top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 29, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Narinig ko ang aking ina na diumano ay nais niyang ipakasal ang aking menor-de-edad na anak sa mayamang anak ng kanyang kaibigan. Dahil diumano ay menor-de-edad pa ang aking anak, nais niya na mag-live in muna ang dalawa. Nais ko sanang malaman kung legal ba ito. – Hidelyn



Dear Hidelyn, 


Isinabatas ang Republic Act No. 11596 (R.A. No. 11596), o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations,” upang tugunan ang mga kasalang kinasasangkutan ng mga bata. Pinagtitibay ng batas na ito ang pagkilala ng Estado na ang kasal ay dapat pasukin lamang nang may malaya at ganap na pagsang-ayon ng mga partidong may karapatang magpakasal, at ang pagpapakasal o pag-aasawa ng bata ay walang bisa. Alinsunod dito, itinuturing ng Estado ang kasal ng bata bilang isang anyo ng pang-aabuso sa bata, sapagkat nilalabag nito ang likas na halaga at dignidad ng mga bata.


Para sa iyong kaalaman, ang salitang bata na tinutukoy ng batas ay tumutukoy sa sinumang tao na wala pang 18 taong gulang, o sinumang 18 taong gulang o higit pa ngunit hindi kayang ganap na pangalagaan at ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa pang-aabuso, kapabayaan, kalupitan, pagsasamantala, o diskriminasyon dahil sa pisikal o mental na kapansanan o kondisyon. 


Samantala, ang kasal ng bata o child marriage na tinutukoy ng batas ay anumang kasal na pinasok kung saan ang isa o parehong partido ay bata, at isinagawa sa pamamagitan ng sibil o simbahang proseso, o sa anumang kinikilalang tradisyunal, kultural, o nakaugaliang paraan. Kabilang din dito ang impormal na pagsasama o pakikipag-live in, sa loob man o labas ng kasal, sa pagitan ng isang nasa hustong gulang at isang bata, o sa pagitan ng dalawang bata:


Section 3. Definition of Terms. – As used in this Act: 

(b) Child marriage refers to any marriage entered into where one or both parties are children as defined in the paragraph above, and solemnized in civil or church proceedings, or in any recognized traditional, cultural or customary manner. It shall include an informal union or cohabitation outside of wedlock between an adult and a child, or between children;”


Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 4 ng nasabing batas na ang sinumang magdudulot, mag-aayos, magpapadali, o magsasagawa ng kasal ng bata ay papatawan ng parusang prisión mayor sa katamtamang antas nito at multang hindi bababa sa ₱40,000 Bukod pa rito, kung ang nagkasala ay isang ascendant, magulang, umampon na magulang, madrasta, o tagapag-alaga ng bata, ang parusa ay prisión mayor sa pinakamataas na antas nito, o multang hindi bababa sa ₱50,000, at panghabambuhay na pagkawala ng awtoridad bilang magulang o tagapag-alaga. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 28, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong katanungan ukol sa sitwasyon ng aking panganay na kapatid. Nanganak siya apat na buwan na ang nakalipas at kamakailan lamang ay bumalik na sa trabaho matapos ang kanyang maternity leave. Siya ay nag-aalala ngayon na kung gagamit siya ng lactation station nang higit sa isang beses sa isang araw, maaaring maapektuhan ang kanyang sahod o kompensadong oras ng trabaho. Mayroon bang limitasyon sa oras o mga patakaran sa ilalim ng ating batas tungkol dito? Maraming salamat sa inyong tugon. Jovan



Dear Jovan,


Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 10028, na kilala rin bilang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009,” pinoprotektahan ang mga babaeng manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas at malusog na mga kondisyon sa trabaho. Kabilang dito ang pagbibigay ng konsiderasyon sa kanilang mga tungkulin bilang ina, gayundin ang pagkakaloob ng mga pasilidad at oportunidad na magpapabuti sa kanilang kapakanan.


Kaugnay nito, ang mga lactation breaks ay itinuturing na bahagi ng oras ng trabaho at, samakatuwid, ay hindi dapat ibawas sa arawang sahod o kompensasyon ng isang manggagawang ina. Minsan man o ilang beses sa isang araw magpahinga ang isang nagpapasusong ina, ang mga panahong ito ay itinuturing pa rin bilang oras ng pagtatrabaho. May legal na obligasyon ang mga employer na suportahan ito, at hindi maaaring parusahan ang isang manggagawang ina dahil sa paggamit ng pahinga upang maglabas ng gatas, sapagkat ito ay isang pangunahing karapatang ipinagkaloob ng batas upang matiyak ang kalusugan at kapakanan ng parehong ina at anak. Ito ay malinaw na nakasaad sa ilalim ng Seksyon 12 ng R.A. No. 10028 na:


Sec. 12. Lactation Periods. – Nursing employees shall be granted break intervals in addition to the regular time-off for meals to breastfeed or express milk. These intervals, which shall include the time it takes an employee to get to and from the workplace lactation station, shall be counted as compensable hours worked. The Department of Labor and Employment (DOLE) may adjust the same: Provided, That such intervals shall not be less than a total of forty (40) minutes for every eight (8)-hour working period.” (Section 7, R.A. No. 10028, amending Section 12, R.A. No. 7600)


Sa sitwasyon ng iyong panganay na kapatid, hindi siya dapat mag-alala kung gagamit siya ng lactation station nang higit sa isang beses sa isang araw sa kanilang lugar ng trabaho, basta’t saklaw ito ng oras na itinakda sa Seksyon 12 ng R.A. No. 10028. Ang mga oras na ginugol sa paggamit ng lactation station ay itinuturing na bayad na oras ng trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

by Info @News | January 28, 2026



Public Attorney’s Office (PAO) / Atty. Persida Rueda-Acosta

Photo: Public Attorney’s Office (PAO) / Atty. Persida Rueda-Acosta



Umabot sa halos 48 milyong mahihirap na Pilipino ang natulungan at 302,000 Persons Deprived of Liberty (PDLs) naman ang napalaya sa mga kulungang-rehas ng Public Attorney’s Office (PAO) mula noong unang araw nang pag-upo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hanggang nitong Disyembre 2025.


Kilala bilang “Numero Unong Tagapagtanggol ng Maralitang Pinoy,” ang PAO na pinamumunuan ni Atty. Persida Rueda-Acosta ay patuloy na tinatangkilik lalo na ng mga mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa hukuman at iba pang lugar dahil na rin sa kasalatan sa pera.


Base sa rekord ng PAO, may 1,753,374 na iba’t-ibang kaso ang nahawakan ng mga public attorneys na nagmula sa mga sangay nito sa buong bansa.


Kung saan nakakuha ito ng favorable disposition rate na 87.14% para sa mga kasong kriminal, nakamit ng PAO ang pangkalahatang favorable disposition rate na 83.27% sa lahat ng mga kaso na hinawakan at ipinagtanggol nito.


Lumalabas na may bilang na 88,444 na mahihirap na Pinoy na nasasakdal ang nagawang mapawalang-sala dahil na rin sa masigasig na pagtatanggol ng PAO lawyers sa loob ng nasabing katulad na panahon.


Tinaguriang ‘most trusted’ mula sa hanay ng sektor ng katarungan ayon na rin sa lumabas na survey ng Social Weather Station noong 2021, nagawang mapangasiwaan ni Rueda-Acosta ang ahensya ng maayos at walang bahid na korupsiyon sa kabila ng kakulangan sa budget at maging sa bilang ng public attorneys kung ihahambing sa dami ng bilang ng mga Pinoy na umaasa sa libreng serbisyong-legal nito.



Mga larawan mula sa Bureau of Corrections



Hindi nagkasya sa chief public attorney ang maghintay na lamang sa mga maralitang Pinoy na pumupunta sa PAO branches o tawag sa hotline nito upang humingi ng tulong.


Sa suporta ng team nito na pinangungunahan nina Deputy Chief Public Attorney Erwin Erfe, Deputy Chief Ana Lisa Soriano at PAO-Metro Manila Director Revelyn Ramos-Dacpano at iba pang opisyales nito, itinatag mismo ni Rueda-Acosta ang sarili nitong online program na #PALA (Persida Acosta’s Legal Advice) na mapapanood sa Facebook at sa iba pang social media platforms kung saan mas maraming mamamayan ang tumatangkilik at nabibigyan ng agarang serbisyo ng ahensya.


Malaking pasasalamat din ang ipinahatid ng PAO officials mismo kay First Lady Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos’ dahil sa pag-imbita ng huli na sumama ang PAO sa “Lab for All” caravan kung saan mas maraming maralitang Pinoy ay nagagawang matulungan nito.


Ayon sa PAO chief, hindi nakapagtatakang patuloy na makuha ng PAO ang buo at mataas na pagtitiwala ng sambayanang Pilipino dahil sa tatlong guiding parameters ng kanyang liderato – ang transparency, accountability at empowerment.


“Everybody can text or communicate directly with me through my public phone, any time, day and night that I see and read myself. I would know quickly the problem of every Filipino,” saad nito.


“That is transparency and that includes how PAO spends its budget properly,” dagdag pa ni Rueda-Acosta na siyang pinakamatatag at pinakamatagal na nanunungkulan bilang hepe nito na umabot na halos ng 25 taon.


Dagdag pa nito, nakatuon ang kanyang buhay at panahon bilang lingkod-bayan at handang tanggapin ang anumang bagong hamon sa kanya sa mga susunod na panahon sa ibang antas ng paglilingkod upang kanyang patuloy na mapaglingkuran ang sambayang Pilipino.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page