahin ang budget sa mga gastusin sa bahay, nagpasya si Cong. Elago na magsulong ng resolusyon na tanggalin ang 12% VAT sa presyo ng mga bilihin at bayarin.
Iyan ang tunay na marginalized sector na partylist—gumagawa ng aksyon para makatulong sa kinakatawan nilang sektor ng lipunan. Hindi tulad ng ilang representante ng mga partylist tulad ng Ako Bicol, ACT-CIS, CWS, at Uswag Ilonggo na ang ginagawa ay mang-scam sa kaban ng bayan. Period!
XXX
PATI PROMINENTENG NEGOSYANTE NA SI PHILIP LAUDE NA WALANG KINALAMAN SA FLOOD CONTROL, DAMAY KASI NADIKIT SIYA KAY ACT-CIS PARTYLIST REP. EDVIC YAP NA INIIMBESTIGAHAN SA FLOOD CONTROL SCAM – Hindi lang mga pulitiko, Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga government contractors ang nasasabit ngayon sa flood control scandal, kundi pati ang prominenteng negosyante na si candy tycoon Philip Laude.
Hindi naman sangkot si Laude sa flood control projects at wala talaga siyang kinalaman dito—matinong negosyante siya at kanyang pamilya. Nasabit lamang siya nang matuklasan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ka-joint account niya sa bangko si ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap, na nasasangkot sa flood control scam sa bansa.
Bagamat naipaliwanag na ng kampo ni Laude na matagal nang sarado ang joint account nila ni Cong. Edvic Yap dahil hindi natuloy ang planong pagsosyohang negosyo, nabahiran na rin ang kanyang pangalan dahil sa pagkakadikit niya sa partylist congressman na iniimbestigahan ng pamahalaan sa isyung flood control scam. Tsk!
XXX
MAY PAGKA-HUNYANGONG-ASAL NI GADON KASI NOON, PANAY PURI NIYA KAY FPRRD PERO NGAYONG MAY PUWESTO SIYA SA MARCOS ADMIN, PANAY NA ATAKE NIYA SA EX-PRESIDENT – Tinirya ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa isyu ng pagkabaon ng ‘Pinas sa utang. Ayon kay Gadon, sa nakalipas na 15 taon, kapag pinagsama-sama ang mga naging presidente, nasa P7 trillion ang kabuuang utang ng bansa. Ngunit sa anim na taong panunungkulan ni FPRRD, aniya, P7 trillion na lamang ang utang ng bansa sa mga financial institution sa buong mundo.
May pagka-hunyango rin pala si Gadon: noong panahon ng Duterte administration, panay papuri niya kay Pres. Duterte. Ngunit nang wala na ito sa poder at nabigyan siya ng puwesto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM), at dahil nagkaroon ng banggaan ang Duterte at Marcos, bigla siyang naging kritiko ng dating presidente. Boom!






