top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 13, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #390



Walang katumbas ang sakit na maaaring madama ng isang tao na nawalan ng kapamilya. Higit na sakit at pagtatangis pa marahil ang maramdaman kung hindi lamang isa ang mawawala, kundi dalawang miyembro ng kanyang pamilya.


Ganito ang naging kapalaran ni Jocelyn, isang ina at maybahay. Sa isang iglap, nawalay nang tuluyan sa kanya hindi lamang ang kanyang anak, kundi maging ang kanyang asawa. Isang malagim na insidente ang sumira sa kanilang payak na pamilya. 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng nangyari sa mag-ama na sina Mario at Joremart, hango sa kaso na mayroong pamagat na People of the Philippines vs. Alejo Tagic y Delgado a.k.a. “Dongkoy” (CA-G.R. CR No. 02098-MIN, June 27, 2022), at alamin kung nakamit ni Jocelyn at ng kanyang namayapang mag-ama ang karampatang hustisya.


Isang malagim na insidente ang naganap sa isang bodega sa Cagayan de Oro City, alas-11:30 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Natagpuang duguan at wala nang buhay ang mag-amang Mario at Joremart. Ang inaresto kaugnay sa kanilang pagkakapaslang ay si alyas “Dongkoy.”


Batay sa Paratang para sa special complex crime na Robbery with Homicide na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, nakipagsabwatan at nakipagtulungan si Dongkoy kina Dan Doe at Allan Doe, kapwa at large, nang mayroong layunin na makuha sa pamamagitan ng karahasan at labag sa kalooban ng may-ari, na manakaw at matangay ang anim na gulong ng trak na nagkakahalaga ng P72,000.00, gayundin ang isang steel vault na nagkakahalaga ng P10,000.00, mula sa isang warehouse na pagmamay-ari ng nagngangalang Benito. At sa okasyon ng nasabing pagnanakaw at para maisakatuparan ang layunin na makuha at matangay ang mga nabanggit na kagamitan, ang tatlo ay nagsabwatan at nagtulungan, nang mayroong kaliluhan, malinaw na paghahanda at paggamit ng higit na lakas, at mayroong intensyon na pumaslang, na pinaghahampas ang ulo ni Mario, security guard ng nasabing bodega, at ang 12-anyos na anak nito na si Joremart. Nakuha rin nina Dongkoy ang service firearm ni Mario. Hindi nakaligtas, bagkus kapwa sumakabilang-buhay sina Mario at Joremart. 


Tumayo naman bilang saksi ng tagausig si Sergio, isa ring security guard ng nasabing warehouse. 


Diumano, dumating siya sa lugar ng kanilang bodega bandang alas-11:00 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Tinatawag niya umano si Mario na naka-duty noong araw na iyon, subalit wala siyang natanggap na tugon. Napilitan na lamang diumano na tumalon ng bakod si Sergio upang makapasok. Tumambad diumano sa kanya ang duguan at wala nang buhay na katawan ni Joremart. Dali-dali umano siyang pumunta sa barangay upang humingi ng saklolo.


Kasama niya umano na bumalik sa bodega ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na sina Reynaldo Jr. at Alpio Jr., kapwa nila nakita ang wala nang buhay na katawan nina Mario at Joremart, ilang metro lamang ang pagitan sa isa’t isa. Diumano, nakabalot ng kumot ang katawan ni Mario, duguan ang ulo at wala na ang service firearm.


Napagpasyahan nila na ipagbigay-alam na sa kapulisan ang kanilang natagpuan. Habang sila ay palabas na, mayroon diumanong isang itim na sasakyan ang papasok naman ng bodega. 


“Nandyan na ba?” Ang tanong diumano sa kanila ng drayber ng naturang sasakyan. Nang sabihin ni Sergio ang tungkol sa pamamaslang ay bigla umano itong tumalilis ng pag-alis.


Ayon sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman umano ng mga pulis na puwersahang pinasok ng salarin ang bodega. Gumamit diumano ito ng isang bakal na hagdan, dumaan sa kisame, nahantong ang lokasyon ng kaha de yero na naglalaman ng pera, tseke at mahahalagang dokumento, at puwersahan na binuksan. Ang anim na gulong ng trak naman ay inilabas diumano mula sa bodega at inilagay sa tabing kalsada na handa na upang madampot o maikarga.


Habang nag-iimbestiga ang mga pulis, napansin diumano ni Sergio na mayroong lalaki na nagtatago sa madamong bahagi na malapit sa bodega. Agad niya umano itong ipinagbigay-alam sa mga pulis na nagpalabas sa naturang lalaki mula sa pinagtataguan nito, at kinilala iyon na si Dongkoy.


Napansin diumano ng mga pulis na ang t-shirt na suot ni Dongkoy ay nababad sa tubig at isa lamang ang suot nitong tsinelas na kahugis ng bakas ng tsinelas na nakita malapit sa katawan ng mga biktima. Hindi nagtagal, inamin diumano ni Dongkoy na siya ang pumaslang sa mga biktima na siyang naging dahilan upang arestuhin si Dongkoy ng mga pulis. Kinumpiska rin mula sa kanya ang kanyang cellphone. Diumano, sa karagdagang pagsisiyasat ng mga pulis, napag-alaman na bago maaresto si Dongkoy ay mayroong siyang natanggap na text message. Anito: “Punta na ngayon,” mula sa isang nagngangalang “Dan”.


Nagkaroon lamang ng pagkakataon na makumpronta umano ni Jocelyn si Dongkoy nang madala na ang huli sa himpilan ng pulis. 

Diumano, humingi ng tawad si Dongkoy sa naulilang ina at maybahay, at sinabi na hindi niya sinasadya na mapaslang ang anak nito.


Batay sa awtopsiya na isinagawa ni Dr. Caballes, matalas na bagay ang tumama sa ulo ng mga biktima na nagdulot ng matinding pinsala at sanhi ng kanilang pagkamatay.Kawalan ng kasalanan naman ang marubdob na naging pagsamo ni Dongkoy sa hukuman ng paglilitis. Mariin niyang iginiit na wala siyang kinalaman sa insidente ng pamamaslang.


Batay sa testimonya ni Dongkoy, dati siyang manggagawa sa nasabing warehouse. Napadaan lamang diumano siya roon noong ika-13 ng Mayo 2012 at nakausap si Mario sa loob ng 30 minutes. Hiniram din umano ng asawa at anak na babae ni Mario ang kanyang charger. Sinabi umano niya sa kanila na babalikan na lamang niya ang kanyang charger dahil bibisita pa siya sa kanyang kaibigan na nakatira malapit lamang sa bodega. 


Bandang alas-12:00 ng madaling-araw, matapos siyang makipag-inuman sa kanyang kaibigan, diumano ay napagpasyahan na ni Dongkoy na umuwi. Dumaan muna raw siya sa bodega upang kunin ang kanyang charger. Tinatawag niya umano si Mario, ngunit hindi ito tumutugon. Kung kaya’t nagpasya na lamang siyang umalis. Dumating naman umano si Sergio na kasama ang mga taga-barangay. Tinanong diumano siya ng mga ito kung ano ang ginagawa niya roon at ipinaalam sa kanya ang nangyari kina Mario at Joremart. Pumasok diumano silang lahat sa loob ng bodega at doon ay nakita ni Dongkoy ang wala nang buhay na katawan ng mag-ama. 


Kalaunan, dumating diumano ang mga pulis at siya ay inaresto sa kadahilanang siya ang pinaghihinalaan na pumaslang sa mga biktima.


Dagdag pa ni Dongkoy, pinagbubugbog diumano siya ng mga pulis sa himpilan at pilit na pinapaamin sa pamamaslang sa mag-amang biktima.


Tumayo bilang saksi para sa depensa ang isang nagngangalang Ludelyn. Diumano, nakita ni Ludelyn si Dongkoy sa bahay ng kanyang kapitbahay alas-11:45 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Kung kaya’t ikinagulat niya umano na si Dongkoy ang pinagbibintangan na pumaslang kina Mario at Joremart.


Matapos ang ilang taong paglilitis, nagbaba ng Desisyon ang RTC na hinahatulan na may sala si Dongkoy para sa two (2) counts ng Homicide. Pinawalang-sala naman siya para sa krimen na Robbery sapagkat hindi umano naitaguyod ng tagausig ang mga elemento ng naturang krimen.


Hindi tanggap ang kinahinatnan ng kanyang kaso, agad na naghain si Dongkoy ng apela sa Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro City. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan L.E. Fabre ng PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (RSACU)-Mindanao, iginiit ng depensa na iisa lamang ang sirkumstansya na nag-uugnay kay Dongkoy sa malagim na insidente – ang kanyang presensya sa lugar ng pinangyarihan nito. Hindi umano sapat ang nasabing sirkumstansya sa pamantayan na hinihingi ng ating batas kaugnay sa pagpiprisinta ng circumstantial evidence. Kung kaya’t hindi naging sapat ang kabuuang ebidensya ng tagausig upang maabot ang konklusyon na si Dongkoy nga ang pumaslang sa mga biktima. 


Sa pagdedesisyon sa kaso na ito, ipinaalala ng Hukuman ng mga Apela na sa paghahatol ng may sala, dalawang bagay ang kinakailangang maitaguyod nang lagpas sa makatuwirang pagdududa: una, na naganap ang krimen; at ikalawa, ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen. 


Matapos ang masinsinang pag-aaral sa kaso laban kay Dongkoy, sumang-ayon ang Hukuman ng mga Apela sa Depensa na nabigo ang tagausig na patunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang krimen at ang pagkakakilanlan ng salarin. 


Binigyang-diin ng CA ang kahalagahan ng pagpapatunay sa mga sumusunod na elemento ng krimen na Robbery with Homicide: (1) mayroong pagkuha ng personal na gamit na naisakatuparan sa pamamagitan ng karahasan o pananakot sa isang tao; (2) ang personal na gamit na kinuha ay pagmamay-ari ng ibang tao; (3) ang pagkuha ay nailalarawan nang mayroong layunin na makamit o animus lucrandi; at (4) sa okasyon o bunsod ng pagnanakaw ay naganap ang krimen na homicide.


Naging kapuna-puna sa Hukuman ng mga Apela na, sa kasong ito, walang saksi sa krimen. Wala ring katibayan na sumusuporta sa konklusyon na pagnanakaw ang pangunahing motibo ng inakusahan at na naisakatuparan niya ito. Kung mayroon man napatunayan ang testimonya ng mga pulis, ito ay na mayroong pagnanakaw o pagtatangka ng pagnanakaw. Subalit, hindi umano naitaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na si Dongkoy ang salarin sa naturang krimen, gayundin sa pamamaslang sa mga biktima.


Batid ng Hukuman ng mga Apela na maaaring mapatunayan ang pagkakasala ng isang akusado sa pamamagitan ng circumstantial evidence. Gayunman, mahalaga na mapatunayan ang mga sumusunod na kondisyon: una, mayroong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; ikalawa, napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga sinasabing sirkumstansya; at ikatlo, ang kombinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 


Ipinaalala ng CA na dapat ang mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakaayon sa pagkakasala ng taong inaakusahan at hindi naaayon sa kaniyang kawalan ng kasalanan. Mahalaga rin na maitaguyod ng mga sirkumstansya ang kawalan ng posibilidad na ibang tao ang gumawa ng krimen.


Sa muling pag-aaral sa kaso laban kay Dongkoy, hindi nakumbinsi ang CA na siya ang may-akda sa pamamaslang kina Mario at Joremart. Hindi umano maisantabi ng Hukuman ng mga Apela ang posibilidad na maaaring ibang tao ang salarin sa krimen.


Ipinaliwanag din ng CA na ang pinakanakakahimok na ebidensya na maaari sanang gamitin laban kay Dongkoy ay ang kanya umanong extra-judicial confession sa mga pulis at kay Jocelyn. Gayunman, hindi maaaring tanggapin ng Hukuman ng mga Apela bilang ebidensya ang mga naturang pag-amin sapagkat ito ay ipinahayag ni Dongkoy noong siya ay sumailalim na sa custodial investigation nang walang tulong ng abogado na napili niya o itinalaga para sa kanya.


Bagaman hindi isinasantabi ng Hukuman ng mga Apela na maaaring si Dongkoy ang salarin sa krimen, hindi rin umano nila maaaring isantabi ang posibilidad na hindi siya ang totoong salarin. Bagaman mahina umano ang depensa ng pagtanggi o denial, hindi umano sapat ang naturang kahinaan upang hatulan ang isang tao na inaakusahan ng krimen. 


Ipinaalala ng Hukuman ng mga Apela na, sa mga kasong kriminal, walang pasanin ang taong inaakusahan na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan. Bagkus, ang mayroong pasanin ay ang nag-uusig na patunayan na naganap ang krimen at ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sapagkat mayroong nabuo na makatuwirang pagdududa sa isipan ng Hukuman ng mga Apela ukol sa pagkakasala ni Dongkoy, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Dongkoy. Ang nasabing Desisyon ay ipinroklama ng CA noong ika-27 ng Hunyo 2022.


Ang lahat ng bagay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Walang tiyak na mananatili nang walang kawakasan, lalo na ang buhay ng bawat isa sa atin, ito ay sadya na mayroong hangganan. Kung gaano ito kaiksi o katagal, walang sinuman sa atin ang nakakaalam tungkol dito.


Gayunman, walang sinuman ang dapat makaranas na manakawan ng buhay  – sariling buhay, ng mahal sa buhay o ibang buhay man. Anuman ang dahilan, kahirapan, pagkagipit, o matinding pangangailangan, ang mga ito ay hindi kailanman magiging sapat na pangangatuwiran. Pakatandaan na tanging ang Poong Maykapal lamang, na nagpahiram sa ating buhay, ang mayroong karapatan na magtakda ng magiging hangganan nito. 


Nawa ay matigil na ang mga walang saysay na pamamaslang, o anumang uri ng krimen na nagdudulot ng pagdaing sa hukay. Nawa ay matukoy pa rin kung sino ang totoong salarin sa pagkakapaslang sa mag-amang Mario at Joremart upang makamtan na nila, at ng kanilang naulila, ang ganap na hustisya.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 16, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #387



Sa katahimikan ng isang hapon, lalo na sa lugar kung saan karagatan ang karaniwang saksi sa pang-araw-araw na pamumuhay, may mga pangyayaring biglang sumasabog sa gitna ng ordinaryong sandali. Isang hamon, suntok, iglap ng galit, at sa loob lamang ng ilang segundo, maaaring mauwi ang lahat sa trahedya.


Kapag may nasawi, madalas na may mga tanong na agad naghahanap ng sagot, “Sino ang may sala?,” “Sino ang dapat managot?” Ngunit, sa harap ng batas, hindi sapat ang hinala o emosyon upang maghatol ng pagkakasala.


Sapagkat sa ating sistemang kriminal, may isang prinsipyong hindi maaaring isantabi—ang presumption of innocence. Ito ang panuntunang nagsasaad na ang isang akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t hindi napatutunayan ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Batay sa kasong People of the Philippines vs. Regala, Criminal Case No. xx827, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 46, Masbate City, sa panulat ni Presiding Judge Teofilo B. Tambago, sinuri ng hukuman kung napatunayan nga ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng akusado sa kasong Murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code (RPC).


Bilang pagbabahagi, ayon sa impormasyon na inihain ng tagausig, noong ika-24 ng Disyembre 2008, bandang alas-4:30 ng hapon, sa Sitio Bugui, Brgy. Gumanang, Aroroy, Masbate, ang dalawang akusado sa kasong ito ay tatawagin nating “Toper” at Alyas “Dondon,” diumano ay nagkaisa at nagtulungan sa pag-atake sa biktimang si Carlito. 

Ayon sa paratang, sinalakay umano ang biktima sa pamamagitan ng pananakit at pananaksak gamit ang matalas na patalim, na nagdulot ng sugat sa tiyan na naging sanhi ng kanyang kamatayan. 


Subalit sa pag-usad ng kaso, lumitaw ang isang mahalagang pangyayari: Hindi nadakip ang isa sa mga akusado. Si “Dondon,” na siyang itinuturong sumaksak sa biktima, ay nanatiling at large at hindi naharap sa paglilitis. Dahil dito, ang kaso ay nagpatuloy lamang laban sa isa pang akusado na si “Toper,” na siyang naaresto at naharap sa hukuman.


Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang mga naturang saksi upang patunayan ang kanilang bersyon ng pangyayari. 


Una, tumestigo si Jane, hipag ng biktima, na nagsabing nandu’n siya sa dalampasigan malapit sa isang “kamalig” na ginagamit bilang buying station ng mga lamang-dagat nang mangyari ang insidente. 


Ayon sa kanya, magkasamang umiinom ng gin ang biktimang si Carlito at ang akusadong si “Dondon.” Nang dumating si “Toper,” hinamon umano niya ang biktima ng suntukan at sinuntok niya ito hanggang sa ito ay bumagsak. Pagkatapos, ayon sa saksi, lumapit si “Dondon” at sinaksak ang biktima gamit ang kutsilyo. Matapos ang pananaksak, tumakas umano ang dalawang akusado patungo sa direksyon ng parola.


Sumunod na tumestigo si Junvic, pamangkin ng biktima at complainant sa kaso. Ayon sa kanya, nalaman niya mula sa isang kamag-anak na si “Dondon” ang sumaksak sa biktima. Bago umano ang pananaksak, hinamon ni “Toper” ang biktima ng suntukan at nasuntok ito. Nang kumuha umano ng kahoy ang biktima upang gumanti, ru’n na sinaksak ni “Dondon” ang biktima.


Samantala, nagbigay naman ng paglilinaw si Dr. Blanco, na nagsagawa ng medico-legal examination sa biktima. 


Ayon sa kanyang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng isang malalim na stab wound sa kanang bahagi ng ibabang tiyan, na nagdulot ng paglabas ng mga laman-loob at siyang naging sanhi ng kamatayan ng biktima.


Sa kabilang banda, ang akusadong si “Toper” ay ipinagtanggol sa tulong ni Manananggol Pambayan Hannibal A. Barruga, Jr. ng PAO- Masbate City, Masbate District Office.


Sa kanyang testimonya, sinabi niya na noong araw ng insidente ay nasa bukid siya at gumagawa ng uling. Hatinggabi na umano siya nakauwi at doon lamang niya nalaman na patay na ang kanyang tiyuhin na si Carlito.


Hindi rin umano siya dumalo sa burol ng biktima dahil galit sa kanya ang mga kamag-anak, sapagkat ang kanyang kapatid na si “Dondon” ang pinaghihinalaang responsable sa pananaksak.


Matapos ang paglilitis, isinaad ng Hukuman ang mga sumusunod: 

Aniya, sa ilalim ng Article 248 ng RPC, ang krimeng Murder ay nagaganap kapag ang isang tao ay pumatay ng kapwa tao na may kasamang alinman sa mga kuwalipikadong sirkumstansya tulad ng treachery, evident premeditation, o paggamit ng superior strength.


Subalit, tulad ng paulit-ulit na ipinapaalala ng Korte Suprema, upang magkaroon ng hatol na pagkakasala, kailangang mapatunayan ang lahat ng elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sa kasong Dayaata, et al. vs. People (G.R. No. 205745, Marso 8, 2017, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen), binigyang-diin ng Kataas-taasang

Hukuman na ang pagkakasala ng akusado ay dapat nakabatay sa lakas ng ebidensya ng prosekusyon at hindi sa kahinaan ng depensa.


Mahalaga ring punto sa kasong ito ang alegasyon ng conspiracy o sabwatan sa pagitan ng dalawang akusado.


Subalit, ayon sa Korte Suprema sa Quidet vs. People (G.R. No. 170289, Abril 8, 2010, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Mariano C. Del Castillo), ang sabwatan ay umiiral lamang kung may malinaw na patunay na ang dalawa o higit pang tao ay nagkasundo sa paggawa ng krimen at kumilos nang may iisang layunin. Ang mga elementong ito ay kailangang mapatunayan din nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sa pagbusisi ng hukuman sa mga inihaing ebidensya, kinilala nito na bagama’t mahina sa pangkalahatan ang depensang alibi, hindi pa rin maaaring ipataw ang hatol batay lamang sa kahinaan ng depensa.


Sa halip, ang hatol ay dapat nakasalalay sa lakas ng ebidensya ng tagausig.

Batay sa testimonya ng nag-iisang eyewitness na si Jane, malinaw na si “Dondon” ang pangunahing gumawa ng pananaksak na naging sanhi ng kamatayan ni Carlito. Ang partisipasyon ni “Toper,” ayon sa saksi, ay ang paghahamon sa biktima ng suntukan at ang pagsuntok dito.


Dahil dito, kinailangan ding suriin ng hukuman kung may sabwatan ba sa pagitan ng dalawang akusado.


Ngunit ayon sa hukuman, ang mga pangyayari ay nagpakita lamang ng sunud-sunod na aksyon na tila kusang naganap—ang suntukan, ang pagkuha ng kahoy ng biktima upang gumanti, at ang biglaang pananaksak ni “Dondon”. Sa ganitong daloy ng pangyayari, walang malinaw na ebidensya na nagpapakita ng unity of action o pinag-isang layunin sa pagitan ng dalawang akusado.


Dagdag pa rito, ayon sa medico-legal findings ni Dr. Blanco, iisa lamang ang sugat na natamo ng biktima—ang saksak sa tiyan, na malinaw na maiuugnay lamang sa kilos ni “Dondon”.


Walang ebidensyang ipinakita ang tagausig na ang suntok na ibinibintang kay “Toper” ay nagdulot ng anumang pinsala sa biktima.


Sa kawalan ng sabwatan, sinabi ng hukuman na ang bawat akusado ay maaari lamang managot sa sariling kilos. Sa kasong ito, ang nagdulot ng nakamamatay na sugat ay ang akusadong nananatiling hindi pa nadadakip.


Dahil sa kabiguang patunayan ng tagausig ang pagkakasala ni “Toper” nang lampas sa makatuwirang pagdududa, siya ay pinawalang-sala ng hukuman at iniutos ang kanyang pagpapalaya mula sa kustodiya ng batas.


Samantala, ang kaso laban sa isa pang akusado—si “Dondon” ay in-archive at inatasan ang paglabas ng alias warrant of arrest upang siya ay madakip at maiharap sa paglilitis.

Sa ganitong mga pagkakataon, hindi iisa ang pinanggagalingan ng daing.


May daing ang pamilya ng biktimang si Carlito, sapagkat ang taong itinuturong sumaksak sa kanya ay hindi pa rin nahaharap sa hukuman.


Ngunit may daing din ang isang taong nadawit sa krimen at kinaharap ang bigat ng paratang—si “Toper,” na naharap sa paglilitis sa kabila ng kakulangan ng ebidensya upang patunayang siya ang may kagagawan ng nakamamatay na sugat.


Sapagkat sa ilalim ng batas, ang kalayaan ng isang tao ay hindi maaaring ipagkait batay lamang sa hinala o presensya sa tagpo ng krimen. Kapag ang ebidensya ay may puwang, ang hukuman ay walang ibang magagawa kundi pairalin ang prinsipyong matagal nang sandigan ng hustisya—ang pagpapalaya sa akusadong hindi napatunayang nagkasala.


Samantala, ang paghahanap ng ganap na katarungan para sa biktima ay nananatiling naghihintay sa araw na ang tunay na salarin ay maiharap sa hukuman at mapanagot sa ilalim ng batas.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 8, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #386


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Conrado Lapinig y Daluran alyas “Dodong” and Ricky Balo y Calderon (Crim. Case No. 1748, December 24, 2008), ay tungkol sa hindi inaasahang pagpanaw ng biktima na si Ruben, na pinaslang sa kalaliman ng gabi.


Sa mga kuwentong tulad nito, mapapaisip tayo na sadyang panandalian lamang ang ating hiram na buhay. Kung kailan magwawakas ang oras natin sa mundong ito ay hindi natin malalaman hanggang sa kaharapin na natin sa mata ang napipinto nating kamatayan.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kasong ito, sa panulat ni Hon. Bernadette Paredes-Encinareal, Judge, Branch 12, Regional Trial Court of Oroquieta City, at alamin kung ang mga inakusahan sa pamamaslang kay Ruben ay tuluyang napatawan ng parusang pagkabilanggo.


Batay sa paratang para sa kasong Murder na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Oroquieta City, Misamis Occidental, nagtulungan at nagsabwatan diumano sina Dodong at Ricky, na may intensiyon na pumaslang. Sa pamamagitan ng kaliluhan at paggamit ng higit na lakas, sinalakay at pinagsasaksak nila ang biktimang si Ruben gamit ang isang matalim na sandata. Ang mga malulubhang sugat na tinamo ni Ruben sa kaliwang bahagi ng likod ng kanyang katawan ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Naganap ang malagim na insidente alas-11:30 ng gabi, noong ika-27 ng Setyembre 2006 sa isang barangay sa Jimenez, Misamis Occidental. Sa tulong at representasyon ng noo’y Manananggol Pambayan na si D.B. Apao Jr. ng PAO-Oroquieta District Office, mariing itinanggi nina Dodong at Ricky ang anumang kinalaman sa sinapit ni Ruben.


Matapos magsagawa ng mga paglilinaw na katanungan, naghain ng mosyon ang piskal na may hawak sa nasabing kaso upang ibasura ang reklamo laban kay Ricky, na ipinagkaloob ng hukuman ng paglilitis.


Matapos ang pre-trial, tumuloy ang paglilitis laban kay Dodong.Batay sa testimonya ni Angelita, ang naulilang maybahay ni Ruben, binawian ng buhay si Ruben, noong ika-28 ng Setyembre 2006, matapos na masaksak ito noong gabi ng ika-27 ng Setyembre 2006, sa terrace ng kanilang bahay.


Natutulog na umano siya at ginising lamang umano siya nina Eugene at isang nagngangalang Bendita upang ipaalam na nasaksak si Ruben. Agad umano niyang pinuntahan ang kanyang asawa na noon ay sugatan, at humingi umano ng tulong si Ruben at sinabi na si Dodong ang sumaksak sa kanya.Tinanong muli ni Angelita si Ruben ukol sa naganap na pananaksak at sinabi umano nito na si Dodong ang salarin.


Hanggang sa maisugod sa pagamutan si Ruben, sinasabi umano nito kay Angelita na si Dodong ang sumaksak sa kanya.


Ayon din kay Angelita, maliwanag sa kanilang terrace at naroon ang mga kaibigan ng kanyang asawa na sina Rere, Rodel, Eugene, Cocoy, Marlon, at Evangelisto. May ilang beses din umano, habang sila ay nasa pagamutan, na tinanong ni Ruben si Angelita kung ano ang kasalanan niya upang siya ay saksakin ni Dodong.


Diumano, ang huling pagkakataon na nakita ni Angelita si Dodong ay noong umaga bago maganap ang pananaksak kay Ruben. Hindi niya umano nakita si Dodong bago siya matulog o noong mismong naganap ang pananaksak.


Ang bahay umano ni Dodong ay may tatlong bloke mula sa tapat ng kanilang bahay sa may hangganan ng kalsada. Wala umano siyang nalalaman na gusot sa pagitan nina Ruben at Dodong, maging sa pagitan ng iba pang mga kaibigan ni Ruben na naroon noong gabing iyon.


Si Ricky umano ang pinaghinalaan ni Angelita na may kinalaman sa pananaksak dahil may gusot diumano sa pagitan ng dalawa. Sinabi rin umano sa kanya ng guwardiya ni Alkalde Quimbo na nakita nito sina Dodong at Ricky bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-27 ng Setyembre 2006 na lasing na dumating sa bahay ng naturang alkalde.


Si Dr. Recamadas ang sumuri kay Ruben noong isugod ito sa pagamutan. Ayon sa kanyang testimonya, nasa stretcher na umano sa emergency room ang biktima at mababa na ang blood pressure nito, ngunit meron pa itong malay at nakakausap pa.Diumano, ang sugat na tinamo ni Ruben ay maaaring nakaapekto sa kanyang baga.


Pumanaw si Ruben bandang alas-7:00 ng umaga, noong ika-28 ng Setyembre 2006. Ang sanhi ng kanyang kamatayan ay “Cardiorespiratory arrest secondary to puncture wound in the left subscapular area with massive hemorrhage to the thoracic cavity.


”Para naman sa depensa, iginiit ni Dodong ang kanyang kawalan ng kasalanan.


Kilala umano niya si Ruben, sapagkat kapwa sila operator ng lagarian ng isang nagngangalang Jojo. Marami umano siyang kamag-anak sa kanilang lugar na may kaparehong apelyido, kabilang na ang isa pang kilala bilang Dodong ng Naga. Wala umano silang hindi pagkakaintindihan o gusot ni Ruben.


Diumano, nasa bahay ni Alkalde Quimbo si Dodong at nag-aalaga ng mga baboy bandang alas-6:00 ng gabi, noong ika-27 ng Setyembre 2006. At nang siya’y umuwi sa kanilang bahay, hindi na umano siya dumaan sa bahay ni Ruben at nagpahinga na lamang.


Mula umano sa bahay ng Alkalde ay madadaanan niya ang bahay ng ama ng Alkalde, kung saan sa likod matatagpuan ang lagarian at ang bahay ni Ruben, may 70 metro ang layo. 500 metro naman diumano ang pagitan ng kanyang bahay at ang bahay ni Ruben.


Diumano, ginising siya ng mga pulis alas-11:30 ng gabing iyon at tinanong siya kung kilala niya si Ruben at kung alam niya kung ano ang nangyari. Tumugon siya na hindi niya umano alam. Ang huling pagkakataon na nakita niya umano si Ruben ay noong umaga pa ng ika-26 ng Setyembre 2006. Boluntaryo umanong sumama si Dodong sa bulwagan ng munisipyo, kung saan siya ay tinanong ukol sa sinapit ni Ruben. Mariin niya umanong muling sinagot na wala siyang alam. Hindi na umano siya pinauwi at sumunod ay ikinulong na siya.


Mabusisi na inaral ng hukuman ng paglilitis kung matatanggap bilang katibayan laban sa akusadong si Dodong ang mga naging huling deklarasyon o dying declaration ni Ruben, kung saan itinuro diumano nito si Dodong bilang may-akda ng pananaksak sa kanya.


Sa pagdedesisyon sa kaso na ito, binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis ang panuntunan na ipinahayag ng ating Korte Suprema sa kasong Maturillaas vs. People (487 SCRA 273) kaugnay sa pagtataguyod ng mga mahahalagang sirkumstansya upang sumapat bilang katibayan ang isang dying declaration, at ito ay ang mga sumusunod: (1) ang deklarasyon ay tumutukoy sa sanhi at mga pangyayari na bumubuo sa kamatayan ng nagdeklara; (2) ito ay sinabi ng nagdeklara nang merong kamalayan sa napipinto niyang kamatayan; (3) ito ay malaya at boluntrayo niyang sinabi, walang pamimilit o mungkahi nang hindi wastong impluwensya; (4) ito ay iniaalok sa isang kasong kriminal na kung saan ang paksa ng pagsisiyasat ay ang pagkamatay ng nagdeklara; at (5) ang nagdeklara ay merong kakayahan na tumayo bilang saksi, kung siya man ay maipatatawag pa upang magbigay ng kanyang testimonya. Hindi man tahasan ang pahayag ng nagdeklara ukol sa kamalayan ng napipinto niyang kamatayan, ang kalubhaan ng tinamo niyang sugat at ang katotohanan na ang kamatayan ay mangyayari ilang sandali na lamang ay mga salik na maaaring isaalang-alang na upang sumapat bilang katibayan ang huling deklarasyon nang merong buong kamalayan ang nagdeklara na maaari na siyang bawian ng buhay.


Para sa RTC, hindi naitaguyod ng tagausig na ang huling deklarasyon ni Ruben ay tumukoy sa sanhi at mga pangyayari na bumubuo sa kanyang kamatayan.


Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na kinakailangan na ang dying declaration ay buo o ganap sa sarili nito, alinsunod sa doctrine of completeness na ipinahayag sa klasiko na akda ni Prof. Wigmore, na ang pahayag na iniaalok bilang ebidensya ay hindi dapat bahagi lamang ng kabuuan ng ipinahayag ng nagdeklara; bagkus, ito ay dapat kumpleto ng lahat ng detalye ng ninais niyang ipahayag. 


Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na magkakasang-ayon ang nasa testimonya ni Angelita na sinabi umano ni Ruben na si Dodong ang sumaksak sa kanya at ang pagtatanong nito kung bakit siya sinalakay ni Dodong. 


Gayunpaman, walang ibang saksi na nagpatunay o sumuporta sa testimonya ni Angelita. Wala rin umanong nabanggit ang biktima kaugnay sa sanhi at mga pangyayari kung bakit siya sinaksak, maging ang posible na motibo ng pananalakay sa kanya. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ni Ruben ng halos pitong oras – mula alas-12:30 ng hatinggabi hanggang sa siya ay bawian ng buhay bandang alas-7:00 ng umaga noong ika-28 ng Setyembre 2006 upang isalaysay ang naging gulo o sigalot sa pagitan niya at ng taong sumaksak sa kanya, maging ang motibo kaugnay nito. Sa loob ng mga oras na iyon ay meron pang malay at nakapagsasalita pa si Ruben, ayon na rin sa doktor na sumuri sa kanya. 


Subalit walang ipinrisinta ang tagausig ukol sa mga impormasyon na iyon. Ang butas o kakulangan na ito ang naging dahilan upang masabi ng hukuman ng paglilitis na hindi buo o ganap ang huling deklarasyon ni Ruben upang tanggapin bilang katibayan laban kay Dodong.


Kung kaya’t minarapat ng hukuman ng paglilitis na igawad kay Dodong ang hatol ng pagpapawalang-sala. Ang desisyon na ito ng RTC Oroquieta City, na nilagdaan noong ika-24 ng Disyembre 2008, ay hindi na inapela o kinuwestyon pa.


Sa mundong ito na walang tiyak maliban sa kamatayan, kinakailangan talaga nating pahalagahan ang bawat oras, minuto, at segundo na ipinahiram lamang sa atin.


Lahat ng bagay ay panandalian, maging ang ating mga mahal sa buhay. Bukas o sa makalawa ay maaari na hindi na natin sila mayakap at mahagkan.


Nakalulungkot na hindi nakamit ng kaluluwa ni Ruben ang hustisya kaugnay sa malagim niyang sinapit. Hindi naipagbayad at naibilanggo ang salarin sa kanyang pagkamatay.


Nawa ay hindi na maulit pa ang ganitong uri ng kabiguan ng hustisya para sa mga biktima. Dalangin namin na ang bawat biktima ng krimen, lalo na ang mga pinaslang ay makamit ang katarungan upang ang kanilang kaluluwa ay makamtan ang katahimikan, at ang pagdaing nila mula sa hukay ay tuluyang matuldukan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page