ni Anthony E. Servinio @Sports | August 19, 2024
Matapos ang unang dalawang matagumpay na yugto, lalarga na ang Air Run ngayong Setyembre 22 sa Cultural Center of the Philippines. Ito ang pangatlong handog ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024, ang natatanging karera na ipinaglalaban ang Inang Kalikasan.
Inakyat na sa 21 kilometro ang tampok na karera para hamunin ang mga nais mabuo ang serye. Nariyan pa rin ang 10, lima at isang kilometro.
Ang igagawad na medalya sa mga magtatapos ay maaaring isabit sa isang wood rack ng TPSK upang mabuo ang mga nakasabit na medalya. Magkakaroon din ng raffle at iba pang sorpresa. Ginaganap na ang pagpapalista online sa MyRunTime.com. Maaari ring pumunta sa mga piling sangay ng Chris Sports hanggang Setyembre 8 o bago maubusan, kung ano man ang mauna.
Para sa mga hindi makakapunta ng CCP sa araw mismo ng karera, magkakaroon ng virtual race. Isumite lang ang katibayan ng oras at distansiyang itinakbo para makakuha rin ng parehong medalya, t-shirt at regalo. “Nakikinig kami sa mga runner at ginagamit namin ito para lalong pagbutihin ang ating karera,” wika ni Jenny Lumba ng Green Media Events. “Sana umabot tayo ng 10,000 kalahok para mas marami tayong matulungan.”
Angkop sa kanyang pangalan, nais ng fun run na isulong ang malinis na hangin sa pamamagitan ng pagtanim ng puno kasama riyan ang pag-aalaga ng mga ibon sa pangunguna ng Haribon Foundation. Sa mga nakalipas na yugto ay nag-alay ng tulong para sa adbokasiya na labanan ang pagbago sa klima sa Fire Run noong Mayo 5 at ang pag-aalaga ng mga Pawikan sa Water Run noong Hulyo 14.
Ang BULGAR ay opisyal na Media Partner ng Air Run. Ang ika-apat at huling yugto ng serye Earth Run ay nakatakda para sa Nobyembre 17 sa parehong lugar.