top of page
FRANKLY - ELLEN, UMAMING 1 YR. NANG WALANG SEX-G _maria.elena.adarna.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 1, 2026



ISSUE #397


Sa maliliit na baryo kung saan magkakalapit ang mga bahay at halos magkakamag-anak ang turingan ng bawat isa, ang mga lihim ay bihirang manatiling nakatago. Mabilis na kumakalat ang balita, lalo na kung ito ay may kinalaman sa pag-ibig, selos, at dangal. 


May mga pagkakataong ang simpleng usapan ay nauuwi sa tampuhan. Ang tampuhan ay nagiging galit. At ang galit, kapag hindi napigilan ay maaaring humantong sa trahedya. Ngunit sa oras na may buhay nang nawala, hindi sapat ang kutob, hinala, o paniniwala lamang upang ituro kung sino ang dapat managot.


Sa ilalim ng ating Konstitusyon, nananatiling buhay ang isang pangunahing karapatan—ang pagpapalagay na inosente, o mas kilala sa tawag na “presumption of innocence.” Sa madaling salita, ang bawat akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayan ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Kung ang ebidensya ng magkabilang panig ay tila magkapantay, umiiral din ang tinatawag na equipoise rule, isang legal na prinsipyong nagsasabing kapag ang mga pangyayari ay maaaring magbigay ng dalawang magkaibang paliwanag at ang isa rito ay naaayon sa kawalang-sala ng akusado, kinakailangang manaig ang presumption of innocence.


Sa araw na ito, ang mga nabanggit na legal na prinsipyo ay nasubok, nagamit, at sinuri ng hukuman sa kasong People of the Philippines v. Belangel, Criminal Case No. P-5073, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 31, Pili, Camarines Sur, sa panulat ni Hon. Judge Vivencio Gregorio G. Atutubo III noong Nobyembre 23, 2018.


Batay sa impormasyon, noong Pebrero 10, 2015, bandang alas-9:00 ng gabi, sa Brgy. Kinalabasahan, Bula, Camarines Sur, ang biktima ay tawagin na lamang natin sa pangalang “Alyas Jeffrey” ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.


Sa simula, Frustrated Homicide lamang ang kasong isinampa laban sa akusadong tatawagin nating “Alyas Dante.” Ngunit, nang sumunod na araw ay namatay si “Alyas Jeffrey” dahil sa tinamong sugat, inamyendahan ang kaso at ginawang Homicide.

Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang asawa ng biktima, ang kanyang ama, at isang kapitbahay upang buuin ang salaysay ng mga pangyayaring naganap noong gabing iyon.

Ayon kay “Alyas Nicole,” asawa ng biktimang si “Alyas Jeffrey,” magkaharap lamang ang kanilang bahay at ang bahay ng akusado. Isinalaysay niya na bago naganap ang insidente ay nagkaroon umano ng problema dahil si “Alyas Jeffrey” ay pinaghinalaang nagpahayag ng pagnanasa sa asawa ng akusado.

Noong gabing iyon, si “Alyas Jeffrey” umano ay nasa loob lamang ng kanilang bahay at nagpapahinga nang may tumawag sa kanyang pangalan. 


Nakita umano ni “Alyas Nicole” na sumilip sa bintana ang kanyang asawa bago ito lumabas sa kusina. Paglabas niya, nakita niya si “Alyas Dante” na tila inaanyayahan ang kanyang asawa upang makipag-usap.


Ayon sa kanya, magkalapit lamang ang dalawa habang nag-uusap at naglalakad papunta sa kalsada. Mula sa tinatayang dalawa at kalahating metro ang layo, nakita umano niya si “Alyas Dante” na pilit pinauupo si “Alyas Jeffrey” sa daan.


Makalipas ang ilang sandali, dalawang putok ng baril umano ang kanyang narinig. Sa kanyang testimonya, sinabi ni “Alyas Nicole” na hindi niya mismo nakita ang baril. Gayunman, naniniwala siyang ang akusado ang bumaril dahil wala naman umano silang ibang nakita sa lugar. 


Sa ilalim ng pagtatanong ng depensa, inamin din niya na narinig niya ang unang putok habang nakaupo o nakaluhod ang dalawa sa kalsada, at ang ikalawang putok ay nang nag-aagawan na umano ang dalawa sa baril.


Samantala, si “Alyas Bert,” ama ng biktima, ay nagsabing narinig niya ang paghingi ng saklolo matapos ang mga putok. Agad umano siyang nagtungo sa lugar at nakita niyang nakahandusay ang kanyang anak. Ayon sa kanya, nasalubong niya si “Alyas Dante” na mabilis na umaalis habang may hawak na baril.


Isinalaysay naman ng kapitbahay nilang si “Alyas Rene” na bago ang insidente ay nag-iinuman silang magkakasama ng akusado. Ayon kay “Alyas Rene,” ikinuwento umano ni “Alyas Dante” sa kanila na may ginawang hindi maganda si “Alyas Jeffrey” laban sa kanyang asawa. Pinayuhan umano nila ang akusado na kausapin na lamang ang pamilya ng biktima tungkol sa problema.


Pagkaraan umano ng ilang sandali matapos umalis ang akusado, nakarinig sila ng dalawang putok ng baril. Matapos ang insidente, isinugod si “Alyas Jeffrey” sa ospital, kung saan siya sumailalim sa blood transfusion, thoracotomy, wound exploration, at iba pang medical procedures, subalit kinabukasan ay binawian din siya ng buhay. 

Batay sa death certificate at medical findings, ang kanyang pagkamatay ay dulot ng matinding pinsalang tinamo mula sa tama ng bala.


Sa kabilang banda, sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Maria Karina Gonzaga, mariing itinanggi ni “Alyas Dante” na mayroon siyang intensyong patayin ang biktima.


Ayon sa kanyang salaysay, nilapitan niya si “Alyas Jeffrey” upang kausapin ito tungkol sa diumano’y ginawang pambabastos sa kanyang asawa noong nakaraang araw.

Ayaw umano niyang marinig ng kanyang asawa ang kanilang pag-uusap, kaya niyaya niya si “Alyas Jeffrey” sa may kalsada. 


Ayon pa sa kanya, lasing umano noon ang biktima. Nang komprontahin niya ito tungkol sa nangyari, bigla umanong bumunot ng baril si “Alyas Jeffrey.” Dito umano nagsimula ang pag-aagawan nila sa armas. Habang sila ay nagpupumiglas at nag-aagawan ng baril, bigla umano itong pumutok nang dalawang beses. 


Iginiit ni “Alyas Dante” na aksidente ang pamamaril at wala siyang planong kitilin ang buhay ng biktima.


Sa pagresolba ng kaso, sinuri ng hukuman kung sapat nga ang ebidensya upang mapatunayan na si “Alyas Dante” ang sadyang pumatay kay “Alyas Jeffrey.”

Ipinaalala ng hukuman na sa kasong Homicide, hindi lamang ang kamatayan ng biktima ang kailangang mapatunayan. Kasama rin ang katotohanang ang akusado ang responsable rito at may intensyon siyang pumatay.


Sa lahat ng kasong kriminal, tungkulin ng tagausig na patunayan ang bawat elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Hindi sapat na may posibilidad o hinala lamang laban sa akusado. Kinakailangan ang moral certainty—isang antas ng katiyakan na magbibigay-kapanatagan sa isip at konsensya ng hukom na tama ang magiging hatol.


Sa pagsusuri ng hukuman, napansin nitong kahit sinabi ni “Alyas Nicole” na ang akusado ang responsable sa pamamaril, inamin din niyang hindi niya nakita kung sino talaga ang may hawak ng baril nang ito ay pumutok. Mahalaga ring napansin ng hukuman na parehong inaamin nina “Alyas Nicole” at “Alyas Dante” na nagkaroon ng agawan sa baril bago ito pumutok.


Bukod dito, walang malinaw na ebidensyang magpapakita kung sino talaga ang nagdala ng baril noong gabing iyon. Bagama’t posibleng si “Alyas Dante” ang may dala ng armas dahil galit siya sa biktima, sinabi rin ng hukuman na posible ring si “Alyas Jeffrey” ang may hawak nito upang protektahan ang sarili laban sa inaasahang komprontasyon.


Sa madaling salita, ayon sa hukuman, ang mga pangyayari ay maaaring magbigay ng dalawang magkaibang bersyon na parehong posible. Maaaring tama ang panig ng tagausig na sinadyang barilin ng akusado ang biktima. Ngunit, maaari ding totoo ang depensa na aksidenteng pumutok ang baril habang nag-aagawan silang dalawa.

Dahil dito, ginamit ng hukuman ang tinatawag na equipoise rule.


Ayon sa prinsipyong ito, kapag ang ebidensya ng tagausig at depensa ay tila magkapantay at ang mga pangyayari ay maaaring ipaliwanag sa paraang naaayon sa pagkakasala o kaya naman ay sa kawalang-sala ng akusado, kinakailangang manaig ang presumption of innocence.


Ipinunto ng hukuman na kung ang mga ebidensya ay hindi sapat upang alisin ang lahat ng makatuwirang pagdududa, hindi maaaring hatulan ang isang tao sa kasong kriminal. Sa ilalim ng ating Saligang Batas, mas mahalagang maprotektahan ang isang inosenteng tao laban sa maling pagkakakulong kaysa magpataw ng hatol batay lamang sa posibilidad.


Bagama’t kinilala ng hukuman ang matinding pagdadalamhati ng pamilya ng biktima, sinabi nitong hindi maaaring palitan ng simpatiya ang kinakailangang antas ng ebidensya sa isang kasong kriminal.


Sa huli, pinawalang-sala si “Alyas Dante” dahil sa kabiguang mapatunayan ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Gayunman, sinabi rin ng hukuman na maaari pa ring magkaroon ng civil liability kahit walang criminal liability. 


Batay sa preponderance of evidence, o mas mabigat na timbang ng ebidensya, inatasan pa rin si “Alyas Dante” na magbayad ng civil indemnity, moral damages, at actual damages sa pamilya ng biktima.


Sa maraming pagkakataon, ang katotohanan ay hindi laging malinaw.

May mga gabing ang tanging naiwan matapos ang putok ng baril ay magkakasalungat na kuwento, mga luha, at mga tanong na walang tiyak na kasagutan.


May daing ang pamilya ng namatay sapagkat may buhay na hindi na maibabalik. Ngunit may daing din ang isang akusadong hindi maaaring hatulan kung ang ebidensya laban sa kanya ay nananatiling hati. Sapagkat sa ilalim ng batas, hindi sapat na posibleng siya ang may sala. Kinakailangang mapatunayan ito nang may moral certainty.


Kapag ang katotohanan ay nananatiling nababalot ng pagdududa, nananatiling tapat ang batas sa pinakamahalagang paninindigan nito, na ang bawat akusado ay inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 31, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ang Department of Labor and Employment (DOLE) Labor Advisory No. 14, Series of 2021 na tumutukoy sa “Working Conditions of Delivery Riders in Food Delivery and Courier Activities” ang nagsisilbing basehan ng kondisyon sa pagtatrabaho ng ating mga delivery riders at couriers.


Sinasaklaw ng Labor Advisory na ito ang pagbibigay ng proteksyon para sa mga delivery riders sa food delivery at courier activities na gumagamit ng digital platforms. Ayon sa nasabing advisory, ang digital platform company ay tumutukoy sa isang tao o kumpanya na nagmamay-ari o namamahala ng isang location-based digital platform kung saan nagtatalaga ng trabaho sa isang lugar para sa food delivery at courier activities.  


Ayon sa nabanggit na Labor Advisory, ang pagtukoy sa relasyon ng delivery riders at mga digital companies ay ibinabatay sa prinsipyo ng “primacy of facts.” Ang prinsipyong ito ay sinusuri alinsunod sa mga sumusunod na panuntunan:

a) Four-fold test. 


Ito ay tumutukoy sa (1) pagpili at pagkuha ng empleyado; (2) pagbabayad ng sahod; (3) kapangyarihang magdisiplina at (4) kapangyarihang kontrolin hindi lamang ang resulta ng pagtatrabaho kundi pati ang paraan ng pagsasagawa nito.  

b) Economic Reality test. 


Ito ay tumutukoy sa (1) kabuuan ng serbisyong isinasagawa ay kinakailangan at sakop sa negosyo ng amo; (2) kabuuuan ng mga equipments at investment at maging ng mga pasilidad na gamit; (3) ang likas at antas nang kontrol ng employer; 


(4) ang oportunidad ng trabahador sa profit at loss; (5) ang hangganan ng husay, initiative, judgement at pagtingin ng empleyado sa ikauunlad ng enterprise; (6) tagal ng relasyon ng trabahador at amo; at (7) antas ng pagiging dependent ng empleyado sa kanyang employer para sa kanyang patuloy na pagtatrabaho sa linya ng negosyo ng employer.


c) Independent Contractor test.


Ang mga trabahador ay itinuturing na independent contractors dahil sa kakaiba nilang kakayahan at talento at ng kawalan ng kontrol kung papaanong paraan nila isasagawa ang kanilang pagtatrabaho.


Ang mga delivery riders na itinuturing na empleyado ay mayroong karapatang magkaroon ng security of tenure, mag-organisa at makipag-collective bargaining. 


Sila rin ay may karapatan sa mga sumusunod na benepisyo:

  1. Minimum wage;

  2. Holiday pay;

  3. Premium pay;

  4. Overtime pay;

  5. Night shift differential;

  6. Service Incentive Leave;

  7. Thirteenth-month pay;

  8. Separation pay;

  9. Retirement pay;

  10. Occupational safety and health standards;

  11. Social benefits e.g. SSS, Philhealth, Pag-IBIG; and

  12. Other benefits (iba pang mga benepisyo sa ilalim ng  kasalukuyang batas).


Samantala, para naman sa mga delivery riders na itinuturing na independent contractors o tinatawag na freelancers, ang mga termino at kondisyon ng kanilang pagtatrabaho ay nakabatay sa  kanilang kasunduan sa mga digital platform companies katulad ng, subalit hindi limitado sa mga sumusunod:

  1. Pagbabayad nang patas na kabayaran para sa pagtatrabaho na hindi bababa sa minimum wage;

  2. Pag-aayos ng registration at coverage sa SSS, Philhealth at Pag-IBIG;

  3. Pagsunod sa occupational safety and health standards katulad ng paggamit ng personal protective equipment (PPEs) at pagdalo sa mga trainings at seminars sa road and traffic rules at road safety na pangangasiwaaan ng digital platform company sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan; at

  4. Pakikipag-ugnayan sa mga local government units o merchants sa pagtukoy ng mga nakatalagang delivery areas para sa mga nasabing delivery riders.


Anumang reklamo o hinaing ng mga delivery riders o ng mga digital platform companies laban sa isa’t isa ay aayusin at reresolbahin sa pamamagitan ng conciliation, mediation, inspection, o arbitration sa ilalim ng kasalukuyang panuntunan at regulasyon.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 30, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagbabalak ako na mag-apply ng trabaho sa isang kumpanya na may kinalaman sa pagbibigay ng microgrid system na serbisyo sa ibang liblib na lugar sa bansa. Bago po sana ako magsumite ng mga dokumento, nais ko munang masigurado na lehitimo ang pinapasok kong trabaho. Ano po ba ang dokumento na dapat maipakita ng kumpanya para makapagpatakbo ng isang negosyong may kaugnayan sa paglalaan ng isang integrated power generation? Maraming salamat po. — Melissa Miguella





Dear Melissa Miguella,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 11646, o mas kilala sa tawag na “Microgrid Systems Act,” kung saan nakasaad na:


“Section 6. Microgrid System Providers. – The ownership and operation of a microgrid system in unserved and underserved areas pursuant to this Act shall not be considered a public utility operation. For this purpose, any MGSP shall not be required to secure a franchise from Congress, but shall secure an Authority to Operate (ATO) from the ERC prior to its operation. All qualified third parties (QTPs) providing alternative electric service pursuant to Section 59 of Republic Act No. 9136 are hereby renamed and shall hereafter to be known as Microgrid Systems in Underserved and Unserved Areas (MGSPs).


Any party, including private corporation, local government units, cooperatives, non-government organizations, generation companies and their subsidiaries, and Distribution Utilities (DUs) and their subsidiaries who have demonstrated the capability and willingness to comply with the relevant technical financial, and other requirements, may be an MGSP: Provided, That these entities shall not subsidize their respective MGSPs and shall maintain a separate account for such business undertaking pursuant to ERC’s applicable rules and guidelines on business separation and unbundling, whenever applicable.” 


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang pagmamay-ari o operasyon ng isang microgrid system sa mga lugar na walang serbisyo at kulang sa serbisyo ay hindi maikokonsidera na operasyong public utility. Kung kaya, ang mga nagbibigay ng microgrid system ay karaniwang hindi inaatasan na kumuha ng prangkisa sa Kongreso upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon. 


Ganoon pa man, ang mga nagbibigay ng microgrid system ay inaatasan na kumuha muna ng Authority to Operate mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ang pagsisimula ng kanilang operasyon. Kung kaya, base sa iyong nabanggit na katanungan, maaari mong hilingin sa kumpanyang iyong papasukan ang kanilang Authority to Operate mula sa ERC.


Nais din namin ipaalam na ano mang paglabas sa batas ay may kaukulang parusa alinsunod sa R.A. No. 11646. Muli, kinakailangan mong alamin kung ang iyong papasukang kumpanya ay napagkalooban ng ERC ng nasabing Authority to Operate para masabi na ang kanilang operasyon ay alinsunod sa batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page