top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 26, 2024



Dear Maestro,


Nagtataka ako ngayon sa kapalaran ko. Masipag naman akong mag-apply, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong trabaho? 


Nakapagtrabaho naman na ako dati, ‘yun nga lang ay hindi rin ako nagtagal, nadamay kasi ako intriga. Kaya naman kesa mapaaway pa ako, napagdesisyunan ko na lang na mag-resign. 


Ang problema nga lang ay mula nang mag-resign ako sa pinapasukan ko, hindi na ako sinuwerte at hanggang ngayon ay tambay pa rin ako. 


Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo upang itanong kung ano’ng taon ba ako makakahanap ng isang permanente at magandang trabaho na may malaking suweldo? 

Siya nga pala, 27-anyos na ako ngayon, pero wala pa rin akong asawa. Maestro, kailan kaya ako makakapag-asawa? 


May girlfriend naman ako ngayon, pero hindi naman seryoso ang relasyon namin, at minsan lang kami kung magkita. 


Ang birthday ko ay July 29, 1997. 

Umaasa,

Matt ng Banlic, Cabuyao, Laguna

 

Dear Matt,


Para makahanap ka ng trabaho, may mga bagay ka dapat isaalang-alang at baguhin sa iyong buhay.


Una, ang iyong lagda na bukod sa nababoy at pangit, hindi mo dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng “a” sa iyong pirma na lumilikha ng kinanselang anyo o binurarang lagda. Sa halip, idiretso mo lang ang pinakapaa ng letrang “a”  sa direksiyong pakanan. Sa ganyang lagda, magkakaroon ka na ng panibagong lakas ng loob at sigasig na mag-apply nang mag-apply, hanggang sa matagpuan mo ang isang kumpanya na may kaugnayan sa computer o communication, – sa nasabing kumpanya ka magkakaroon ng isang regular, permanente at magandang trabaho. 


Ang ikalawang bagay na dapat mong baguhin sa iyong buhay o pagkatao ay ang iyong bigote na nagiging dahilan kaya nawawala sa pagiging balanse ng iyong mukha. Kailangan mo munang tanggalin ang iyong bigote, para mas mabalanse mo ito. 


Dagdag dito, imbes na hawiin sa gitna ang buhok na nakalugay sa iyong noo, hawiin mo ito paitaas, upang ganap na mailantad ang kabuuang hugis ng iyong mukha.


Makikita mo, kapag nagawa mo na ang simpleng dalawang pagbabagong nabanggit sa iyong mukha, pag-ahit ng bigote at suklayin paitaas ang buhok, tiyak na ang magaganap, magkakaroon na ng positibong pagbabago ang iyong buhay tungo sa isang mas maunlad at masaganang karanasan.


Habang ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa susunod  na taong 2025, sa edad mong 28 pataas, makakatagpo ka na rin ng isang maganda at permanenteng trabaho at doon mo na rin makikilala ang isang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius na siyang magiging girlfriend at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 23, 2024



Dear Maestro,


Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo. Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo. May ilang katanungan lang ako tungkol sa aking kapalaran, lalo na pagdating sa pag-ibig. 


Maestro, panghabambuhay na ba ang relasyon namin ng boyfriend ko? Ang birthday ko ay September 29, 1996, habang October 4, 1995 naman ang birthday niya.

 

Umaasa,

Kikay ng San Isidro, Lubao, Pampanga



Dear Kikay,


Compatible kayo ng kasalukuyan mong boyfriend, dahil kapwa kayo under sa zodiac sign na Libra. Kung saan, ang birthday mong September 29, 1996, habang October 4, 1995 naman ang boyfriend mo ay sadyang tugma at compatible sa isa’t isa, sapagkat pareho kayong nagtataglay ng elementong air o hangin.


Kaya sa pag-aanalisang Western Astrology, suwetung-suweto at saktung-sakto ang inyong pagsasama. Kaya naman, maitatala bilang isang maligaya at panghabambuhay ang inyong relasyon. 


Dagdag pa sa Numerology, ang birth date mong 29 o 2 (2+9=11/ 1+1=2) ay nagtataglay ng planetang Moon-Neptune na naiimpluwensiyahan din ng elementong tubig, habang itong numerong 2 naman ang siyang destiny number ng boyfriend mo. Nangyaring ganu’n, dahil ang October 4, 1995 ay kinokompyut ng ganito: 10+4+1995= 2009/ 20+09=11/ 1+1=2) at ang birth date mong 2 at destiny number ng boyfriend mo na 2, ay nagsasabing sobrang tugma at compatible talaga kayo para sa isa’t isa. 


Kaya ayon sa Decadens ng Kapalaran na pinaigting pa ng inyong Love Calendar, sa susunod na taong 2025, sa edad mong 29, habang 30 naman ang boyfriend mo, kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng isang maunlad,  maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 19, 2024



Dear Maestro,


Gusto ko sanang itanong kung kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan at wala na bang magiging hadlang sa aming pagmamahalan? 


Three years na kaming mag-on, pero nito lamang last year ay dumaan kami sa isang mabigat na pagsubok. May isang babae ang nagkagusto sa kanya, at naging MU sila nang hindi ko alam. 


Mabuti na lang ay inamin niya sa akin, dahil nakokonsensiya na raw siya, kaya naman agad ko siyang pinapili. Good news, ako ang pinili niya. 


Mula nang piliin niya ako, pinutol niya na rin ang komunikasyon niya sa babaeng iyon. 

Balak na sana namin magpakasal sa susunod na taon. Maestro, matutuloy kaya ito? Ano’ng buwan at petsa rin ang favorable sa amin? 


Ang birthday ko ay August 23, 1995, habang May 7, 1994 naman ang boyfriend ko.

Umaasa,

Abbie ng San Roque, Bolinao, Pangasinan



Dear Abbie,


Kung mayaman o may kaya sa buhay ang lalaking pakakasalan mo, tiyak na kayo ang magkakatuluyan. Nangyaring ganu’n ang pag-aanalisa, sapagkat ang mga babaeng Taong Singko na ating tinatawag, tulad nilang may bitbit na numerong 5, 14, at 23, ay kadalasang nakakapag-asawa ng mayaman. 


Sa kaso mo, dahil Virgo ang zodiac sign mo, habang Taurus naman ang sa boyfriend mo, tunay ngang tugma at compatible kayo sa isa’t isa. 


Ibig sabihin, malaki ang pag-asa na kayo na nga ang magkatuluyan, lalung-lalo na kung ang inyong anibersaryo ay tumapat sa buwan ng Oktubre o Nobyembre.


Samakatuwid, bukod sa sarili n’yong zodiac sign, ang Agosto hanggang Setyembre, at Abril hanggang Mayo, ang mga buwan na favorable sa inyong dalawa. 


Kaya kung nagbabalak na kayong magpakasal sa susunod na taon, ituon ninyo iyon sa nasabing mga buwan.


Piliin ang petsa kung saan nasa strong number category ang petsa, tulad ng petsang 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, at 26, upang maging favorable sa weak number na 7 ng boyfriend mo at favorable rin ang nasabing mga petsa sa neutral number mong 23.


Kung saan, bukod nga pala sa nasabing mga petsa sa nasabing kasal, puwede n’yo ring isaalang-alang ang sarili mong numero na 5, 14 at 23, upang mas maging lapitin naman ng pera o materyal na bagay ang inyong samahan.


Huwag ninyo kalimutang ituon ang araw o petsa ng kasal. Kung saan, nasa full moon, new moon o first quarter ang buwan, upang sa gayun ay mas umunlad ang inyong samahan.


Ayon sa inyong Love Calendar, wala na ngang magiging hadlang pa sa inyong pagmamahalan, sapagkat sa darating na taong 2025, sa nasabing mga buwan, magiging malaya at masaya na kayo, kasabay ng pagbuo ninyo ang inyong tinatamasang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page