top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


P100B PUWEDENG SA NEP ILAGAY NI PBBM KAYA PASABOG NI EX-REP. ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NG PRESIDENTE SA BICAM, SABLAY! -- Isa si good governance advocate, economist Cielo Magno sa mga kilalang anti-Marcos Jr., at isa siya sa nananawagan ng "resign all" (Pres. Bongbong Marcos, Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, mga senator and congressmen). Isa siya sa mga Pilipinong galit na galit sa nabulgar na flood control projects scam, isa rin siya sa mga nagpu-post sa social media patungkol sa mga politician, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) officials, Commission on Audit (COA) officials at mga kontraktor na sangkot sa pang-i-scam sa pera ng bayan, pero sa kabila ng ganito niyang paninindigan ay kabilang din siya sa hindi naniniwala sa pinasabog na video ni former Cong. Zaldy Co na inutusan daw siya ni PBBM sa pamamagitan nina former Speaker Martin Romualdez at Budget Sec. Amenah Pangandaman na mag-insert ng P100 billion sa Bicam.


Ito kasi ang bahagi ng isa sa mga post sa social media ni Cielo Magno... “Parang sobrang tanga naman ni BBM na hinintay pa ang Bicam para mag-insert ng P100B eh puwede na n’ya isaksak 'yun sa NEP (National Expenditure Program),” na ang post niyang (Cielo Magno) ito ay sinegundahan ni Sen. Ping Lacson na nagsabing, “Hindi naman sa ipinagtatanggol ko ang President, pero bakit n’ya ipapalagay ang P100B sa Bicam gayong kaya naman niya iyong ipalagay sa NEP.


May punto sina Cielo Magno at Sen. Lacson, kaya ‘yung pasabog ni Zaldy Co, masasabing sablay, boom!


XXX


HINDI LANG SI REP. ROMUALDEZ ANG ‘PASOK’ SA GROSS NEGLIGENCE KUNDI PATI SI PBBM -- Sa totoo lang, may pananagutan naman talaga sina PBBM at Rep. Martin Romualdez sa isyu ng flood control scandal dahil ang Presidente ang lumagda sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na may ‘insertions’ na sangkatutak na flood control projects, at sa parte naman ni Romualdez ay siya ang pumili kay Zaldy Co na maging head ng House Committee on Appropriations.


Kaya iyong sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na “pasok” si Romualdez sa kasong “gross negligence,” hindi lang siya (Romualdez) ang dapat masampahan ng ganyang kaso, kundi pati si PBBM, period!


XXX


HINDI MAN AMININ MALAMANG HAPPY SI SEN. ESCUDERO DAHIL ANG MAS MALAKING P142.7 ‘INSERTION’ NIYA NATABUNAN SA PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM -- Hindi man aminin ay malamang tuwang-tuwa si Sen. Chiz Escudero sa pasabog ng kapwa niya Bicolano na si ex-Rep. Zaldy Co laban kina PBBM at Romualdez.


Mainit kasing pinag-uusapan ngayon ng publiko ang pasabog ni Zaldy Co na P100B “insertion” ni PBBM sa Bicam, na ‘ika nga, nakalimutan na ng mamamayan ang pinasabog noon nina Sen. Tito Sotto at Sen. Lacson na mas malaking P142.7B na insertion ng former Senate president sa 2025 Bicam, boom!


XXX


VIDEO NG PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM SA BICAM, NATABUNAN ANG PASABOG NI EX-DPWH USEC. BERNARDO SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Hindi lang si Sen. Escudero ang masasabing happy sa pasabog ni Zaldy Co, kundi pati ang mga senador, former senators, kongresista at DPWH officials na isinabit ni former DPWH Usec. Roberto Bernardo sa flood control projects.


Natabunan kasi ng video ng pasabog ni Zaldy Co ang pasabog ni ex-DPWH Usec. Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee, period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 16, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa araw-araw na bigat ng trapiko, polusyon at stress sa kalsada, dapat sigurong ang mga pampublikong transportasyon ay maayos, maaliwalas at nakakahinga nang maluwag ang mga pasahero at hindi nagiging lugmok sa grabeng usok. 


Kaya tama lang na higpitan at gawing smoke-free at vape-free ang mga Transportation Network Vehicle Services (TNVS), at iba pang kahalintulad nito, na tunay na proteksyong matagal nang kailangan.


Ito marahil ang dahilan kaya inilunsad ng Department of Health (DOH), kasama ang MMDA, DOTr, LTFRB, at iba pang ahensya ang kanilang kampanyang 100% Smoke-Free at Vape-Free TNVS, kamakailan. 


Layunin nitong bawasan ang exposure ng mga pasahero, lalo ng mga kabataan sa nakalalasong usok at aerosol mula sa tobacco at vape products. 

Kasama sa inisyatiba ang paglalagay ng smoke-free at vape-free stickers sa mga TNVS vehicles, habag pagkilala rin sa mga naturang kumpanya nito na tapat na sumusunod sa tobacco control policies. 


Alinsunod ito sa Health Promotion Framework Strategy, National Tobacco Prevention and Control Strategy, at mga umiiral na batas gaya ng EO 26, RA 9211.


Base naman sa LTFRB Memorandum Circular 2019-063 ay iniuutos na maglagay ng ‘No Smoking and No Vaping’ signage sa lahat ng pampublikong sasakyan at terminal. Para sa sinumang lalabag may kaukulang parusa, kung saan pagmumultahin ng hanggang P15,000 at posibleng pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC). 


Ayon sa DOH, tumataas pa rin ang paggamit ng heated tobacco at vape products, lalo na sa mga saradong espasyo tulad ng TNVS, at walang takas dito ang mga pasahero. Ang polusyon mula sa second-hand at third-hand smoke ay nananatiling tahimik subalit mapanganib na salarin sa ating kalusugan. 


Sinabi naman ni MMDA Chairman Don Artes na mahalaga ang pagprotekta sa publiko laban sa anumang uri ng polusyon. Gayundin, para kay DOH Regional Director Lester Tan, ang inisyatiba ay pagbibigay-karapatan sa bawat pasahero na makalanghap ng malinis na hangin, isang batayang kalayaang hindi na dapat ipinaglalaban pa sa modernong panahon. 


Maraming kumpanya ng mga TNVS ang nagpahayag na ng kanilang suporta at nangakong isasama ang regulasyon sa kanilang booking apps. 


Ang pagbabawal ng paninigarilyo at pagbe-vape sa loob ng public transport ay hindi lamang regulasyon, ito ay uri ng pagrespeto. Respetong dapat ibigay sa bawat pasahero at nakasakay dito na umaasa para sa maayos, malinis na biyahe at hindi dapat nalulunod sa usok o polusyon. 


Alalahanin natin na hindi pribilehiyo ang malinis na hangin, kundi ito’y higit na pangangailangan. Kaya sana gawing smoke-at vape-free ang mga pampublikong transportasyon. 


Gayundin, ang usok, vape man o sigarilyo ay hindi lamang basta bisyo, ito ay nagiging banta sa ating kalusugan. Isipin na lang natin na umiwas sa anumang panganib sa kalusugan at huwag nang dagdagan pa ang problema.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 15, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pulutan ngayon ng mga “marites” si Sen. Bato.

May tsismis kasi na inilabas na ng ICC ang warrant of arrest.

----$$$--

Walang linaw kung aarestuhin ba siya ng PNP tulad sa naranasan ni Digong.

Dahil diyan, hindi malayong siya ay matulad kay Gen. Bantag — nagtatago.

-----$$$--

Hindi pa man, sinisikap ni Sen. Ping Lacson na makontak si Sen. Bato upang mabigyan ng angkop na “payong kapatid”.

Naranasan din kasi ni Lacson na magtago makaraang maglabas din ng warrant of arrest ang hukuman sa Dacer-Corbito double murder case.

-----$$$--

MAS ligtas si Sen. Bato kung hindi muna magpapakita dahil hindi naman ganap na mapoproteksyunan siya ng Senado.

Puwede kasing “maibentot” lang siya.

----$$$--

MANANATILI bilang pangulo ng Senado si Tito Sen lalo pa’t nabawasan ng “attendance” ang minorya.

Sayang, hindi na mapupuri ni Sen. Bato si “Guteza” sa pagsasabing, “Iyan ang Marines”, matapang!

-----$$$--

TULUYAN nang nalimutan ang dati-rating hot item na “missing sabungeros”.

‘Ika nga sa latest research sa Quantum Physics: Ang “suwerte” ay hindi random — ito ay naitatakda.

Ha! Ha! Ha!

-----$$$--

NATOTORETE at magkakaiba ang opinyon ng mga eksperto sa kontrobersiyal na “3I/ATLAS” comet.

May nagsasabi na natural at hindi artificial.

Pero, marami rin ang naniniwala na ito ay “alien spaceship”.

-----$$$--

NILABAG kasi ang 3I/ATLAS comet ang maraming batas ng physics.

Kumbaga, nagpapamalas ng kakaiba at pambihirang behavior ang “kometa” na didikit sa earth pagsapit ng Simbang Gabi ngayong Pasko 2025!

----$$$--

HINDI bagong isyu ang corruption — matagal na ‘yan sa burukrasya.

Ang bago rito — ay ang “garapal at lantarang pagnanakaw” na hindi ibinibisto ng COA, Ombudsman at Civil Service Commission.

----$$$--

ANG constitutional body ang nakatoka na magbantay sa iba’t ibang klase ng corruption na magkakakutsabang nagaganap — sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

‘Inutil’ ang Konstitusyon — wala itong kakayahan na proteksyunan ang publiko laban sa lantarang pandarambong ng mga pulitiko.

----$$$--

ISANG paham at karismatikong lider ang kailangan ng Pilipinas.

Kailan kaya siya isisilang — sa sabsaban ba o sa condominium ni Juan?




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page