top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 5, 2023



Dear Chief Acosta,


Ako ay nakabili ng lupa mula sa aking pinsan. Bago ko pa ito bilhin, alam kong nakasangla ito sa ibang tao, at napagkasunduan namin ng pinsan ko na bahagi ng halaga ng aking ibinayad sa kanya ay gagamitin niya upang bayaran ang kanyang pagkakautang sa nasabing tao upang maipakansela na ang pagkakasangla nito.


Noong nakaraang buwan, pinuntahan ako ng taong kanyang pinagsanlaan at sinabi na walang bisa ang aking pagbili sapagkat nakasaad sa kanilang Deed of Real Estate Mortgage na ang nasabing lupa ay hindi maaaring ipagbili ng aking pinsan nang walang pahintulot mula sa kanya. Tama ba ‘yun? –Adam


Dear Adam,


Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o ang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 428 at 2130 na:


“Art. 428. The owner has the right to enjoy and dispose of a thing, without other limitations than those established by law.


Art. 2130. A stipulation forbidding the owner from alienating the immovable mortgaged shall be void.”


Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Sps. Litonjua et al. v. L&R Corporation, et al., G.R. No. 130722 09 December 1999, Ponente: Retired Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago, na:


“True, the provision does not absolutely prohibit the mortgagor from selling his mortgaged property; but what it does not outrightly prohibit, it nevertheless achieves. For all intents and purposes, the stipulation practically gives the mortgagee the sole prerogative to prevent any sale of the mortgaged property to a third party. The mortgagee can simply withhold its consent and thereby, prevent the mortgagor from selling the property. This creates an unconscionable advantage for the mortgagee and amounts to a virtual prohibition on the owner to sell his mortgaged property. In other words, stipulations like those covered by paragraph 8 of the subject Deed of Real Estate Mortgage circumvent the law, specifically, Article 2130 of the New Civil Code.


Being contrary to law, paragraph 8 of the subject Deed of Real Estate Mortgage is not binding upon the parties. Accordingly, the sale made by the spouses Litonjua to PWHAS, notwithstanding the lack of prior written consent of L & R Corporation, is valid.”


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas at desisyon ng Korte Suprema, ang iyong pinsan na siyang nagmamay-ari ng lupa ay may karapatang ibenta o isangla ang kanyang pag-aari. Ang anumang kasunduang sangla na hahadlang sa nasabing karapatan ay mariing ipinagbabawal. Kaugnay nito, ang kasunduang nakalakip sa Deed of Real Estate Mortgage na kung saan pinagbabawalan ang iyong pinsan na ipagbili ang kanyang lupa maliban lamang kung ito ay may pagsang-ayon o pahintulot mula sa partidong kanyang pinagsanglaan, ay walang bisa. Samakatuwid, ang iyong pagbili sa nasabing lupa ay wasto kung ang inyong transaksyon ay naganap ayon sa mga alituntuning itinalaga ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 4, 2023



Dear Chief Acosta,


Ako ay nakatanggap ng sulat, kung saan nakasaad na ako ay nanalo sa isang raffle.


Wala naman akong kailangang bayaran para makuha ito, ngunit kailangan kong pumunta sa kanilang opisina para makuha ito. Tinawagan ko ang numerong nakasaad sa sulat, ipinagtataka ko lang kung paano nila nakuha ang address ko, gayung wala naman akong sinalihang raffle. Tinanong ko kung paano nila nakuha ang aking address, at ano pang personal impormasyon ko ang mayroon sila. Sinabi ng kausap ko na hindi diumano niya maaaring ibigay ang nasabing impormasyon sapagkat ang pagbibigay nito ay ipinagbabawal sa kanilang kumpanya. Tama ba ‘yun? –Audris


Dear Audris,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 10173 o mas kilala bilang “Data Privacy Act of 2012” Nakasaad sa Sections 16 (c) at 25 ng batas na:


“SEC. 16. Rights of the Data Subject. – The data subject is entitled to:


(c) Reasonable access to, upon demand, the following:


(1) Contents of his or her personal information that were processed;

(2) Sources from which personal information were obtained;

(3) Names and addresses of recipients of the personal information;

(4) Manner by which such data were processed;

(5) Reasons for the disclosure of the personal information to recipients;

(6) Information on automated processes where the data will or likely to be made as the sole basis for any decision significantly affecting or will affect the data subject;

(7) Date when his or her personal information concerning the data subject were last accessed and modified; and

(8) The designation, or name or identity and address of the personal information controller; xxx


SEC. 25. Unauthorized Processing of Personal Information and Sensitive Personal Information.


– (a) The unauthorized processing of personal information shall be penalized by imprisonment ranging from one (1) year to three (3) years and a fine of not less than Five hundred thousand pesos (Php500,000.00) but not more than Two million pesos (Php2,000,000.00) shall be imposed on persons who process personal information without the consent of the data subject, or without being authorized under this Act or any existing law.”


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang isang data subject, o ang taong kinuhanan ng personal na impormasyon ay may karapatang malaman ang mga impormasyon patungkol sa kanya. Kaugnay nito, ang isang data subject ay may karapatan na magkaroon ng access kaugnay sa mga impormasyong nabanggit sa itaas, kabilang na ang pagkakaroon ng access sa kanyang personal na impormasyon na nasa tala ng isang kumpanya o organisasyon, at ang impormasyon kung saan nakuha ng nasabing kumpanya ang kanyang pagkakakilanlan. Ang paglabag sa nasabing na batas ay may katumbas na kaparusahan na pagkakakulong o multa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 3, 2023



Dear Chief Acosta,


Ako ay may-ari ng isang negosyo na nakarehistro bilang isang Barangay Micro Business Enterprise. Mayroon kaming 11 empleyado. Kinakailangan ba namin sumunod sa mandato ng minimum wage sa aming mga empleyado? –Ben


Dear Ben,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 8 ng Republic Act No. 9178 o mas kilala bilang “Barangay Micro Business Enterprise Act of 2002” na ang mga negosyong nakarehistro bilang isang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) ay hindi saklaw ng batas ukol sa pagbabayad ng minimum wage. Ayon dito:


“Section 8. Exemption from the Coverage of the Minimum Wage Law – The BMBEs shall be exempt from the coverage of the Minimum Wage Law: Provided, That all employees covered under this Act shall be entitled to the same benefits given to any regular employee such as social security and healthcare benefits.”


Samakatuwid, kung ang negosyong iyong pagmamay-ari ay rehistrado sang-ayon sa batas na nabanggit, kahit na higit sa 10 ang iyong empleyado, ay hindi mo kailangan sumunod sa pagbabayad ng minimum wage, dahil ang batayan ng batas ay ang pagrehistro bilang BMBE at hindi ang dami ng iyong empleyado. Hindi ito kagaya ng exemption sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o mas kilala bilang “Wage Rationalization Act,” kung saan bilang ng empleyado ang basehan ng exemption sa minimum wage.


Gayunpaman, hindi dapat mabago ang sakop ng benepisyo sa social security at healthcare benefits para sa iyong mga empleyado.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page