by Info @News | January 28, 2026

Photo: Public Attorney’s Office (PAO) / Atty. Persida Rueda-Acosta
Umabot sa halos 48 milyong mahihirap na Pilipino ang natulungan at 302,000 Persons Deprived of Liberty (PDLs) naman ang napalaya sa mga kulungang-rehas ng Public Attorney’s Office (PAO) mula noong unang araw nang pag-upo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hanggang nitong Disyembre 2025.
Kilala bilang “Numero Unong Tagapagtanggol ng Maralitang Pinoy,” ang PAO na pinamumunuan ni Atty. Persida Rueda-Acosta ay patuloy na tinatangkilik lalo na ng mga mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa hukuman at iba pang lugar dahil na rin sa kasalatan sa pera.
Base sa rekord ng PAO, may 1,753,374 na iba’t-ibang kaso ang nahawakan ng mga public attorneys na nagmula sa mga sangay nito sa buong bansa.
Kung saan nakakuha ito ng favorable disposition rate na 87.14% para sa mga kasong kriminal, nakamit ng PAO ang pangkalahatang favorable disposition rate na 83.27% sa lahat ng mga kaso na hinawakan at ipinagtanggol nito.
Lumalabas na may bilang na 88,444 na mahihirap na Pinoy na nasasakdal ang nagawang mapawalang-sala dahil na rin sa masigasig na pagtatanggol ng PAO lawyers sa loob ng nasabing katulad na panahon.
Tinaguriang ‘most trusted’ mula sa hanay ng sektor ng katarungan ayon na rin sa lumabas na survey ng Social Weather Station noong 2021, nagawang mapangasiwaan ni Rueda-Acosta ang ahensya ng maayos at walang bahid na korupsiyon sa kabila ng kakulangan sa budget at maging sa bilang ng public attorneys kung ihahambing sa dami ng bilang ng mga Pinoy na umaasa sa libreng serbisyong-legal nito.
Mga larawan mula sa Bureau of Corrections
Hindi nagkasya sa chief public attorney ang maghintay na lamang sa mga maralitang Pinoy na pumupunta sa PAO branches o tawag sa hotline nito upang humingi ng tulong.
Sa suporta ng team nito na pinangungunahan nina Deputy Chief Public Attorney Erwin Erfe, Deputy Chief Ana Lisa Soriano at PAO-Metro Manila Director Revelyn Ramos-Dacpano at iba pang opisyales nito, itinatag mismo ni Rueda-Acosta ang sarili nitong online program na #PALA (Persida Acosta’s Legal Advice) na mapapanood sa Facebook at sa iba pang social media platforms kung saan mas maraming mamamayan ang tumatangkilik at nabibigyan ng agarang serbisyo ng ahensya.
Malaking pasasalamat din ang ipinahatid ng PAO officials mismo kay First Lady Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos’ dahil sa pag-imbita ng huli na sumama ang PAO sa “Lab for All” caravan kung saan mas maraming maralitang Pinoy ay nagagawang matulungan nito.
Ayon sa PAO chief, hindi nakapagtatakang patuloy na makuha ng PAO ang buo at mataas na pagtitiwala ng sambayanang Pilipino dahil sa tatlong guiding parameters ng kanyang liderato – ang transparency, accountability at empowerment.
“Everybody can text or communicate directly with me through my public phone, any time, day and night that I see and read myself. I would know quickly the problem of every Filipino,” saad nito.
“That is transparency and that includes how PAO spends its budget properly,” dagdag pa ni Rueda-Acosta na siyang pinakamatatag at pinakamatagal na nanunungkulan bilang hepe nito na umabot na halos ng 25 taon.
Dagdag pa nito, nakatuon ang kanyang buhay at panahon bilang lingkod-bayan at handang tanggapin ang anumang bagong hamon sa kanya sa mga susunod na panahon sa ibang antas ng paglilingkod upang kanyang patuloy na mapaglingkuran ang sambayang Pilipino.

















