top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 17, 2024



Dear Maestro,


Hindi kami okey ng mister ko. Nu’ng nakaraang buwan kasi ay nagtalo kami dahil sa pera. Kaya bago pa lumala ang sitwasyon, nagpasya na akong umuwi sa aking nanay para ‘di na kami magkasakitan pa ng loob. 


Sa ngayon, hindi pa rin niya ako sinusundo, gayung mag-iisang buwan na akong lumayas kasama ang tatlo naming anak. 


Nagtataka ako sa kanya, bakit kaya niya akong tiisin na hindi makita, ganundin ang mga anak namin. 


Dati naman ay hindi siya ganu’n. Kapag nagkakaroon kami ng tampuhan, agad niya naman akong sinusundo. Kapag umuuwi ako sa mga nanay ko, agad naman siyang humihingi ng sorry. 


Iniisip ko tuloy ngayon na baka nawalan na siya ng amor sa akin at sa aming mga anak, ang mas masaklap pa, baka naman kaya niya kami natitiis ay dahil may iba na siyang babae ngayon, na ‘wag naman sanang mangyari. 


Maestro, bakit parang hindi man lang niya ako nami-miss lalo na ang mga bata?

Sa inyong palagay, tuluyan na ba kaming magkakahiwalay? Bakit kaya hindi pa niya pa ako sinusundo? May mahal na rin ba siyang iba? September 26, 1995 ang birthday ko, habang February 10, 1990 naman ang mister ko.

Umaasa,

Rose Anne ng Napindan, Taguig City



Dear Rose Anne,


Naging ganyan ang sitwasyon ninyo, dahil pareho kayong nagtataglay ng strong number sa birth date mo 26 o 8 (ang 26 ay 2+6=8), at birth date na 1 or 10 (ang 10 ay 1+0=1) ng mister mo.


Maaaring sa kasalukuyan, walang may gustong magpakumbaba o magpakabait sa inyong dalawa, lalo na sa tuwing may hindi kayo napagkakasunduan. Dahil gusto ng isa’t isa sa inyo ay lagi silang panalo, ‘yun bang walang gustong magpatalo, iyon tuloy nauuwi sa matinding pag-aaway ang inyong samahan hanggang sa mauwi sa hindi masayang relasyon. 


Subalit, kung may matututong magpakumbaba sa inyo, ‘yun bang hindi na gaanong makikipagtalo, makikita mo, magiging maligaya at mauuwi sa pag-unlad ang inyong samahan.


Maraming mag-asawa ang parehong strong number, at nauuwi sa hiwalayan ang relasyon. Gayunman, marami rin naman ang may strong number na nagtitiis, kaya hindi naghihiwalay. 


Ang nasabing strong number ng mag-asawa na nakakatiis at nananatiling nagmamahal ang kusang yumayaman, umuunlad, nakakapagtayo ng magarang bahay na yari sa bato at nakakabili ng magarang sasakyan.  


Ang tanong ngayon, sino nga ba ang dapat na magpakumbaba sa inyo? Walang iba, kundi ikaw! Ikaw kasi ang may zodiac sign na Libra. Kung saan, ang Libra ay itinalaga ng tadhana upang magsakripisyo, magtiis at magkapamartir.


Kaya kung ibig mo pang mabuo ang inyong pamilya, ‘wag ka nang mag-aksaya pa ng panahon upang pagpasok ng susunod na buwan ng Nobyembre, habang  ramdam na ramdam n’yo ang simoy ng Pasko, umuwi ka na sa inyo, makipag-ayos at humingi ka na ng tawad sa mister mo. 


Samantala, may chance rin naman na ganundin ang gawin niya, hihingi rin siya sa iyo ng kapatawaran, upang sa sandaling ika’y nagpakumbaba, mauuwi na sa isang masaya, maunlad, at panghabambuhay na pamilya ang inyong relasyon.


Sa panahong nagbibinata at nagdadalaga na ang inyong mga anak, mga 7 to 10 years mula ngayon, makikita mo mayamang-mayaman na kayo at maligaya na ang buhay ng inyong pamilya.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 15, 2024



Dear Maestro,


Isa akong Aquarius. Maraming beses na rin akong nabigo sa pag-ibig. Kaya naman naisipan ko nang sumangguni sa inyo, dahil ayoko nang mabigo pang muli. 


Twenty-six year old na ako, at may isang anak. Maestro, makakatagpo pa kaya ako ng lalaking pakakasalan ako? 


‘Yun bang bukod sa mamahalin ako ay mamahalin din ang aking anak, at ituturing na parang tunay niyang anak.


Sana magkaroon pa ako ng pag-asa, dahil minsan ‘di ko maiwasang mawalan ng pag-asa. 

Ang birthday ko ay February 4, 1998.


Umaasa,

Krishina ng Santo Cristo, San Antonio, Nueva Ecija



Dear Krishina,


Huwag kang mawalan ng pag-asa, dahil bukod sa may itsura at maganda ka naman, kapansin-pansing maganda rin ang iyong signature o pirma.


Ang lagda mong natapos sa paitaas na stroke, kesa na paibaba ang nagsasabing sa edad mong 26 pataas, kahit na single mom ka pa ngayon, muli kang makakatagpo ng isang lalaking tapat at magmamahal sa iyo habambuhay.


Oo, susuwertehin ka pa sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, dahil ayon sa iyong Love Calendar, ang pagdating ng nasabing lalaki na magmamahal sa iyo ay nakatakda mong makilala sa isang paglalakbay.


Ang pagdating ng nasabing lalaki ay magaganap, sa susunod na taong 2025, sa edad mong 27 pataas, sa buwan ng Enero o Disyembre. Kung saan, sa unang pagtatagpo n’yo, ikaw ay nakausot ng dilaw na damit, habang puti naman ang suot ng lalaking aking nabanggit, na siyang magiging kaibigan mo, hanggang sa mauwi ang iyong pagkakaibigan sa pagmamahalan. Sa bandang huli, tuluyan ka rin niyang mamahalin at paninindigan, kahit pa sabihin isa kang single mom. 


Sa taong 2026, sa edad mong 28 pataas, tuluyan ka nang makakabuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 10, 2024



Dear Maestro,


Bakit sa tuwing tatalakayin n’yo ang mga ka-compatible ng zodiac sign kong Capricorn, palagi ninyong sinasabi na ka-compatible ko ang Virgo, Taurus at kapwa ko Capricorn? 


Ang aking asawa ay nagtataglay ng zodiac sign na Pisces, hindi ba, water type sign din siya? Ibig sabihin ba nu’n ay ka-compatible ko rin siya? Pero bakit hindi ko ito nababasa sa mga artikulo n’yo? 


Sana ay maipaliwanag n’yo ito. March 4, 1994 ang birthday ng asawa ko,  habang January 17, 1994 naman ako.

Umaasa,

Eya ng  Sauyo, Novaliches, Quezon City



Dear Eya,


Alam mo, kaya hindi ko isinasama ang Pisces at Scorpio sa mga ka-compatible ng isang Capricorn, gayung ang Pisces at Scorpio ay kapwa nagtataglay ng elementong water o tubig na angkop sa isang Capricorn na may elementong lupa, sosobra na ang dami ng magiging ka-compatible ng Capricorn. 


Isipin mo, 12 lang ang zodiac sign, lalabas na ang magiging ka-compatible ng Capricorn ay ang Virgo, Taurus, kapwa niyang Capricorn, Cancer, Pisces at Scorpio. Halos kalahati na ng 12 zodiac signs ang magiging ka-compatible niya, kaya napakarami na nito na parang malayo sa katotohanan. Pero kung malapit pa rin sa katotohanan, hindi naman praktikal na halos ka-compatible ng Capricorn ang kalahati ng lahat ng zodiac sign. 


Kaya ang sinasabi lang nating ka-compatible sa ating mga artikulo hinggil sa compatibility ay ‘yung talagang ka-compatible at teoryang pinagbabatayan. 

Una sa Western Astrology, kapag katulad mo ng elemento ang isang zodiac sign, halimbawa ay Capricorn, tiyak na ka-compatible mo ang Virgo, Taurus at kapwa mo Capricorn, dahil ang tatlong zodiac sign na ito ay pare-pareho ng elemento – ang elementong earth o lupa. Sa unang batas ng compatibility, ito ang tinatawag na “same feathers flock together”.


Magkakamukha ng pakpak, magkakamukha ng likaw ng bituka, kaya magkakatugma, magkakaibigan at magkaka-compatible sila. 


Ito namang isa pang teorya sa compatibility ay hango sa Oriental Astrology, kung saan tinatawag nga nating “opposite poles attract each other,” sino ba ang ka-opposite ng Capricorn? Hindi sina Pisces at Scorpio na kapwa may water type element, kundi si Cancer. 


Bilog kasi ang drawing o mapa ng zodiac signs, at ang bilog na ito ay hinati sa 12 bahagi. Parang paghahati ng pizza pie, kung titingnan mo ang eksaktong katapat na hati ng Capricorn, makikita mo sa kanyang ilalim ang Cancer. Kaya ang Cancer at Capricorn ay perfect match sa compatibility, na kung tawagin natin ay “opposite poles attract each other”. Kumbaga, sila ang “complimentary compatibility”, tulad ng gabi at araw, liwanag at dilim, babae at lalaki, negative at positive poles at iba pang magkakatumbalik na puwersa na hindi puwedeng mawala ang isa.


Siya rin ang nawawala mong sarili na noon mo pa hinahanap, habang ikaw naman ang nawawala niyang sarili na hindi niya pa rin matagpuan. Pero kapag nagtagpo ang dalawa, bagama’t hindi magkamukha, sila ay kusang nagsasama upang makabuo ng baby o bata at siyempre, upang makabuo rin ng masaya at panghabambuhay na pamilya.


Ngayon, bumalik tayo sa Pisces at Scorpio na may water element, na hindi naman ka-opposite ng isang Capricorn, ka-compatible mo rin ba sila? Oo, pero hindi kasing ka-compatible ng Cancer, Virgo, Taurus at kapwa mo Capricorn. 


Samakatuwid, kung lalagyan ng “secondary compatibility,” ‘ika nga ay “second choice”, roon papasok ang Scorpio at Pisces, pero sa first choice, roon naman papasok ang mga tunay mong ka-compatible, kapwa mo Capricorn, Virgo, Taurus at Cancer. 


Gayunman, bukod sa ka-compatible mo rin ang Pisces, sa salita nating “second degree of compatibility,” tunay namang ka-compatible mo sa Numerology ang iyong mister na may birth date na 4 habang 17 o 8 naman  ang birthday date mo, (ang 17 ay 1+7-8).


Sa matuling salita, hindi man kayo perpektong compatible sa Astrology, perpektonaman kayo sa Numerology na nakatakdang magsama habambuhay at nakatakda ring muling umangat at umunlad ang pamumuhay, na ayon sa Decadens ng Kapalaran ay inaasahang mararamdaman at magsisimulang mangyari sa taong 2025, sa edad mong 31 pataas.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page