top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 8, 2024



Dear Maestro,


Dati akong nagtatrabaho sa Japan, at du’n ko rin nakilala ang noo’y naging nobyo ko, na isa ring OFW. 


Sa ngayon, isa na akong single mom. Nu’ng umuwi kasi siya sa ‘Pinas, nakakilala siya ru’n ng babaeng kanyang pakakasalan. 


Magta-tatlong taon na ang anak ko, at ayokong lumaki siya na walang kinikilalang ama. Gusto ko sanang mag-asawa, ang kaso wala namang seryosong nanliligaw sa akin.  


Maestro, sa edad ko bang 31, makakapag-asawa pa kaya ako, at magkakaroon ng isang masaya at matinong pamilya? 

Ang birthday ko ay November 1, 1992.

Umaasa,

Mara ng Caniogan, Calumpit, Bulacan


Dear Mara,


Bihira lang sa mga taong isinilang sa petsang 1, 10, 19 at 28 ang hindi nakakapag-asawa, tulad mo na isinilang sa petsang Nobyembre 1, 1992, kaya panigurado na makakapag-asawa ka pa, higit lalong napapangibabawan ka pa ng zodiac sign mong Scorpio. Ang Scorpio ay kilala sa pagkakaroon ng sumusulak na libido. 

Dagdag dito, 31-anyos ka pa lang naman ngayon, at batang-bata pa.  


Bukod sa numerong 1, nagtataglay ka rin ng destiny number na 6, nangyaring ganu’n dahil ang Nobyembre 1, 1992 na birthday mo ay kinokompyut ng ganito: 11+1+1992=2004/ 20+04=24/ 2+4=6. Ibig sabihin, basta’t palagi ka lang magsuot ng damit na kulay dilaw at pula, humigit kumulang sa taong 2025 hanggang 2026, sa edad mong 33 pataas, sa ayaw at sa gusto mo, bigla kang makakapag-asawa ng isang lalaking kayumanggi ang kulay ng balat.  


Upang mas madaling matupad ang nasabing pag-aasawa na magaganap sa edad mong 33 pataas, makipagkaibigan ka sa mga lalaki na katugma at ka-compatible ng zodiac sign mong Scorpio, tulad nilang isinilang sa zodiac sign na Cancer, Pisces at kapwa mo Scorpio. Kung saan, pare-pareho kayong under sa elementong water o tubig, kaya naman katugma at ka-compatible mo talaga sila. 


Bukod sa nasabing mga zodiac sign, ka-compatible mo rin silang isinilang sa zodiac sign na Taurus, higit lalo silang may birth date na 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29. 

Kung saan, ayon sa iyong Love Calendar, tulad ng nasabi na, sa taong 2025 o kaya’y 2026, sa edad mong 33 pataas, sa buwan ng Disyembre, habang tinatahak mo ang edad na 33, du’n mo rin mami-meet ang lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran, na isinilang sa zodiac sign na Cancer, medyo kayumanggi ang kulay ng balat, at medyo chubby ang pangangatawan. Sa sandaling nagkita at nagkatagpo kayo, sunggaban mo na agad siya, dahil malinaw ang palatandaan na siya ang lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran na siyang mapapangasawa at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 6, 2024



Dear Maestro,


May boyfriend ako dati, pero nauwi rin sa hiwalayan ang aming relasyon. Itatanong ko lang sana kung may chance pa kaya kaming magkabalikan? Nalaman niya kasing nagdadalantao ako, at ‘yun ang dahilan kung bakit kami naghiwalay. Sa ngayon, nandito pa ako sa bahay ng bestfriend ko. Hindi ko rin kasi alam kung paano ko sasabihin sa mga magulang ko ang aking pagdadalantao. Hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na sana isang araw ay matauhan ang boyfriend ko, at agad akong balikan. Dalawang buwan na rin kaming hindi nag-uusap. Maestro, babalikan pa kaya niya ako? Ang birthday ko ay October 4, 1999, habang January 28, 2000 naman ang birthday ng boyfriend ko.


Umaasa,Aya ng Santa Inez, Tanay, Rizal


Dear Aya,


Tama ang pakiramdam mo, dahil sadyang compatible ang zodiac sign mong Libra sa zodiac sign niyang Aquarius, dahil ang Aquarius at Libra ay nagtataglay ng iisang elemento – ang air o hangin.


Gayundin ang kinalabasan ng pagsusuri sa Numerology. Kung saan, ang birth date mong 4, at 28 o 1  (2+8=10/ 1+0=1) naman ng boyfriend mo ay nagsasabing kapwa kayo pinaghaharian ng planetang Uranus at Sun.


Ibig sabihin, hindi lang sa Astrology kundi pati na rin sa Numerology ay tugma rin kayong magsama. Kaya naman, sa malapit na hinaharap, sa taong 2025, – tiyak ang magaganap pagsapit na pagsapit ng kalagitnaan ng buwan ng Oktubre, parang isang himala ang mangyayari, habang papalapit nang papalapit ang Kapaskuhan, – muling babalik sa iyo ang boyfriend mo upang panagutan ang pagbubuntis mo hanggang sa tuluy-tuloy na kayong magpakasal, at magsama sa pagbuo ng isang maligaya, at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 4, 2024



Dear Maestro, 


Isa akong bading, at marami na rin akong karanasan sa mga lalaki. 

Ang kaso nga lang, wala namang lalaking nananatili sa buhay ko. Kung tutuusin, pera lang ang habol nila sa akin. 


Sa edad kong 45, nararamdaman ko na ‘yung pagtandang binata. Kaya naman, kailangan ko na rin magplano para sa future ko.


Sa katunayan, nangangarap din naman ako na may makasama sa aking pagtanda. 

Kaya nais ko sanang malaman kung may darating pa kayang lalaki na seseryoso sa akin, at makakasama ko habambuhay?


Ang birthday ko ay October 30, 1978.


Umaasa,

Nonie ng Ambiong, Baguio City   


Dear Nonie,   


Para mahigop mo ang suwerte sa larangan ng pag-ibig, at pakikipagrelasyon, magsuot ka ng kulay na pula, dilaw at berde. Kahit pa sabihing isa kang bakla o bading, may lalaki pa ring seseryoso sa iyo upang makakasama mo habambuhay.


Mas maganda kung babaguhin mo rin ang iyong lagda. Alisin mo ang malaking bilog na nagkukulong sa iyong pirma. Hindi mo na dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng letrang “A” sa iyong last name. Sa halip, ang dapat na maging “last stroke” ng letrang “A” ay ‘yung tuwid patungo sa diresyong pakanan.


Sa ganyang lagda, ‘yun bang walang malaking bilog, at magulong burloloy, unti-unti na ring aayos ang buhay mo. 


Nonie, ‘wag ka mag-alala dahil may magkakagusto na rin sa iyo na seseryosohin ka, hanggang sa tuluy-tuloy na kayong magsama habambuhay upang bumuo ng isang maligayang pamilya. 


Dagdag dito, mapalad ka mula sa ika-18 ng Hunyo hanggang sa ika-27 ng Hulyo, mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang sa ika-27 ng Nobyembre at mula sa ika-18 ng Pebrero hanggang sa ika-27 ng Marso, higit lalo sa mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25.   


Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas – tiyak ang magaganap kahit sabihin pang bading o bakla ka, sa taong 2025, sa edad mong 47 pataas, sa buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre, makakatagpo ka na rin ng isang lalaking makakasama mo habambuhay, ang lalaking tinutukoy ko ay nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius, na may birth date na 9, 18 o kaya’y 27.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page