ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 16, 2026
ISSUE #387
Sa katahimikan ng isang hapon, lalo na sa lugar kung saan karagatan ang karaniwang saksi sa pang-araw-araw na pamumuhay, may mga pangyayaring biglang sumasabog sa gitna ng ordinaryong sandali. Isang hamon, suntok, iglap ng galit, at sa loob lamang ng ilang segundo, maaaring mauwi ang lahat sa trahedya.
Kapag may nasawi, madalas na may mga tanong na agad naghahanap ng sagot, “Sino ang may sala?,” “Sino ang dapat managot?” Ngunit, sa harap ng batas, hindi sapat ang hinala o emosyon upang maghatol ng pagkakasala.
Sapagkat sa ating sistemang kriminal, may isang prinsipyong hindi maaaring isantabi—ang presumption of innocence. Ito ang panuntunang nagsasaad na ang isang akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t hindi napatutunayan ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Batay sa kasong People of the Philippines vs. Regala, Criminal Case No. xx827, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 46, Masbate City, sa panulat ni Presiding Judge Teofilo B. Tambago, sinuri ng hukuman kung napatunayan nga ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng akusado sa kasong Murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code (RPC).
Bilang pagbabahagi, ayon sa impormasyon na inihain ng tagausig, noong ika-24 ng Disyembre 2008, bandang alas-4:30 ng hapon, sa Sitio Bugui, Brgy. Gumanang, Aroroy, Masbate, ang dalawang akusado sa kasong ito ay tatawagin nating “Toper” at Alyas “Dondon,” diumano ay nagkaisa at nagtulungan sa pag-atake sa biktimang si Carlito.
Ayon sa paratang, sinalakay umano ang biktima sa pamamagitan ng pananakit at pananaksak gamit ang matalas na patalim, na nagdulot ng sugat sa tiyan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Subalit sa pag-usad ng kaso, lumitaw ang isang mahalagang pangyayari: Hindi nadakip ang isa sa mga akusado. Si “Dondon,” na siyang itinuturong sumaksak sa biktima, ay nanatiling at large at hindi naharap sa paglilitis. Dahil dito, ang kaso ay nagpatuloy lamang laban sa isa pang akusado na si “Toper,” na siyang naaresto at naharap sa hukuman.
Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang mga naturang saksi upang patunayan ang kanilang bersyon ng pangyayari.
Una, tumestigo si Jane, hipag ng biktima, na nagsabing nandu’n siya sa dalampasigan malapit sa isang “kamalig” na ginagamit bilang buying station ng mga lamang-dagat nang mangyari ang insidente.
Ayon sa kanya, magkasamang umiinom ng gin ang biktimang si Carlito at ang akusadong si “Dondon.” Nang dumating si “Toper,” hinamon umano niya ang biktima ng suntukan at sinuntok niya ito hanggang sa ito ay bumagsak. Pagkatapos, ayon sa saksi, lumapit si “Dondon” at sinaksak ang biktima gamit ang kutsilyo. Matapos ang pananaksak, tumakas umano ang dalawang akusado patungo sa direksyon ng parola.
Sumunod na tumestigo si Junvic, pamangkin ng biktima at complainant sa kaso. Ayon sa kanya, nalaman niya mula sa isang kamag-anak na si “Dondon” ang sumaksak sa biktima. Bago umano ang pananaksak, hinamon ni “Toper” ang biktima ng suntukan at nasuntok ito. Nang kumuha umano ng kahoy ang biktima upang gumanti, ru’n na sinaksak ni “Dondon” ang biktima.
Samantala, nagbigay naman ng paglilinaw si Dr. Blanco, na nagsagawa ng medico-legal examination sa biktima.
Ayon sa kanyang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng isang malalim na stab wound sa kanang bahagi ng ibabang tiyan, na nagdulot ng paglabas ng mga laman-loob at siyang naging sanhi ng kamatayan ng biktima.
Sa kabilang banda, ang akusadong si “Toper” ay ipinagtanggol sa tulong ni Manananggol Pambayan Hannibal A. Barruga, Jr. ng PAO- Masbate City, Masbate District Office.
Sa kanyang testimonya, sinabi niya na noong araw ng insidente ay nasa bukid siya at gumagawa ng uling. Hatinggabi na umano siya nakauwi at doon lamang niya nalaman na patay na ang kanyang tiyuhin na si Carlito.
Hindi rin umano siya dumalo sa burol ng biktima dahil galit sa kanya ang mga kamag-anak, sapagkat ang kanyang kapatid na si “Dondon” ang pinaghihinalaang responsable sa pananaksak.
Matapos ang paglilitis, isinaad ng Hukuman ang mga sumusunod:
Aniya, sa ilalim ng Article 248 ng RPC, ang krimeng Murder ay nagaganap kapag ang isang tao ay pumatay ng kapwa tao na may kasamang alinman sa mga kuwalipikadong sirkumstansya tulad ng treachery, evident premeditation, o paggamit ng superior strength.
Subalit, tulad ng paulit-ulit na ipinapaalala ng Korte Suprema, upang magkaroon ng hatol na pagkakasala, kailangang mapatunayan ang lahat ng elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Sa kasong Dayaata, et al. vs. People (G.R. No. 205745, Marso 8, 2017, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen), binigyang-diin ng Kataas-taasang
Hukuman na ang pagkakasala ng akusado ay dapat nakabatay sa lakas ng ebidensya ng prosekusyon at hindi sa kahinaan ng depensa.
Mahalaga ring punto sa kasong ito ang alegasyon ng conspiracy o sabwatan sa pagitan ng dalawang akusado.
Subalit, ayon sa Korte Suprema sa Quidet vs. People (G.R. No. 170289, Abril 8, 2010, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Mariano C. Del Castillo), ang sabwatan ay umiiral lamang kung may malinaw na patunay na ang dalawa o higit pang tao ay nagkasundo sa paggawa ng krimen at kumilos nang may iisang layunin. Ang mga elementong ito ay kailangang mapatunayan din nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Sa pagbusisi ng hukuman sa mga inihaing ebidensya, kinilala nito na bagama’t mahina sa pangkalahatan ang depensang alibi, hindi pa rin maaaring ipataw ang hatol batay lamang sa kahinaan ng depensa.
Sa halip, ang hatol ay dapat nakasalalay sa lakas ng ebidensya ng tagausig.
Batay sa testimonya ng nag-iisang eyewitness na si Jane, malinaw na si “Dondon” ang pangunahing gumawa ng pananaksak na naging sanhi ng kamatayan ni Carlito. Ang partisipasyon ni “Toper,” ayon sa saksi, ay ang paghahamon sa biktima ng suntukan at ang pagsuntok dito.
Dahil dito, kinailangan ding suriin ng hukuman kung may sabwatan ba sa pagitan ng dalawang akusado.
Ngunit ayon sa hukuman, ang mga pangyayari ay nagpakita lamang ng sunud-sunod na aksyon na tila kusang naganap—ang suntukan, ang pagkuha ng kahoy ng biktima upang gumanti, at ang biglaang pananaksak ni “Dondon”. Sa ganitong daloy ng pangyayari, walang malinaw na ebidensya na nagpapakita ng unity of action o pinag-isang layunin sa pagitan ng dalawang akusado.
Dagdag pa rito, ayon sa medico-legal findings ni Dr. Blanco, iisa lamang ang sugat na natamo ng biktima—ang saksak sa tiyan, na malinaw na maiuugnay lamang sa kilos ni “Dondon”.
Walang ebidensyang ipinakita ang tagausig na ang suntok na ibinibintang kay “Toper” ay nagdulot ng anumang pinsala sa biktima.
Sa kawalan ng sabwatan, sinabi ng hukuman na ang bawat akusado ay maaari lamang managot sa sariling kilos. Sa kasong ito, ang nagdulot ng nakamamatay na sugat ay ang akusadong nananatiling hindi pa nadadakip.
Dahil sa kabiguang patunayan ng tagausig ang pagkakasala ni “Toper” nang lampas sa makatuwirang pagdududa, siya ay pinawalang-sala ng hukuman at iniutos ang kanyang pagpapalaya mula sa kustodiya ng batas.
Samantala, ang kaso laban sa isa pang akusado—si “Dondon” ay in-archive at inatasan ang paglabas ng alias warrant of arrest upang siya ay madakip at maiharap sa paglilitis.
Sa ganitong mga pagkakataon, hindi iisa ang pinanggagalingan ng daing.
May daing ang pamilya ng biktimang si Carlito, sapagkat ang taong itinuturong sumaksak sa kanya ay hindi pa rin nahaharap sa hukuman.
Ngunit may daing din ang isang taong nadawit sa krimen at kinaharap ang bigat ng paratang—si “Toper,” na naharap sa paglilitis sa kabila ng kakulangan ng ebidensya upang patunayang siya ang may kagagawan ng nakamamatay na sugat.
Sapagkat sa ilalim ng batas, ang kalayaan ng isang tao ay hindi maaaring ipagkait batay lamang sa hinala o presensya sa tagpo ng krimen. Kapag ang ebidensya ay may puwang, ang hukuman ay walang ibang magagawa kundi pairalin ang prinsipyong matagal nang sandigan ng hustisya—ang pagpapalaya sa akusadong hindi napatunayang nagkasala.
Samantala, ang paghahanap ng ganap na katarungan para sa biktima ay nananatiling naghihintay sa araw na ang tunay na salarin ay maiharap sa hukuman at mapanagot sa ilalim ng batas.


