ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 1, 2026
ISSUE #397
Sa maliliit na baryo kung saan magkakalapit ang mga bahay at halos magkakamag-anak ang turingan ng bawat isa, ang mga lihim ay bihirang manatiling nakatago. Mabilis na kumakalat ang balita, lalo na kung ito ay may kinalaman sa pag-ibig, selos, at dangal.
May mga pagkakataong ang simpleng usapan ay nauuwi sa tampuhan. Ang tampuhan ay nagiging galit. At ang galit, kapag hindi napigilan ay maaaring humantong sa trahedya. Ngunit sa oras na may buhay nang nawala, hindi sapat ang kutob, hinala, o paniniwala lamang upang ituro kung sino ang dapat managot.
Sa ilalim ng ating Konstitusyon, nananatiling buhay ang isang pangunahing karapatan—ang pagpapalagay na inosente, o mas kilala sa tawag na “presumption of innocence.” Sa madaling salita, ang bawat akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayan ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Kung ang ebidensya ng magkabilang panig ay tila magkapantay, umiiral din ang tinatawag na equipoise rule, isang legal na prinsipyong nagsasabing kapag ang mga pangyayari ay maaaring magbigay ng dalawang magkaibang paliwanag at ang isa rito ay naaayon sa kawalang-sala ng akusado, kinakailangang manaig ang presumption of innocence.
Sa araw na ito, ang mga nabanggit na legal na prinsipyo ay nasubok, nagamit, at sinuri ng hukuman sa kasong People of the Philippines v. Belangel, Criminal Case No. P-5073, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 31, Pili, Camarines Sur, sa panulat ni Hon. Judge Vivencio Gregorio G. Atutubo III noong Nobyembre 23, 2018.
Batay sa impormasyon, noong Pebrero 10, 2015, bandang alas-9:00 ng gabi, sa Brgy. Kinalabasahan, Bula, Camarines Sur, ang biktima ay tawagin na lamang natin sa pangalang “Alyas Jeffrey” ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Sa simula, Frustrated Homicide lamang ang kasong isinampa laban sa akusadong tatawagin nating “Alyas Dante.” Ngunit, nang sumunod na araw ay namatay si “Alyas Jeffrey” dahil sa tinamong sugat, inamyendahan ang kaso at ginawang Homicide.
Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang asawa ng biktima, ang kanyang ama, at isang kapitbahay upang buuin ang salaysay ng mga pangyayaring naganap noong gabing iyon.
Ayon kay “Alyas Nicole,” asawa ng biktimang si “Alyas Jeffrey,” magkaharap lamang ang kanilang bahay at ang bahay ng akusado. Isinalaysay niya na bago naganap ang insidente ay nagkaroon umano ng problema dahil si “Alyas Jeffrey” ay pinaghinalaang nagpahayag ng pagnanasa sa asawa ng akusado.
Noong gabing iyon, si “Alyas Jeffrey” umano ay nasa loob lamang ng kanilang bahay at nagpapahinga nang may tumawag sa kanyang pangalan.
Nakita umano ni “Alyas Nicole” na sumilip sa bintana ang kanyang asawa bago ito lumabas sa kusina. Paglabas niya, nakita niya si “Alyas Dante” na tila inaanyayahan ang kanyang asawa upang makipag-usap.
Ayon sa kanya, magkalapit lamang ang dalawa habang nag-uusap at naglalakad papunta sa kalsada. Mula sa tinatayang dalawa at kalahating metro ang layo, nakita umano niya si “Alyas Dante” na pilit pinauupo si “Alyas Jeffrey” sa daan.
Makalipas ang ilang sandali, dalawang putok ng baril umano ang kanyang narinig. Sa kanyang testimonya, sinabi ni “Alyas Nicole” na hindi niya mismo nakita ang baril. Gayunman, naniniwala siyang ang akusado ang bumaril dahil wala naman umano silang ibang nakita sa lugar.
Sa ilalim ng pagtatanong ng depensa, inamin din niya na narinig niya ang unang putok habang nakaupo o nakaluhod ang dalawa sa kalsada, at ang ikalawang putok ay nang nag-aagawan na umano ang dalawa sa baril.
Samantala, si “Alyas Bert,” ama ng biktima, ay nagsabing narinig niya ang paghingi ng saklolo matapos ang mga putok. Agad umano siyang nagtungo sa lugar at nakita niyang nakahandusay ang kanyang anak. Ayon sa kanya, nasalubong niya si “Alyas Dante” na mabilis na umaalis habang may hawak na baril.
Isinalaysay naman ng kapitbahay nilang si “Alyas Rene” na bago ang insidente ay nag-iinuman silang magkakasama ng akusado. Ayon kay “Alyas Rene,” ikinuwento umano ni “Alyas Dante” sa kanila na may ginawang hindi maganda si “Alyas Jeffrey” laban sa kanyang asawa. Pinayuhan umano nila ang akusado na kausapin na lamang ang pamilya ng biktima tungkol sa problema.
Pagkaraan umano ng ilang sandali matapos umalis ang akusado, nakarinig sila ng dalawang putok ng baril. Matapos ang insidente, isinugod si “Alyas Jeffrey” sa ospital, kung saan siya sumailalim sa blood transfusion, thoracotomy, wound exploration, at iba pang medical procedures, subalit kinabukasan ay binawian din siya ng buhay.
Batay sa death certificate at medical findings, ang kanyang pagkamatay ay dulot ng matinding pinsalang tinamo mula sa tama ng bala.
Sa kabilang banda, sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Maria Karina Gonzaga, mariing itinanggi ni “Alyas Dante” na mayroon siyang intensyong patayin ang biktima.
Ayon sa kanyang salaysay, nilapitan niya si “Alyas Jeffrey” upang kausapin ito tungkol sa diumano’y ginawang pambabastos sa kanyang asawa noong nakaraang araw.
Ayaw umano niyang marinig ng kanyang asawa ang kanilang pag-uusap, kaya niyaya niya si “Alyas Jeffrey” sa may kalsada.
Ayon pa sa kanya, lasing umano noon ang biktima. Nang komprontahin niya ito tungkol sa nangyari, bigla umanong bumunot ng baril si “Alyas Jeffrey.” Dito umano nagsimula ang pag-aagawan nila sa armas. Habang sila ay nagpupumiglas at nag-aagawan ng baril, bigla umano itong pumutok nang dalawang beses.
Iginiit ni “Alyas Dante” na aksidente ang pamamaril at wala siyang planong kitilin ang buhay ng biktima.
Sa pagresolba ng kaso, sinuri ng hukuman kung sapat nga ang ebidensya upang mapatunayan na si “Alyas Dante” ang sadyang pumatay kay “Alyas Jeffrey.”
Ipinaalala ng hukuman na sa kasong Homicide, hindi lamang ang kamatayan ng biktima ang kailangang mapatunayan. Kasama rin ang katotohanang ang akusado ang responsable rito at may intensyon siyang pumatay.
Sa lahat ng kasong kriminal, tungkulin ng tagausig na patunayan ang bawat elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Hindi sapat na may posibilidad o hinala lamang laban sa akusado. Kinakailangan ang moral certainty—isang antas ng katiyakan na magbibigay-kapanatagan sa isip at konsensya ng hukom na tama ang magiging hatol.
Sa pagsusuri ng hukuman, napansin nitong kahit sinabi ni “Alyas Nicole” na ang akusado ang responsable sa pamamaril, inamin din niyang hindi niya nakita kung sino talaga ang may hawak ng baril nang ito ay pumutok. Mahalaga ring napansin ng hukuman na parehong inaamin nina “Alyas Nicole” at “Alyas Dante” na nagkaroon ng agawan sa baril bago ito pumutok.
Bukod dito, walang malinaw na ebidensyang magpapakita kung sino talaga ang nagdala ng baril noong gabing iyon. Bagama’t posibleng si “Alyas Dante” ang may dala ng armas dahil galit siya sa biktima, sinabi rin ng hukuman na posible ring si “Alyas Jeffrey” ang may hawak nito upang protektahan ang sarili laban sa inaasahang komprontasyon.
Sa madaling salita, ayon sa hukuman, ang mga pangyayari ay maaaring magbigay ng dalawang magkaibang bersyon na parehong posible. Maaaring tama ang panig ng tagausig na sinadyang barilin ng akusado ang biktima. Ngunit, maaari ding totoo ang depensa na aksidenteng pumutok ang baril habang nag-aagawan silang dalawa.
Dahil dito, ginamit ng hukuman ang tinatawag na equipoise rule.
Ayon sa prinsipyong ito, kapag ang ebidensya ng tagausig at depensa ay tila magkapantay at ang mga pangyayari ay maaaring ipaliwanag sa paraang naaayon sa pagkakasala o kaya naman ay sa kawalang-sala ng akusado, kinakailangang manaig ang presumption of innocence.
Ipinunto ng hukuman na kung ang mga ebidensya ay hindi sapat upang alisin ang lahat ng makatuwirang pagdududa, hindi maaaring hatulan ang isang tao sa kasong kriminal. Sa ilalim ng ating Saligang Batas, mas mahalagang maprotektahan ang isang inosenteng tao laban sa maling pagkakakulong kaysa magpataw ng hatol batay lamang sa posibilidad.
Bagama’t kinilala ng hukuman ang matinding pagdadalamhati ng pamilya ng biktima, sinabi nitong hindi maaaring palitan ng simpatiya ang kinakailangang antas ng ebidensya sa isang kasong kriminal.
Sa huli, pinawalang-sala si “Alyas Dante” dahil sa kabiguang mapatunayan ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Gayunman, sinabi rin ng hukuman na maaari pa ring magkaroon ng civil liability kahit walang criminal liability.
Batay sa preponderance of evidence, o mas mabigat na timbang ng ebidensya, inatasan pa rin si “Alyas Dante” na magbayad ng civil indemnity, moral damages, at actual damages sa pamilya ng biktima.
Sa maraming pagkakataon, ang katotohanan ay hindi laging malinaw.
May mga gabing ang tanging naiwan matapos ang putok ng baril ay magkakasalungat na kuwento, mga luha, at mga tanong na walang tiyak na kasagutan.
May daing ang pamilya ng namatay sapagkat may buhay na hindi na maibabalik. Ngunit may daing din ang isang akusadong hindi maaaring hatulan kung ang ebidensya laban sa kanya ay nananatiling hati. Sapagkat sa ilalim ng batas, hindi sapat na posibleng siya ang may sala. Kinakailangang mapatunayan ito nang may moral certainty.
Kapag ang katotohanan ay nananatiling nababalot ng pagdududa, nananatiling tapat ang batas sa pinakamahalagang paninindigan nito, na ang bawat akusado ay inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.



