top of page
FRANKLY - ELLEN, UMAMING 1 YR. NANG WALANG SEX-G _maria.elena.adarna.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 21, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Ipinabatid sa amin ng aming kumpanya na ang sinumang empleyado na nakapagserbisyo na ng 35 taon ay awtomatikong ireretiro, kahit hindi pa umaabot sa kompulsaryong edad ng pagreretiro na 65 taong gulang. Maaari po ba nilang gawin ito? — Ara





Dear Ara,


Ayon sa Article 287 ng Labor Code ng Pilipinas, kung ang isang kumpanya ay walang retirement plan, ang isang empleyado na umabot sa 65 taong gulang at nakapagsilbi nang hindi bababa sa limang taon ay may karapatang tumanggap ng retirement benefits. Ang nasabing benepisyo ay katumbas ng kalahating buwang sahod sa bawat taon ng serbisyo.


Narito ang pahayag ng batas:


Art. 287. Retirement. – 


In the absence of a retirement plan or agreement providing for retirement benefits of employees in the establishment, an employee upon reaching the age of 60 years or more, but not beyond 65 years which is hereby declared the compulsory retirement age, who has served at least five years in the said establishment, may retire and shall be entitled to retirement pay equivalent to at least 1/2 month salary for every year of service, a fraction of at least 6 months being considered as one whole year.”


Ang nabanggit na probisyon ng batas ay ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Amy C. Lazaro-Javier, sa kasong Guido Pulong vs. Super Manufacturing, Inc., et al., G.R. No. 247819, 14 October 2019. Ayon sa nabanggit na kaso, ang edad ng pagreretiro ay maaaring pag-usapan ng empleyado at ng kaniyang employer. Kung walang napagkasunduan hinggil dito, ang edad na itinalaga ng batas ang masusunod para sa nasabing pagreretiro. Ang opsyonal na pagreretiro ay sa edad na 60 gulang, at ang kompulsaryong pagreretiro naman ng isang empleyado ay sa edad na 65 gulang.  Ayon sa nasabing kaso:


“Retirement is the result of a bilateral act of the parties, a voluntary agreement between the employer and the employee whereby the latter, after reaching a certain age, agrees to sever his or her employment with the former. In Cercado v. Uniprom, Inc., we held that an early retirement plan must be voluntarily assented to by the employees,


Samakatuwid, ang kasunduan ng isang empleyado at kanyang employer na nagsasabing ang empleyado ay maaaring magretiro, kahit na hindi pa siya 65 taong gulang, ay hindi naman labag sa batas. Kailangan lamang na ang halaga ng benepisyo sa pagreretiro ay hindi bababa sa nakasaad sa batas. Lalong higit, kung ang edad ng pagreretiro ay mas mababa sa itinalaga ng batas, kailangan at minamandato na ito ay dapat pinayagan o pinahintulutan ng empleyado. 


Sa inyong sitwasyon, hindi labag sa batas ang panukala ng inyong kumpanya na babaan ang retirement age alinsunod sa inyong retirement plan. Subalit, kinakailangan ang malinaw at boluntaryong pagsang-ayon ng empleyado.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 20, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang sanggol po namin ay pumanaw dahil umano sa pagkakamali ng doktor. Ipinilit po sa amin ng ospital na ang sanggol namin, dahil sa kanyang murang edad, ay wala pa umanong sibil na personalidad sa ilalim ng batas. Dahil dito, sinabi nilang wala kaming karapatan na magsampa ng kaso sa ngalan ng anak namin. Nais po sana naming maliwanagan kung totoo nga po ba na ang isang sanggol ay wala pang personalidad sa batas. — Wally





Dear Wally, 


Para sa iyong kaalaman, malinaw na itinatakda ng Republic Act (R.A.) No. 386, o mas kilala bilang Civil Code of the Philippines, ang mga patakaran ukol sa sibil na personalidad ng isang tao. Partikular na nakasaad sa Artikulo 40 at 41 ang mga sumusunod:


“Article 40. Birth determines personality; but the conceived child shall be considered born for all purposes that are favorable to it, provided it be born later with the conditions specified in the following article.


Article 41. For civil purposes, the foetus is considered born if it is alive at the time it is completely delivered from the mother's womb. However, if the foetus had an intra-uterine life of less than seven months, it is not deemed born if it dies within twenty-four hours after its complete delivery from the maternal womb.” 


Hinggil sa nabanggit, ang isang sanggol ay itinuturing na may sibil na personalidad kung siya ay ipinanganak nang buhay mula sa sinapupunan ng ina. Ang isang sanggol ay itinuturing din na may sibil na personalidad kung ang kanyang buhay sa loob ng matris (intra-uterine life) ay mas mababa sa pitong buwan, ngunit siya ay nabuhay nang hindi bababa sa 24 na oras matapos ang ganap na kapanganakan.


Kung alinman sa mga kondisyong ito ay napatunayan, ang sanggol ay itinuturing na may sariling sibil na personalidad. Dahil dito, maaaring hindi tama ang pahayag na walang sibil na personalidad sa batas ang iyong sanggol.


Sa kabilang banda, kahit ipagpalagay na hindi natugunan ang mga kondisyong ito, maaari pa ring magkaroon ng karapatan ang mga magulang na maghabol ng danyos batay sa ibang legal na batayan.


Kaugnay nito, ipinahayag ng Korte Suprema sa kasong Geluz vs. Court of Appeals (G.R. No. L-16439, ika-20 ng Hulyo 1961, isinulat ni Kgg. Kasamahang Mahistrado Jose Benedicto Luis Luna Reyes) ang mga sumusunod:


“This is not to say that the parents are not entitled to collect any damages at all. But such damages must be those inflicted directly upon them, as distinguished from the injury or violation of the rights of the deceased, his right to life and physical integrity. Because the parents cannot expect either help, support or services from an unborn child, they would normally be limited to moral damages for the illegal arrest of the normal development of the spes hominis that was the foetus, i.e., on account of distress and anguish attendant to its loss, and the disappointment of their parental expectations (Civ. Code Art. 2217), as well as to exemplary damages, if the circumstances should warrant them.” 


Sa kabuuan, ang pagkakaroon ng sibil na personalidad ng sanggol ay mahalaga upang matukoy kung ang paghahabol ng danyos ay isasagawa sa ngalan ng bata o direkta sa mga magulang. Subalit, anuman ang sitwasyon, maaaring magkaroon ng pananagutan ang ospital kung mapapatunayan ang pagkakaroon ng pagkukulang, pinsala, at direktang ugnayan nito sa sinapit ng iyong sanggol.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 19, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Ako po ay kasalukuyang naka-maternity leave. Nalaman ko po na kinakailangan kong tutukan ang kalusugan ng aking anak. Kaya naman, nais ko po sanang pahabain ang aking 105 araw na maternity leave. Maaari ko po ba itong gawin? — Kyla





Dear Kyla,


Bago ang lahat, alamin muna natin ang mga karapatang ibinibigay ng batas sa isang babaeng nagdadalang-tao. Ayon sa Section 3 ng Republic Act (R.A.) No. 11210, o ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law, ang mga kababaihang saklaw ng batas at matagumpay na nakapanganak ay may karapatang magtamasa ng 105 araw na maternity leave, kung saan sa buong panahong ito ay tumatanggap sila ng sahod.


Kung sakaling sa hindi inaasahang pagkakataon ay makunan o maagang natapos ang pagbubuntis, ang isang babae ay may karapatang magtamasa ng 60 araw na maternity leave, kung saan sa nasabing panahon ay may karapatan din siyang makatanggap ng sahod.


Narito ang pahayag ng batas:


Section 3. Grant of Maternity Leave.— All covered female workers in government and the private sector, including those in the informal economy, regardless of civil status or the legitimacy of her child, shall be granted one hundred five (105) days maternity leave with full pay and an option to extend for an additional thirty (30) days without pay: Provided, That in case the worker qualifies as a solo parent under Republic Act No. 8972, or the "Solo Parents’ Welfare Act", the worker shall be granted an additional fifteen (15) days maternity leave with full pay.


Enjoyment of maternity leave cannot be deferred but should be availed of either before or after the actual period of delivery in a continuous and uninterrupted manner, not exceeding one hundred five (105) days, as the case may be.


Maternity leave shall be granted to female workers in every instance of pregnancy, miscarriage or emergency termination of pregnancy, regardless of frequency: Provided, That for cases of miscarriage or emergency termination of pregnancy, sixty (60) days maternity leave with full pay shall be granted.”


Kaugnay nito, maaari bang palawigin o pahabain ang nasabing 105 araw na maternity leave? Ang sagot dito ay maaari itong pahabain. Ayon pa rin sa nabanggit na probisyon ng batas, ang isang babae ay may karapatang pahabain ng 30 araw ang kaniyang maternity leave:


Section 3. Grant of Maternity Leave.— All covered female workers in government and the private sector, including those in the informal economy, regardless of civil status or the legitimacy of her child, shall be granted one hundred five (105) days maternity leave with full pay and an option to extend for an additional thirty (30) days without pay:


Kung ang isang babae ay magdesisyon na pahabain ang araw ng kanyang maternity leave, siya ay maaaring bigyan ng karagdagan na 30 na araw. Ngunit sa nasabing panahon ay wala nang obligasyon ang kaniyang employer na bayaran siya ng kanyang sahod. 


Sa iyong sitwasyon, maaari mong pahabain ang panahon ng iyong maternity leave. Gayunman, dapat mong tandaan na ang nasabing ekstensyon ay hanggang tatlumpung araw lamang at ang mga araw na ito ay walang bayad.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page